Naglabas na ng warrant of arrest kaugnay ng mga kasong kinakaharap ng businessman na si David Bunevacz sa Quezon City Regional Trial Court. Tatlong kaso ng estafa ang isinampa sa kanya sa sala ni Judge Marie Christine Jacob ng QC RTC.
Nag-ugat ang mga kaso sa diumano'y pagbubulsa ni Bunevacz ng salaping para sa kumpanyang kanyang pinamamahalaan, ang Beverly Hills Cosmetic Surgery and Skin Care Clinic Inc.
Ayon sa report ng tabloid na Bandera, sinabi ng executive ng kumpanya na si Tyrone Ong, aabot sa P850,000 ang itinakbo ni Bunevacz. Ilang beses din daw nanghingi ng advance si David para sa gastusin ng kumpanya.
Nagsagawa ng audit ang kumpanya nang mapansin ni Ong at ilan pang opisyal ang maluho diumanong pamumuhay ni David. Hanggang sa nadiskubre na nila na ilang tseke ang pinirmahan ng akusado na hindi sakop ng gastusin para sa kumpanya. Kabilang ang ilang tseke para pambili ng sasakyang BMW XS.
Itinanggi naman ni David ang alegasyon sa kanyang counter-affidavit at sinabing ang akusasyon ng ibang opisyal ng kumpanya ay ganti sa kasong isinampa niya laban sa kanila.
Samantala, inirekomenda ni Judge Jacob ang bail na P120,000 para kay Bunevacz.
Sa kasalukuyan ay nasa Los Angeles si David kasama ang asawang si Jessica Rodriguez at ang kanilang mga anak.
