Kung si Marian Rivera ang masusunod, si Nigel, na ginagampanan ni Rafael Rosell, ang gusto niyang makatuluyan ni Angeline, ang karakter ng aktres sa Temptation of Wife.

Photo: Noel Orsal

Nagkaroon ng press visit sa second to the last day of taping ng Temptation of  Wife noong March 26. 

Kahapon, Miyerkules Santo, ang huling taping day ng primetime series na ito ng GMA-7.

Naabutan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na nakadamit pangkasal ang bida ng serye na si Marian Rivera, at nasa loob ito ng isang simbahan sa Malabon.

Palaisipan talaga kung sino ang makakatuluyan sa bandang huli ni Angeline, ang karakter na ginagampanan ni Marian.

Si Marcel ba na ginagampanan naman ni Dennis Trillo? O si Nigel na ginagampanan ni Rafael Rosell?

Tinanong namin si Marian—kung siya ang masusunod, sino nga ba kina Marcel at Nigel ang gusto niyang makatuluyan at pakasalan ni Angeline?

“Ah, paano ba? Siguro maganda rin itong ending namin. Dalawa kasi ang nakikita kong ending. Makatuluyan si Nigel, kasi si Marcel, nakita nating nagbago. Pero, kahit anong gawin pa rin ni Marcel, nasaktan pa rin niya si Angeline, dahil ang isang tao, kapag nasaktan mo, kaya mong ulit-ulitin 'yan.

“Si Nigel, since day one, nandiyan siya para kay Angeline. Wala siyang ginawa kung hindi ipaglaban ang pagmamahal niya. Tapos, nakita naman natin kung gaano kabait ang karakter ni Nigel dito.”

Nilinaw naman ni Marian na ang karakter na Nigel ni Rafael ang tinutukoy niya.

Aniya, “Si Nigel ang pinag-uusapan dito ha, as Nigel.  So, parang deserving kasi ni Nigel na maging masaya at makamit niya ang pag-ibig na gusto niya.”

Dugtong pa ni Marian, “Si Angeline naman, napakasalimuot ng buhay ni Angeline at, siguro, deserve rin niya ang maging masaya at meron siyang maging katuwang sa buhay.”

May posibilidad ba na wala siyang makatuluyan at pakasalan sa ending ng TOW?

Aniya, “Ang soap opera, hindi puwedeng malungkot na ending. Ang soap-opera ng mga Filipino, palaging happy ending...

"At siguro, maganda rin yun na iwan natin ang Temptation of Wife sa mga Filipino na masaya at maganda sa mga sumusubaybay.

“The whole time, ang bigat na, so para naman sa ending masaya na at may peace na.”