"Lahat naman tayo apektado ng pagtaas ng bilihin. So, I just want to save up. I'm not getting any younger and ang suwerte-suwerte ko, kasi yung unang-unang teleserye, Koreanovela, very smooth," reasons comedienne Eugene Domingo on why she moved to GMA-7.

Photo: Noel Orsal

Masayang-masaya ang comedienne na si Eugene Domingo sa pagtanggap niya ng kanyang Movie Supporting Actress of the Year award mula sa 24th Star Awards for Movies ng Philippine Movie Press Club sa Ateneo University noong June 27. Nanalo si Eugene para sa napakahusay na pagganap niya bilang Science teacher sa digital film na Pisay.

"Oo, grabe! Bale ika-lima ko na ito. Lahat ng awards, tatanggapin ko para makapagpasalamat ako sa mga tao," lahad ni Eugene, na nanalo ring best supporting actress sa Golden Screen Awards a few days before para pa rin sa Pisay.

Bukod sa award na napanalunan niya, masaya rin siya sa mga karangalang nakuha ng Pisay.

"Buti nga natapos. Natigil ng ilang araw, ang hirap kasing gawin. Unang-una, ang haba ng script dahil iko-cover namin mula freshmen, sophomore, hanggang fourth year. So, nakapanghihinayang magtanggal ng ibang detalye kasi history ang aming tina-tackle.

"So, it's not an easy film to do and hindi kaya yung budget na nakalaan. Siyempre, paulit-ulit na nag-meeting, at awa ng Diyos, nakahingi ng support sa mga alumni kung magkakaroon ng compromise at konting pagbabago ng script. Pero nung natapos, ang feeling ko, lahat talaga kami naka-graduate.

"At alam naman natin na hindi ganun kadaling makapasok. At ‘eto ka na, bagsak ako sa Science. Hindi ko alam na mananalo ako na Science teacher!" natatawa niyang sabi.

Plano ba niyang gumawa ng mga ganitong uri ng pelikula tulad ng Pisay?

"Oo, sana," sagot ni Eugene. "Sana mabigyan pa ako ng mga roles na hindi yung the usual na napapanood sa akin. Siyempre, kailangan mo ring balansehin, 'di ba? So, nagpapasalamat ako dahil si Direk Auraeus Solito na binigyan niya ako ng chance. ‘Tsaka nagpapasalamt ako doon sa principal, si 'Doktora.' Yung principal na kasama ko sa pelikula, yung mestisa. Pumunta sa States kaya yung iba niyang eksena napunta sa akin. Humaba!" tawa niya.

GRAND-SLAM WINNER? Posible nga raw na maging grand-slam winner si Eugene sa pelikulang Pisay. Ano ang masasabi niya rito?

"Oh, wow! O, bakit hindi? Kung ibibigay, tatanggapin ko para mairegalo ko naman sa mga magulang ko. Alam mo kasi, ngayon mo na-appreciate kapag nagha-harvest ka na kung ano yung mga pinagdaanan mo na pagtatanim, ganun. Paminsan-minsan, gusto mo nang gumive-up. Paminsan-minsan, hindi mo naiintindihan kung bakit kailangan mo pagdadanan ang mga ganun. Kasi darating ang panahon, aani ka na.

"Dumating talaga ako sa point na gusto ko nang mag-give up. Kasi ang daming pressure. Ang dami mong choice na kailangang gawin. Pero kapag nare-recognize ka, ganyan, naa-appreciate ang trabaho mo, sasabihin mo, ‘Ah, kaya ako inilagay dito ng Diyos dahil meron akong kailangang gawin at alam ko naman deep inside, kaya ko ‘to," pahayag ng coemdienne.

FROM KAPAMILYA TO KAPUSO. Hindi pa man nananalo ng award si Eugene ay inuulan na siya ng projects. Isa na rito ang teleserye niya sa GMA-7 with Regine Velasquez, ang Ako Si Kim Samsoon. Pero hindi naman kaila na bago mapanood si Eugene sa Kapuso Network ay sa Kapamilya Network muna siya unang nabiyan ng magandang break sa telebisyon at nakilala.

May balita na kaya niya tinanggap ang teleserye ni Regine ay dahil mas malaki ang talent fee na inalok sa kanya ng GMA-7. Totoo ba ito?

"Sabihin na lang natin na mas marami akong maiipon. May edad na rin ako," maikli niyang tugon.

Nag-demand ba siya ng mas mataas na talent fee sa ABS-CBN pero hindi binigay kaya siya lumipat ng GMA-7?