"Never kong nakita ang sarili ko na magda-drama ako. Feeling ko, nakakatawa akong tingnan kapag nag-a-attempt akong mag-drama. Pero kaya ko rin pala," says Nova Villa.

Photo: Courtesy of GMA-7

Masayang-masaya ang beteranang aktres na si Nova Villa dahil nabigyan siya kaagad ng bagong drama series sa GMA-7 pagkatapos ng afternoon soap na Nita Negrita.

Gaganap bilang Lola Ester si Nova sa early primetime series na Futbolilits.

Kuwento nga ni Tita Nova sa press launch ng Futbolilits na ginanap sa Studio 7 ng GMA Annex Building last June 28, nagte-taping pa siya noon ng Nita Negrita ay sinabihan na siya na may kasunod na siyang show.

Kaya labis ang pasasalamat ni Nova dahil sa pag-aalaga ng Kapuso network sa kanya.

"Kahit sino naman magiging masaya dahil sa pag-aalaga na ipinapakita ng GMA-7," sabi niya.

"Natuwa naman ako na hindi pa ako tapos sa Nita Negrita, sinabi na nilang kasama na ako sa cast ng bagong early primetime show.

"Hindi ko pa alam kung ano 'yon. Pero noong sabihin sa akin na mga bata ang makakasama ko, siyempre feeling bagets na naman tayo, di ba?

"Gustung-gusto ko na nakakatrabaho ang mga bagets kasi marami kang naise-share sa kanila."

NO CONFLICT. Wala naman daw conflict ang pagkakaroon ng isang show ni Nova sa TV5, ang sitcom na Sugo Mga Kapatid.

"Alam naman ng GMA-7 'yon," banggit ng veteran actress. "Wala naman daw problema dahil sitcom naman 'yon at once a week lang. Unlike nitong Futbolilits na mula Lunes hanggang Biyernes.

"Pambalanse ko naman iyong Sugo Mga Kapatid, kasi komedyante tayo doon.

"Dito sa Futbolilits, drama ulit tayo na medyo nagpapatawa. Lola kasi ako dito ng makulit na bata na si Isabel [Frial]. Natutuwa ako sa batang 'yan kasi magaling mag-deliver ng mga linya niya. She's only six years old, pero may timing sa pagbitiw niya ng punchline. Parati niya kasi akong kinukulit at binibiro sa Futbolilits."

FROM COMEDIANS TO DRAMATIC ACTORS. Naikuwento rin ni Nova sa PEP na aksidente silang nagkita ni Roderick Paulate, na nagpapakita naman ng husay niya sa drama sa primetime series ng GMA-7 na Munting Heredera.

Nagkuwentuhan daw sila at pareho silang natutuwa sa projects na ginagawa nila. Naipapakita raw kasi nila ang ibang side nila bilang artista at hindi lang bilang komedyante.

"Yun nga ang pinag-usapan namin ni Dick. Kung bakit naman noong nandito na kami sa GMA-7, ngayon lang kami nabigyan ng drama roles.