"Sa baby ko, oo—very protective ako sa baby ko," ang pagkukumpara ni LJ Reyes sa kanyang karakter sa The Good Daughter at sa totoong buhay.

Photo: Noel Orsal

Isa na namang kontrabida ang gagampanang papel ni LJ Reyes sa bagong proyekto niya sa GMA-7, ang The Good Daughter na pinagbibidahan nina Kylie Padilla at Rocco Nacino.

Mula sa kontrabida role niya sa Time of My Life ay gaganap siya ngayong "devious sister" sa The Good Daughter.

"Yung character ko, very ate, that's how I describe it.

"Kasi ano siya, e, very loving to her family. Pero very protective and do'n manggagaling yung pagiging kontrabida ko.

"Yun yung motivation, hindi siya yung dahil sa lovelife," sabi ni LJ tungkol sa kanyang role.

PROTECTIVE MOM. Protective din ba siya sa tunay na buhay?

"Sa baby ko, oo, very protective ako sa baby ko," sagot ng young mom.

May anak si LJ sa kanyang boyfriend na si Paulo Avelino, ang one-and-a-half-year-old na si Ethan Akio.

"Yung parang konting ano, kunwari may tumulak sa kanya, 'Ay! Bakit mo tinulak yung anak ko!'

Pero bawi niya, "Hindi naman gano'n, hindi naman ako mang-aaway ng bata siyempre.

"Pero alam mo yung feeling na parang konting... as in kunwari pag wala ako sa bahay, pag-uwi ko sa bahay tse-check ko 'yan, buong katawan.

"Kumbaga, siyempre iniiwan ko siya, pero hindi ko naman siya iniiwan na walang relative.

"Pero ayun, check 'yan, pati kung ano kinain niya, 'yan lahat, check gano'n.

"Kulang na nga lang may listahan ako...check, check, ganyan.

"Pero gano'n po ako ka-protective, as in check talaga lahat."