FAMAS 2012 winners: (L-R) Anne Curtis, Best Actress for No Other Woman; ER Ejercito, Best Actor for Manila Kingpin; and Angelica Panganiban, Best Supporting Actress for Segunda Mano.

Photo: Nimfa Chua

Hindi man sumipot ang karamihan ng nominees—lalo sa major categories na Best Actress at Best Actor, Best Supporting Actress at Best Supporting Actor—sa ginanap na 60th FAMAS Awards, ang presence ng iilang sikat na artista bilang hosts, emcees, special awardees, at major winners ay naging sapat para maging masigla rin ang kabuuan ng taunang pagpaparangal.

Ito ang diamond anniversary ng Filipino Academy of Movie Arts And Sciences kaya ginanap uli ito sa isang malaking venue, ang Fiesta Pavillon ng Manila Hotel, at may sit-down dinner na nakagawian na ng itinuturing na oldest local award-giving body sa industriya ng pelikula.

Napuno ang venue ng maraming kaibigan at business affiliates na kaugnay ng mga bumubuo ng FAMAS.

Pero ang grupo ng mga artista at technical people na pararangalan ay kakaunti, kung ang pagbabasehan ay ang bilang ng mga nominado sa iba't ibang kategorya.  


EVERY INCH A STAR. Nanguna sa nagbigay-ningning sa gabi ng FAMAS ang actress-TV host na si Anne Curtis, na nanalong Best Actress para sa kanyang role bilang "other woman" sa adult romance-drama na No Other Woman.

 

Nang dumating sa venue si Anne bago maghatinggabi ay nagkaroon ng higit na star value ang event.  

Masasabing radiant si Anne in her backless green gown at masasabi ring she was every inch a star.

Agad siyang pinalibutan ng mga naroong TV news crew bago siya tawaging winner, at lalo na noong matapos siyang tanghaling Best Actress.

Nakatunggali ni Anne sa Best Actress category sina: Cristine Reyes (No Other Woman), Rhian Ramos at Marian Rivera (Ang Panday 2), Pokwang (A Mother's Story), Carla Abellana (My Neighbor's Wife), Kris Aquino (Segunda Mano), at Angel Locsin (In The Name Of Love).

Ang kapwa-Kapamilya talent ni Anne na si Angelica Panganiban ay late dumating sa venue kaya tinawag na lamang siya para magbigay ng kanyang acceptance speech.

Nagwaging Best Supporting Actress si Angelica para sa kanyang pagganap sa Segunda Mano.

Gayuman, sina Anne at Angelica ang maituturing na dalawang pinaka-popular at pinakatanyag among last night's set of awardees.

Karagdagan sa kanila si Carla Abellana, na best actress nominee din at isa sa mga nagsilbing host, kasama sina RJ Ledesma, Grace Lee, at Victor Basa. 


ANGELICA'S SPEECH. Ayon kay Angelica, nagpapasalamat siya sa award na ibinigay sa kanya ng FAMAS para sa Segunda Mano, kung saan ginampanan niya ang papel ni Mariella, ang yumaong asawa ni Dingdong Dantes, na nagmulto sa kanyang "ate" Kris Aquino ugnay sa isang mahalagang mensahe.

 

"Sa totoo lang, nagulat po ako na nanalo ho ako sa pelikulang Segunda Mano. Nakakatuwa ho na isipin na kahit ho bigyan ka ng maliit na role sa isang pelikula e napapansin n’yo ho iyon."

 

Sa kabuuan ng kanyang speech ay masayang-masaya si Angelica.

 

"Alam n’yo ho, nakakatuwa kasi unang award ko ho 'to na gumawa ako ng horror film at nakakuha po ako ng award.

"Actually, kumpleto ko na ho, so thank you FAMAS, naikutan ko na ho lahat.  

“Maraming salamat sa pagtitiwala sa 'kin, kinumpleto niyo ho ang career ko."