Ejay Falcon on status of relationship with Empress: “Wala… ganoon pa rin. Hindi naman kami. Ano pa lang, unti-unti. Hindi naman binibigla namin. Kasi mahirap kung padalus-dalos, baka mamaya, sayang naman yung friendship namin kasi nauna kaming magkaibigan, ‘tapos mauuwi sa wala, di ba?"

Photo: Nimfa Chua

Si Ejay Falcon ang nanalo sa Season 2 ng Pinoy Big Brother Teen Edition.

Ngayong may bago na namang winner ang PBB Teen Edition ay tinanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Ejay kung ano ang maipapayo niya sa Season 4 big winner na si Myrtle Sarrosa.

“Sana huwag siyang magbabago. Kung sino yung mga kaibigan niya dati bago siya pumasok sa PBB, dapat nandiyan pa rin yun, hindi mawala.

“At… sana marunong siyang tumanaw ng utang na loob doon sa kung sino man yung mga tumulong sa kanya para makarating sa ganyan.

“And maghintay. Kapag hindi siya agad nabigyan ng break, maghintay lang.

“Kasi may para naman sa kanya,” saad ni Ejay

Nakausap ng PEP si Ejay kahapon, July 8, pagkatapos ng ASAP 2012, kung saan nagdiwang ng 20th anniversary ang Star Magic.

IMPROVED ACTING. Napapanood si Ejay sa afternoon soap na Mundo Man Ay Magunaw ng ABS-CBN. 

Kung noong baguhan pa lang sa showbiz si Ejay ay marami ang tumutuligsa sa kanya na hindi raw siya marunong umarte. Ngayon ay pinupuri na ang akting niya. 

Ano ang masasabi ni Ejay tungkol dito?

“Siyempre masaya kasi may nakaka-appreciate na ng acting ko.

“And dun sa mga nagsabi noon na hindi ako marunong umarte, yung mga tumuligsa sa akin dati, e, ganoon po talaga sa umpisa.

“Pero ‘pag mahal mo naman yung trabaho mo, matututo ka naman.

“And feeling ko, dahil mahal ko yung trabaho ko, unti-unti akong natuto.

“Kaya ngayon, kaya ko na.”