Marian Rivera wants "kasal muna" before having a baby

Kung si Marian Rivera ang masusunod, si Nigel, na ginagampanan ni Rafael Rosell, ang gusto niyang makatuluyan ni Angeline, ang karakter ng aktres sa Temptation of Wife.


Nagkaroon ng press visit sa second to the last day of taping ng Temptation of Wife noong March 26.

Kahapon, Miyerkules Santo, ang huling taping day ng primetime series na ito ng GMA-7.

Naabutan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na nakadamit pangkasal ang bida ng serye na si Marian Rivera, at nasa loob ito ng isang simbahan sa Malabon.

Palaisipan talaga kung sino ang makakatuluyan sa bandang huli ni Angeline, ang karakter na ginagampanan ni Marian.

Si Marcel ba na ginagampanan naman ni Dennis Trillo? O si Nigel na ginagampanan ni Rafael Rosell?

Tinanong namin si Marian—kung siya ang masusunod, sino nga ba kina Marcel at Nigel ang gusto niyang makatuluyan at pakasalan ni Angeline?

“Ah, paano ba? Siguro maganda rin itong ending namin. Dalawa kasi ang nakikita kong ending. Makatuluyan si Nigel, kasi si Marcel, nakita nating nagbago. Pero, kahit anong gawin pa rin ni Marcel, nasaktan pa rin niya si Angeline, dahil ang isang tao, kapag nasaktan mo, kaya mong ulit-ulitin ’yan.

“Si Nigel, since day one, nandiyan siya para kay Angeline. Wala siyang ginawa kung hindi ipaglaban ang pagmamahal niya. Tapos, nakita naman natin kung gaano kabait ang karakter ni Nigel dito.”

Nilinaw naman ni Marian na ang karakter na Nigel ni Rafael ang tinutukoy niya.

Aniya, “Si Nigel ang pinag-uusapan dito ha, as Nigel. So, parang deserving kasi ni Nigel na maging masaya at makamit niya ang pag-ibig na gusto niya.”

Dugtong pa ni Marian, “Si Angeline naman, napakasalimuot ng buhay ni Angeline at, siguro, deserve rin niya ang maging masaya at meron siyang maging katuwang sa buhay.”

May posibilidad ba na wala siyang makatuluyan at pakasalan sa ending ng TOW?

Aniya, “Ang soap opera, hindi puwedeng malungkot na ending. Ang soap-opera ng mga Filipino, palaging happy ending...

"At siguro, maganda rin yun na iwan natin ang Temptation of Wife sa mga Filipino na masaya at maganda sa mga sumusubaybay.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“The whole time, ang bigat na, so para naman sa ending masaya na at may peace na.”

Yun nga lang, tila naiba na talaga nang husto sa orihinal na Temptation of Wife sa Korea, kung saan nalunod sina Marcel at Heidi sa ending.

Ayon naman kay Marian, “Actually, halos lahat yata rito sa Temptation, naiba lahat. At saka sa original, iba ang nangyari kay Angeline, kay Marcel, so, halos naiba talaga.

“At saka, siyempre, sinasabi rin ng mga writers, siyempre, hindi natin maiiwasan na hinahanap ng mga audience natin ang original.

"Pero, kapag ginawa natin yun, ano pa ang magiging suspense sa kanila at ano pa ang mangyayari?

“So, alam na alam na nila.

“Kaya mas maganda na may pagka-bahid ng Pinoy ang soap opera natin, at hindi nila alam kung ano ang mangyayari.”


WEDDING FIRST BEFORE BABY. Sa totoo lang, kung may ilang beses na yata siyang nagsuot ng wedding gown sa pelikula at lalo na sa mga teleserye niya.

Hindi kaya mawala na ang excitement kapag totoong kasal na niya?

“Hindi naman... Siguro, iba naman ang pakiramdam kapag totoong buhay na ang pinag-uusapan. Kasi ito, five, four, three, cut! O dedma na. So, alam mong acting na.

“E, lahat yata ng soap opera ko at pelikula ko, may wedding gown ako,” natatawang sabi niya.

At dahil hanggang Miyerkules Santo ay may taping pa siya, hindi pa raw alam ni Marian kung saan talaga sila magbabakasyon ni Dingdong Dantes ngayong Holy Week.

Sabi ni Marian, “Hay naku, mag-uusap daw kami sa Wednesday o sa Thursday.”

Makakapagpa-book pa ba sila ng flight?

“Kapag maraming kakilala, madaling magpa-book,” natatawang sabi pa niya.

“Pero gusto kong umalis ng bansa. Kasi, pagbalik ko naman, promo ng My Lady Boss at, tapos, shooting ng Kung Fu Divas.

"Kasi, gusto naming matapos ang Kung Fu Divas ng April, kasi marami pang gagawin.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

May balitang "delayed’ daw si Ai-Ai delas Alas?

“Talaga?” halatang natuwa namang reaksiyon ni Marian.

“Mukhang hindi naman kasi, nagpa-fight scene kami. Pero, hamo, kapag nagkita kami, tatanungin ko siya at sasabihin ko sa inyo.

"Pero kung buntis siya, masaya ’ko para sa kanya.”

Nabanggit naman ni Ai-Ai noong nakapanayam ito ng PEP na maging si Marian ay gusto nang magka-baby, pero dapat, kasal muna.

Ang nakangiti namang pagsang-ayon ni Marian, “Oo naman. Siyempre, tinanong niya ’ko kung gusto kong magkaanak.

"Sino ba namang babae ang hindi gustong magkaanak, lalo na kung may partner ka? Pero sabi ko, dapat kasal muna dahil doon magsisimula ang lahat.

“Kapag ginawa mong tama, e, mas gusto ko na ganoon.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN