Hindi maipagkakaila na lumikha ng kakaibang ingay ang "tambalan" nina Dennis Trillo (kaliwa) at Tom Rodriguez dahil sa pagganap bilang dalawang lalaking nagmamahalan sa GMA-7 primetime series na My Husband's Lover.

Photo: Noel Orsal

Isa sa pinakamainit na “tambalan” ngayon sa telebisyon ay ang kina Dennis Trillo at Tom Rodriguez na mga bida sa primetime series ng GMA-7 na My Husband’s Lover.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagkaroon ng loveteam sa Pilipinas na parehong lalaki—ang TomDen. Sa teleserye ay gumaganap sila bilang dalawang lalaki—isang closet gay at isang openly gay—na nagmamahalan.

Nag-guest kamakailan sina Dennis at Tom sa radio program ni German “Kuya Germs” Moreno sa dzBB, kasama ang Badingdings, at game na game sumagot ang dalawang aktor.

Narito ang kabuuan ng kanilang panayam:

Kuya Germs: Ano'ng pakiramdam sa magandang pagtanggap ng mga manonood sa show ninyo?

Dennis: “Sa totoo lang, Kuya Germs, nakakapagtaka na nakakagulat dahil hindi ko maipaliwanag yung nararamdaman ko.

“Kasi, alam mo yun, na dalawang lalaki na umaarteng bading tapos ganun yung reaksiyon ng mga tao.”

Tom: “Nagulat nga kami ni Dennis nang kumanta kami sa Sunday All Stars, kasi akala namin kakantahin lang namin yung theme song.

“Tapos nung kinakanta na namin yung theme song, nagulat kami kasi yung mga tao, pagpasok pa lang namin, nagsisigawan yung mga tao na ‘Kiss, kiss!’

“Natatawa kami sa sinasabi nila, kasi pareho kaming lalaki. It`s very flattering.”

Kuya Germs: Pinag-isipan niyo bang mabuti or pinag-usapan niyo ba yung mga ikinikilos niyo sa bawat eksena para mas maging makatotohanan?

Dennis: “Binabasa lang namin yung script at inilalagay lang namin yung sarili namin doon sa role, para maganda yung kakalabasan nung mga eksena na magkasama kami.

“Wala namang pag-uusap na nangyayari. Kung ano yung kinakailangan sa role, yun yung ginawa namin.”