BJ Forbes, or more popularly know as Tolits, "upgrades" his image as he will be seen regularly in TV5's upcoming Sunday variety show, Sunday Funday.

Photo: Noel Orsal

Regular nang mapapanood sa telebisiyon ang child star na si BJ Forbes, na mas kilala sa tawag na Tolits.

Unang nakilala si BJ nang sumali siya sa contest ng Eat Bulaga! na "That's My Boy" bagamat hindi siya nanalo.

Sumali rin siya sa reality-based artista search ng GMA-7 na StarStruck Kids ngunit hindi rin siya pinalad na makasama sa finalists.

Ngunit mas nakilala si BJ nang lumabas siya sa commercial ng isang laundry soap kunsaan Tolits ang naging pangalan niya.

Dahil dito ay kinuha siya ng Eat Bulaga! at nakilala dahil sa kanyang talento sa pagsayaw.

Eksklusibong nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si BJ noong Marso 16, sa set ng upcoming variety show ng TV5 na Sunday Funday sa Splash Island sa Biñan, Laguna.

Nilinaw sa amin ni BJ, 14 years old, na bagamat hindi siya masyadong napapanood sa telebisyon ay hindi naman talaga raw niya nilisan ang showbiz.

Naging abala raw siya sa mga guest appearances tulad sa Untold Stories at Pidol's Wonderland, at gayundin sa kanyang pag-aaral bilang 1st year high school student sa Angelicum College.

SUNDAY FUNDAY. Ang Sunday Funday ang magiging regular show ni BJ.

"Siyempre, I'm so happy," masiglang sagot ni BJ nang tanungin ang kanyang reaksiyon sa bagong show niya sa Kapatid network.

"Siyempre ito po ang passion ko, e, 'tas nare-recognize pa rin ako nga mga tao kahit paano po.

"'Tapos nagka-interest pa rin po ang TV5 na kunin ako sa ganitong klase ng show po, so very thankful po."

UPGRADING HIS IMAGE. Gayunman, hindi na raw ang dating BJ ang mapapanood ng mga tao dahil plano raw niyang i-"upgrade" ang kanyang image.

"Hindi ko po aalisin 'yong dati ko pong image," paglilinaw niya.