TV5 showbiz-oriented shows Paparazzi and Juicy! go off air

Nagpaalam na sa ere ang weekly showbiz talk show na Paparazzi, samantalang huling linggo na ng Juicy! this week. Sa pagsasara ng dalawang TV5 shows na ito ay isang bagong daily showbiz-oriented show ang papalit—ang Ang Latest, na ihu-host nina Cristy Fermin, Mr. Fu, at Lucy Torres-Gomez.


Kumpirmadong last episode na ng TV5 Saturday talk show na Paparazzi Showbiz Exposed noong Sabado, July 28, 2012.

Hindi man nagsabi ng pamamaalam sa ere ang mga hosts, ayon sa source ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ay nasabihan daw ang mga ito, pati na ang mga staff.

Umabot ng dalawang taon at halos tatlong buwan ang ipinamalagi sa ere ng Paparazzi, na nagsimula noong April 2010.

Kasama sa original hosts ng show sina Cristy Fermin, Ruffa Gutierrez, Dolly Anne Carvajal, at DJ Mo Twister.

Nang umalis si Mo Twister sa programa early this year ay pinalitan siya ni Zoren Legaspi.

Noong nakaraang buwan naman ay biglaang nag-resign si Ruffa dahil hindi raw nito nagustuhan ang naging treatment sa kanyang birthday segment. Nabastos umano siya, na itinanggi naman ng kanyang kapwa-hosts.

Naging guest co-hosts sa ilang episodes sina Congressman Lucy Torres-Gomez at ang asawa ni Robin Padilla na si Mariel Rodriguez.

Matagal nang usap-usapan na magsasara ang Paparazzi noon pa man, pero hindi ito natuloy.

Nitong nakaraang trade launch ng mga bagong shows ng Kapatid Network sa may Elements sa Centris, isa raw ito sa mga isyung inusisa ng press sa ilang executives, pero pinabulaanan pa rin nila ang kumakalat na balita.

JUICY GOES TOO. Isa pang kumpirmado ay ang tuluyan na ring pamamalaam ng Juicy!, ang daily showbiz talk ng istasyon.

Halos apat na taon na rin ito sa ere. Nagsimula ang Juicy noong August 2008.

Hanggang Biyernes, August 4, na lamang mapapanood sa ere ang longest-running daily showbiz show ng Kapatid network.

Matatandaang isa ang Juicy! sa itinuturing na flagship shows ng TV5 nang magbukas ito noong 2008.

Unang naging host ng show si Alex Gonzaga, at di naglaon ay sinamahan siya ni IC Mendoza.

Nang tumuntong ito sa ikatlong taon ay sinamahan na sila nina Cristy Fermin, Shalala, at Mo Twister.

ANG LATEST. Ayon pa sa kuwento ng PEP, gusto ng management ng panibagong look at timpla sa mga entertainment shows ng network, at para raw magkaroon ng bagong pamimilian ang mga manonood.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dagdag pa ng aming source, “Ang Latest ang new title ng show. Bale magkakaroon ng daily edition at isang edition naman sa weekend. Thirty-minuter pa rin ang daily at isang oras kapag Sabado.”

Mananatili pa ring main host ng show si Cristy Fermin, kasama sina Mr. Fu at Congresswoman Lucy Torres-Gomez.

May isa pa raw kinakausap ang management na idadagdag bilang co-host, pero hindi pa raw final ang kanilang deal.

Ang mag-inang Dolly Anne Carvajal at IC Mendoza ay natoka naman diumano sa mga segment VTRs.

Kumpirmado na ring hindi na makakasama si Alex Gonzaga ng Juicy! at si Zoren Legazpi ng Paparazzi sa bagong format.

Magiging busy na raw kasi ang mga ito sa kakabukas lamang na “eco-fantasya” ng TV5, ang Enchanted Garden.

Bahagi pa rin daw si Shalala sa show bilang voice-over talent sa mga segments ng Ang Latest.

Hindi pa konkretong nakuha ng PEP ang takbo ng show at kung paano nila ito ilalahad na kakaiba ang dating sa mga dating talk shows nila.

Pero dagdag pang impormasyon ng aming source, may pagkakahawig ang format nito sa American shows na The View at TMZ.

Wala naman daw maaalis sa mga staff ng both shows dahil pinagsama nilang lahat ito sa bagong show.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN