[x]

26th Star Awards For TV winners: (L-R) Noni Buencamino, Best Single Performance By An Actor, Maalaala Mo Kaya; Toni Gonzaga, Best Female TV Host for ASAP 2012; Arjo Atayde, Best New Male TV Personality for Maalaala Mo Kaya; Xyriel Manabat, Best Child Performer for 100 Days To Heaven; Ms. Cory Vidanes, ABS-CBN channel head; Helen Gamboa, Best Drama Actress for Walang Hanggan; Nora Aunor, Best Drama Actress for Sa Ngalan Ng Ina; Rufa Mae Quinto, Best Comedy Actress for Bubble Gang; and Jericho Rosales, Best Drama Actor for Dahil Sa Pag-ibig.

Photo: Allan Sancon

Muli na namang humakot ng awards ang ABS-CBN sa katatapos lamang na 26th PMPC Star Awards for TV kagabi, November 18, sa Henry Lee Irwin Theater ng Ateneo De Manila University.

Tatlumpung tropeyo ang napanalunan ng Kapamilya network, kabilang na ang Best TV Station.

Naambunan naman ng mangilan-ngilang awards ang GMA-7 (siyam), TV5 (lima), at NET25 (isa).

Nag-tie bilang Best Drama Actress ang mga beteranang aktres na sina Nora Aunor (Sa Ngalan Ng Ina ng TV5) at Helen Gamboa (Walang Hanggan ng ABS-CBN).

Best Drama Actor naman si Jericho Rosales para sa kanyang pagganap sa Dahil Sa Pag-ibig (ABS-CBN).

Ang epicserye ng GMA-7 na Amaya ang nagwaging Best Drama Series, kahit na ang lead star nitong si Marian Rivera ay hindi nakakuha ng nominasyon bilang Best Drama Actress.

Sa halip ay si Rochelle Pangilinan ang na-nominate sa naturang kategorya.

Hinakot naman ng ABS-CBN sitcom na Toda Max ang awards para sa comedy/gag show category: Best Comedy/Gag Show, Best Comedy Actor para kay Robin Padilla, at Best Comedy Actress para kay Pokwang (ka-tie si Rufa Mae Quinto para sa Bubble Gang ng GMA-7).

Si Xyriel Manabat ang itinanghal na Best Child Performer para sa kanyang lead role sa 100 Days To Heaven (ABS-CBN). Nominated din bilang Best Drama Actress ang Kapamilya child actress.

Parehong nag-uwi ng tropeyo ang mag-inang Sylvia Sanchez at Arjo Atayde para sa kanilang pagganap sa magkaibang episodes ng Maalaala Mo Kaya (ABS-CBN).

Si Sylvia ay nagwagi sa kategoryang Best Single Performance By An Actress para sa "Aswang" episode ng MMK, samantalang si Arjo naman ang nanalong Best New Male TV Personality para sa "Bangka" episode.

Double winners naman sina Billy Crawford at Vice Ganda para sa kanilang paghu-host.

Si Billy ay nanalong Best Male TV Host para sa Sunday variety show na ASAP 2012 at Best Talent Search Program Host (kasama si Luis Manzano) para sa star-search program na Pilipinas Got Talent. (Parehong ABS-CBN ang dalawang shows.)

Si Vice naman ay pinarangalan bilang Best Reality/Game Show Host, kasama ng iba pang hosts ng It’s Showtime, at Best Male Celebrity/Showbiz-Oriented Talk Show Host para sa Gandang Gabi Vice. (Parehong ABS-CBN ang dalawang shows.)

Ang nagsilbing hosts ng programa na sina Aga Muhlach,Toni Gonzaga, at Kris Aquino ay pare-parehong nakasungkit din ng awards.