[x]

 

(Top photo) Maricel Soriano, Cesar Montano, and Ai-Ai delas Alas hosted the 25th Star Awards for Movies. (Below) German Moreno, Best Supporting Actor; Snooky Serna, Best Supporting Actress; Vilma Santos, Ulirang Artista awardee; and Jericho Rosales, Best Actor.

Photo: Noel Orsal

Naging matagumpay ang silver anniversary ng PMPC Star Awards for Movies sa pamunuan ng writer na ito. Ginanap ang awards night kagabi, May 28, sa Henry Lee Irwin Theater ng Ateneo De Manila University, Loyola Heights, Quezon City.

NORA VS. VILMA. Buhay na buhay ang Vilmanians at Noranians, na nag-aaway, nagpaparinigan, nagpaparunggitan, nagsasagutan, at nagpipintasan pa rin tungkol sa kanilang mga idolo kaya maingay sa audience.

Parehong recipients ng special awards sina Vilma Santos at Nora Aunor kagabi. Si Ate Vi ay ginawaran ng Ulirang Artista Award; at si Ate Guy naman bilang bahagi ng cast ng 1982 film na Himala, na kinilala dahil sa pagwawagi nito bilang Best Asian Film sa online poll ng cable news channel CNN.

Personal na tinanggap ng Star for All Seasons at Batangas governor ang kanyang tropeyo, pero dahil nasa U.S. pa rin hanggang ngayon ang Superstar kaya hindi nito natanggap ang pagkilala para sa kanyang pelikula.

"Napagsama n'yo ulit ang mga Noranians at Vilmanians," sabi ng scriptwriter ng Himala na si Ricky Lee tungkol sa pagsasama ng Vilmanians at Noranians.

Humihingi naman kami ng paumanhin kay Ricky, kasama ang Noranians, sa hindi pagkakalagay ng artikulo tungkol sa special recognition ng Himala sa souvenir program.

SHARON, MARICEL, SNOOKY. Kung may Vilma at Nora, meron ding Maricel Soriano, Snooky Serna, at Sharon Cuneta. Si Maricel ay isa sa mga host noong gabing 'yon; samantalang pareho namang nanalo sina Snooky at Sharon ng acting trophies.

Si Sharon ay nanalong Best Actress para sa Caregiver at si Snooky ay itinanghal na Best Supporting Actress para sa Paupahan. Kaso nga lang, hindi nakadalo si Sharon sa awards night dahil nasa U.S. siya ngayon para sa kanyang concert tour. Ang tiyahin niya na si Ms. Helen Gamboa ang tumanggap ng award para sa Megastar.

Sa acceptance speech ni Snooky ay pinatungkulan niya ang isa sa mga host na si Ai-Ai delas Alas. "Ai-Ai, bati na tayo," sambit ng dating child actress. Humingi rin siya ng tawad sa Comedy Concert Queen.

Matatandaang nagkagalit ang dalawa nang sabihan noon ni Snooky si Ai-Ai na "plastic" dahil inisnab daw siya ng comedienne sa premiere night ng pelikula nitong Volta noong 2004.

LIKE MOTHER, LIKE DAUGHTER. Gabi ng mag-ina ang Star Awards for Movies kagabi dahil hindi lang si Sharon ang nanalo kundi pati na ang panganay niyang anak na si KC Concepcion. Nanalo si KC bilang Movie Actress of the Year para sa una nitong pelikula na For The First Time.

Sayang nga lang kasama ni Sharon si KC sa U.S. kaya hindi rin niya personal na natanggap ang kanyang tropeyo. Pero nagtatanong ang ilan kung bakit hindi tinanggap ni Helen Gamboa ang trophy ni KC, samantalang siya ang tumanggap ng award ni Sharon.

AI-AI DELAS ALAS. Kung host ang Comedy Box-Office Queen ng Guillermo Mendoza Memorial Awards na si Ai-Ai delas Alas, na nag-proclaim na "forever Vilmanian" siya nung gabing yun; nag-perform naman sa finale ang Box-Office Queen na si Sarah Geronimo at nanalong Female Star of the Night.

Naloka ang audience kay Ai-Ai dahil "Inay" ang tawag niya kay Maricel, although ito talaga ang tawag ng mga malalapit sa Diamond Star.