Napag-alamang lahat ng presidential candidates ngayong 2016 elections—sina Jejomar Binay, Miriam Defensor-Santiago, Grace Poe, Mar Roxas, at Rodrigo Duterte—ay malaki ang itinaas na pag-aaring pera mula nang sila ay maluklok sa kani-kanilang puwesto sa gobyerno.
Base ito sa pagsasaliksik ng GMA News Research sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng mga nabanggit na presidential candidates, na nailathala sa GMA News Online kagabi, February 23.
Una na rito si Vice President Jejomar Binay na may pinakamataas na naitalang porsiyento ng cash increase.
Mula sa kanyang pera na nagkakahalaga ng P394,225.64 noong 1990, umabot ito ng P17.34 million noong June 2010—o 2,050.13 percent cash increase.
Si Senator Miriam Defensor-Santiago ang may pinakamataas na naitalang cash increase mula P800,000 noong 2007, hanggang sa lumobo ng P56.22 million noong 2009—o P52.94 million cash increase.
Si dating Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas ay may naitalang pera na nagkakahalaga ng P368,357 noong 1999, hanggang sa umabot ng P24.49 million noong 2013.
Si Senator Grace Poe ay may naitalang pera na nagkakahalaga ng P499.276.82 noong 2013, hanggang sa umabot ng P1.01 million noong 2014.
Si Davao City Mayor Rodrigo Duterte naman ay may naitalang P241,570 bilang acquisition cost ng kanyang real properties noong 2007, hanggang sa lumobo ito ng P2.76 million noong 2008.
BINAY. Samantala, nilinaw ng kampo ni Binay kung bakit mula P806,552.74 noong 2009 ay lumobo ito ng P17.34 million noong June 2010.
Lalo pa’t kapansin-pansin na noong panahong ito ay kakapanalo lamang ni Binay bilang bise presidente nung 2010 elections.
Paliwanag ni United Nationalist Alliance (UNA) communications director Joey Salgado, ang cash increase sa SALN ni Binay ay galing sa “excess contributions” mula sa ginasta niya para sa 2010 elections at “proceeds” mula sa mga ibinentang ari-arian.
“All these were fully and duly reported by the Vice President in his Annual Income Tax Returns filed with the Bureau of Internal Revenue over a span of more than two decades as well as in the Statement of Campaign Contributions and Expenses filed with the Commission on Elections (Comelec).”
Gayunman, tinatayang P13.54 million lamang ang excess mula sa election contributions na natanggap ni Binay base sa kanyang Statement of Election Contributions and Expenditures.
Nakasaad dito na P217.97 million ang ginasta ni Binay mula sa kanyang election contributions na may kabuuang halaga na P231.48 million.
DEFENSOR-SANTIAGO. Sa kaso ni Defensor-Santiago, kapansin-pansin ang P52.94 million cash increase sa kanyang SALN mula 2007 hanggang 2009.
Ngunit makikita rin umano sa SALN ng senadora ang pagbaba ng kanyang real properties na nagkakahalaga ng P49,630,110 noong 2008 hanggang sa maging P4,180,110 ito noong 2009.
Mayroong kalakip na “note” sa SALN ng senadora na nagsasabing ang P45,450,000 na ibinaba ng kanyang real properties ay dahil sa paglilipat sa ibang korporasyon at “sales of property.”
ROXAS. Sa kaso ni Roxas, mayroon siyang naitalang “Others” na nagkakahalaga ng P5 million noong 2011, na lumobo ng P16.5 million noong 2013.
Kapansin-pansin din ang pagtaas ng kanyang cash mula P2.27 million noong 1999 hanggang P19.17 million noong 2001.
Malaki ang nabawasan dito base sa naitalang pera na nagkakahalaga ng P646,811 sa SALN ni Roxas noong 2002.
Noong 2001 naman ay may naitalang cash si Roxas na P9.49 million noong 2011, hanggang sa umabot ito ng P24.49 million noong 2013.
Wala pa umanong opisyal na sagot ang kampo ni Roxas hinggil sa katanungan ng GMA News Research tungkol sa kanyang SALN.
POE. Ayon naman kay Poe, hindi kataka-takang tumaas ang kanyang SALN mula 2013 hanggang 2014.
Ito ay sa kadahilanang nag-reflect lamang umano sa 2014 SALN ng senadora ang natanggap na year-end bonus ng kanyang mister na si Neil Llamanzares.
Sabi ni Senator Poe, “Actually, reflected din 'yon in the past years. Consistent naman siyang nagpa-file ng taxes niya.”
DUTERTE. Sa kaso ni Duterte, nilinaw niyang sinunod lamang niya ang bagong patakaran ng civil service, na naglalayong isama sa assets ng declarant ang anumang properties at investments na nakapangalan sa kanyang anak na below 18 years old.
Ayon pa sa alkalde, mayroong tatlong properties ang kanyang anak sa ibang babae na binili gamit ang pera ng ina nito na isa umanong negosyante.
FOR THE SAKE OF TRANSPARENCY. Ayon sa panayam ng GMA News Online sa miyembro ng Philippine Institute of Certified Public Accountants (PICPA) na si Eric Magkale, hindi sapat ang datos na nakatala sa SALN kung transparency ang pag-uusapan.
Aniya, “Mas helpful kung ia-attach natin yung income tax natin, yung financial statements, yung mga businesses, mga corporations mo.
“I-attach natin dito yung mga financials.”
Ito ay upang matukoy kung saan galing ang perang nakatala sa SALN at ano ang dahilan ng kung anumang pagtaas o pagbaba ng pera ng high-profile public officials, tulad nina Binay, Defensor-Santiago, Roxas, Poe, at Duterte.
Mismong ang dating senador na si Atty. Rene Saguisag ay nagsasabing walang masama kung tumaas ang pera ng isang public official basta’t may maayos na paliwanag kung ano ang pinagmulan nito.
Si Atty. Saguisag ang co-author ng R.A. 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, na naglalayong magsumite ng SALN ang lahat ng civil servants.