Walang lovelife si Glaiza de Castro ngayon pero handa raw siyang maghintay. Aniya, “Bigla na lang darating ‘yan, lalo na sa unexpected na pagkakataon. Si Lord, mahilig magbulaga, e, mahilig manggulat, e. So, hintayin ko na lang kung kailan yun!”

Photo: Noel Orsal

Napatalon sa sobrang tuwa ang grupong “Insta Gang,” na pinamumunuan ni Glaiza de Castro, nang manalo sila sa Sunday All Stars (SAS) last Sunday, July 21.

Simula kasi nang umere ang Sunday musical-variety show ng GMA-7, ito pa lang ang una nilang panalo sa labanan ng mga production number.

Ikalawang linggo naman ito ni Glaiza bilang team leader ng grupo nila kapalit ng naunang si Christian Bautista.

“Nahihirapan ako, medyo nakaka-stress!” nakangiting sabi ni Glaiza nang matanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) hinggil sa pagiging team leader niya.

      

“Pero at the same time, challenging. Sobrang natutuwa ako na, finally, nanalo na rin kami.

“And happy rin ako na lahat kami sa grupo, talagang nagbigay ng input sa ginawa naming production number.

“So, fulfilling naman.”



NO LOVELIFE. Masaya naman si Glaiza sa takbo ng kanyang career, kaya hindi big deal sa kanya na wala siyang lovelife o special someone sa ngayon.

Aniya, “Ganoon talaga ang buhay.

“Ano lang ‘yan… bigla na lang darating ‘yan, lalo na sa unexpected na pagkakataon.

“Si Lord, mahilig magbulaga, e, mahilig manggulat, e.

“So, hintayin ko na lang kung kailan yun!” sabay tawa niya.



FINALIST. Isa pang labis ding ikinatutuwa ni Glaiza ay ang pagiging finalist ng Temptation of Wife sa Seoul Drama Awards.

Ang Temptation of Wife ang nagtapos nang primetime series ng GMA-7 kung saan nakasama ni Glaiza sina Marian Rivera, Rafael Rosell, at Dennis Trillo.

Sabi niya, “Ang saya! Hanggang ngayon nga, hindi pa rin ako makapaniwala.

“Sobra akong kinilibutan nang narinig ko yung balita na yun, kasi kahit papaano, di ba, may ipagmamalaki ang mga Pilipino dahil doon?

“Na mairi-represent natin yung galing ng Pinoy. At hindi lang yung mga actors kundi the people behind the show.”

Wala pa raw silang natatanggap na opisyal na imbitasyon kaugnay nito.