Nagpaalam na sa ere ang weekly showbiz talk show na Paparazzi, samantalang huling linggo na ng Juicy! this week. Sa pagsasara ng dalawang TV5 shows na ito ay isang bagong daily showbiz-oriented show ang papalit—ang Ang Latest, na ihu-host nina Cristy Fermin, Mr. Fu, at Lucy Torres-Gomez.

Photo: Courtesy of TV5

Kumpirmadong last episode na ng TV5 Saturday talk show na Paparazzi Showbiz Exposed noong Sabado, July 28, 2012.

Hindi man nagsabi ng pamamaalam sa ere ang mga hosts, ayon sa source ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ay nasabihan daw ang mga ito, pati na ang mga staff.

Umabot ng dalawang taon at halos tatlong buwan ang ipinamalagi sa ere ng Paparazzi, na nagsimula noong April 2010.

Kasama sa original hosts ng show sina Cristy Fermin, Ruffa Gutierrez, Dolly Anne Carvajal, at DJ Mo Twister.

Nang umalis si Mo Twister sa programa early this year ay pinalitan siya ni Zoren Legaspi.

Noong nakaraang buwan naman ay biglaang nag-resign si Ruffa dahil hindi raw nito nagustuhan ang naging treatment sa kanyang birthday segment. Nabastos umano siya, na itinanggi naman ng kanyang kapwa-hosts.

Naging guest co-hosts sa ilang episodes sina Congressman Lucy Torres-Gomez at ang asawa ni Robin Padilla na si Mariel Rodriguez.

Matagal nang usap-usapan na magsasara ang Paparazzi noon pa man, pero hindi ito natuloy.

Nitong nakaraang trade launch ng mga bagong shows ng Kapatid Network sa may Elements sa Centris, isa raw ito sa mga isyung inusisa ng press sa ilang executives, pero pinabulaanan pa rin nila ang kumakalat na balita.

JUICY GOES TOO. Isa pang kumpirmado ay ang tuluyan na ring pamamalaam ng Juicy!, ang daily showbiz talk ng istasyon.

Halos apat na taon na rin ito sa ere. Nagsimula ang Juicy noong August 2008.

Hanggang Biyernes, August 4, na lamang mapapanood sa ere ang longest-running daily showbiz show ng Kapatid network.

Matatandaang isa ang Juicy! sa itinuturing na flagship shows ng TV5 nang magbukas ito noong 2008.

Unang naging host ng show si Alex Gonzaga, at di naglaon ay sinamahan siya ni IC Mendoza.

Nang tumuntong ito sa ikatlong taon ay sinamahan na sila nina Cristy Fermin, Shalala, at Mo Twister.