"Wowie knows how much I cared for him bilang kaibigan niya. Yun naman yata ang nagiging ending ng bawat relasyon, di ba? Nagiging good friends kayo. Pinagdarasal ko ang mga kaibigan ko parati. And I pray nga na sana ay nasa magandang kalagayan si Wowie," says Judy Ann Santos about her former love team partner Wowie de Guzman.

Photo: Noel B. Orsal

Kung meron mang nami-miss si Judy Ann Santos ngayon, ito ay ang kauna-unahan niyang leading man na si Wowie de Guzman.

 

Bago nga maging hit ang pakikipagtambal ni Judy Ann sa tulad nina Piolo Pascual, Dingdong Dantes, (the late) Rico Yan at Ryan Agoncillo, si Wowie de Guzman ang una niyang naging ka-love team at naging number one screen tandem sila noong mid- and late ‘90s.

 

Naging box-office hits ang mga pinagsamahan nilang pelikula tulad ng Sana Naman, Kung Alam Mo Lang, Wow Multo, Mara Clara: The Movie, Esperanza: The Movie, Paano Ang Puso Ko, Muling Ibalik Ang Tamis Ng Pag-ibig, Kasal-Kasalan Sakal-Sakalan, Dito Sa Puso Ko, at marami pang iba. Pati na ang mga TV shows na pinagsamahan nila ay inaabangan ng marami, tulad nga ng Mara Clara at Esperanza.

 

Noong mabuwag ang love team nila (in reel and real life), naipareha si Juday sa iba't ibang leading men at nawalan naman ng direksyon ang career ni Wowie. Sinubukan nito na lumabas sa iba't ibang TV shows at pati na sa teatro ay sinubukan nito. Pero hindi na nga ito nakabalik sa dating lugar nito sa showbiz.

 

"Siyempre naman, nami-miss ko rin si Wowie. Marami kaming napagsamahan na mga pelikula at TV shows. Naging malaking part ng showbiz career ko si Wowie. Hindi ko naman siya basta makakalimutan, di ba? I think ang huling napagsamahan namin na movie was Luv Text.

 

"Minsan naman nagkakasalubong kami niyan sa kung saan-saan. Kinukumusta ko naman siya parati sa mga alam kong kaibigan niya. Ngayon kasi, hindi ko alam kung ano ba ang ginagawa niya. I don't know kung nasa theater pa siya. Wala akong balita talaga sa kanya," kuwento ni Juday sa presscon ng Mag-ingat Ka Sa.. Kulam ng Regal Entertainment.

 

Nanghinayang ba si Juday noong mabuwag ang love team nila ni Wowie? Kung sakaling hindi nawala ang tandem nila, sila pa rin kaya ang magkatambal ngayon?

 

"Mga bata pa naman kasi kami noon ni Wowie. May mga tampuhan kami noon. Mga bata nga kami kasi. Noong itambal na nga ako sa iba kasi nga hindi na nagwu-work ang samahan namin ni Wowie, nandoon yung nanghinayang din ako kasi masaya kami noon, e. Lahat ng gawin naming movies kumikita. ‘Tsaka ang dami naming mga tagahanga.

 

Pero hindi lang naman ako ang nagdesisyon doon. Maraming involved kaya gano'n ang nangyari. Kung sakaling walang naging problema sa amin noon ni Wowie, siguro hanggang ngayon may mga ginagawa pa kaming mga pelikula. Baka buo pa ang love team namin.

 

"Hindi ko lang alam sa personal side. Siyempre, habang nagma-mature tayo, naiiba ang gusto natin. May mga nadi-discover tayo sa mga kasama natin. Hindi maiiwasan iyon, e.

 

"With Wowie, alam naman niya kung ano ang nangyari sa amin. Pero matagal na iyon, e. Pareho na kaming nag-move on. Siguro nga, hindi kami yung itinakda para sa isa't isa.

 

"Nanghihinayang lang ako kay Wowie kasi alam ko kung gaano siya nag-improve na as an actor noon. Sana nagtuluy-tuloy iyon para hanggang ngayon ay active pa siya."

 

Pero nanatiling kaibigan pa rin si Juday kay Wowie kahit na matagal na silang hindi nagkikita.

 

"Wowie knows how much I cared for him bilang kaibigan niya. Yun naman yata ang nagiging ending ng bawat relasyon, di ba? Nagiging good friends kayo. Pinagdarasal ko ang mga kaibigan ko parati. And I pray nga na sana ay nasa magandang kalagayan si Wowie," pagtatapos ni Judy Ann Santos.