Soxie Topacio says that he did not think Ded na si Lolo would be a critical success. "Lahat ay naghihintay ng sequel. Ayoko pa gawin. Kasi ang hirap i-top yung Ded na si Lolo. Actually, biro lang yung nilagay naming yung forty days sa dulo ng pelikula. Kaya ngayon, lahat ng tao nagtatanong kung kailan naman ang '40 Days'?"

 

Photo: Paul Mata

Sa unang pagkakataon, gagawa si Soxie Topacio ng isang pelikula para sa Star Cinema.

Nangyari ito pagkatapos ng tagumpay sa takilya ng huli niyang pelikula, Ded Na Si Lolo, na iprinodyus ng APT Films ni Tony Tuviera.

Naging matagumpay sa mga kritiko at kumita rin sa takilya ang pelikula niya starring Roderick Paulate, Gina Alajar, and Elizabeth Oropesa.

Kaya sa pagpasok ng 2011, napili si Direk Soxie para magdirek ng isa sa mga patok na love team ng ABS-CBN—sina Melai Cantiveros at Jason Francisco, o mas tanyag sa bansag na "Melason."

Ang title ng pelikula ay Pureza.

Unang pagkakataon din ito na mahahawakan ng direktor sina Melai at Jason. Sa katunayan, hindi niya raw kilala ang dalawang Pinoy Big Brother Double Up Edition housemates bago niya tinanggap ang proyektong ito.

"In fact, pinadalhan ako ng mga DVD nila ng PBB at yung mga shows nilang iba. During that time, nasa Singko ako. Kakagaling ko lang din sa Siyete before that," sabi ni Direk Soxie, pagtukoy sa TV networks na TV5 at GMA-7.

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Direk Soxie kamakailan during a lunch break sa set ng Pureza sa Manila na malapit sa riles.

Ayon pa sa direktor, kinausap daw siya ng isa sa mga taga-Star Cinema dahil may bagong tayong unit ang film outfit ng ABS-CBN at siya nga ang nakursunudahang magdirek ng first Melason movie.

Bukod pa doon, nakita niya na si Gina Marissa Tagasa ang nagsulat ng script. Si Gina ay anak ng komedyanteng si Mely Tagasa na matalik na kaibigan ni Direk Soxie.

Pinaka-naalala ni Direk Soxie ang unang pagkakataon na na-meet niya sina Melai at Jason.

"Luka-luka pala sila! E, luka-luka kasi yung script when I read it. Si Gina Tagasa ang nagsulat. Naloka ako sa script. Tawa kasi kami nang tawa!" kuwento ng actor-director.

Aniya pa, "Gusto ko lang din masaya lang naman. Ayoko ng masyadong drama. I think right now, the audience has so many problems. Ayaw na nilang umiyak kasi ang dami na din sa gabi. Yung mga teleserye, e, walang ginawa kundi magpatayan at mag-iyakan."

ONSCREEN & OFF-SCREEN MELASON. Ayon kay Direk Soxie, maganda ang chemistry ng dalawang baguhan sa industriya.

"Yung batuhan ng lines nila, e, nakakatawa. At wala silang pretensions. I think yun yung ace nila," sabi niya.