Tatlong malalaking programa sa primetime ang sabay-sabay na umere kagabi: A Beautiful Affair nina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo para sa ABS-CBN; Temptation of Wife nina Marian Rivera at Dennis Trillo para sa GMA-7; at The Amazing Race Philippines ni Derek Ramsay para sa TV5.

Photo: ABS-CBN / GMA-7 / Allan Sancon

Tatlong bagong primetime series mula sa tatlong pinakamalalaking networks ang sabay-sabay na umere kagabi, October 29:

A Beautiful Affair ng ABS-CBN, Temptation of Wife ng GMA-7, at The Amazing Race Philippines ng TV5.

Ang A Beautiful Affair ay ang balik-tambalan sa telebisyon ng bankable loveteam nina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo. Kinunan ang ilang mahahalagang eksena nito sa Vienna, Austria.

Ang Temptation of Wife ay ang Pinoy adaptation ng sikat na Koreanovela na may ganito ring pamagat. Tampok dito sina Dennis Trillo, Glaiza de Castro, Rafael Rosell, at ang Primetime Queen ng GMA-7 na si Marian Rivera.

Ang The Amazing Race naman ang Philippine franchise ng sikat na Emmy-winning reality show mula sa U.S. Ang host nito ay ang bagong Kapatid star na si Derek Ramsay.

Bukod sa sabay-sabay nag-premiere ang tatlong shows na nabanggit, halos magkakatapat din ang timeslots nito.

Unang pumasok ang Temptation of Wife (8:49 p.m.), sumunod ang A Beautiful Affair (9:06 p.m.), at panghuli ang The Amazing Race (9:15 p.m.).

Halos isang oras ang running time ng pilot episodes ng Temptation of Wife at A Beautiful Affair, samantalang lagpas 30 minutes naman ang The Amazing Race.

Unang natapos ang Temptation of Wife (9:46 p.m.), sumunod ang The Amazing Race (9:48 p.m.), at huling natapos ang A Beautiful Affair (10:01 p.m.).

AGB RATINGS. Siyempre pa, maraming interesadong malaman kung anong show ang nakakuha ng pinakamataas na rating sa tatlong bagong shows na ito.

Ayon sa overnight ratings ng AGB Nielsen among Mega Manila TV Households, nakaungos ang A Beautiful Affair ng ABS-CBN.

Nagtala ang programa nina John Lloyd at Bea ng 24.5 percent rating at 38.3 percent audience share.

Hindi naman nalalayo ang Temptation of Wife ni Marian dahil nakakuha ito ng 23.5 percent rating at 35.3 percent audience share.

Ang The Amazing Race Philippines ay nagtala ng 5.1 percent rating at 7.9 audience share.