“Hayagan kong sinasabi ngayon, bilang bahagi ng henerasyong pinagdusa ng diktadurya: Hindi golden age ang panahon ni Ginoong Marcos.”
Ito ang mariing pahayag ni Presidente Benigno “Noynoy” Aquino III sa ginanap na ika-30 anibersaryo ng 1986 EDSA People Power ngayong araw, February 25.
Dito ay binalikan ni PNoy ang mga pang-aabuso, panggigipit, at pagmamalupit na dinanas ng mga biktima ng batas militar noong panahon ni yumaong Presidente Ferdinand Marcos.
Si Ferdinand Marcos ang ama ng tumatakbo ngayong bise presidente na si Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.
Kabilang sa naging biktima ng rehimeng Marcos ay ang yumaong ama ni PNoy na si Senator Benigno “Ninoy” Aquino Jr.
Si Ninoy ay ikinulong at kinasuhan dahil sa tahasan nitong pagtuligsa sa martial law at sa pamahalaang diktadurya ni Presidente Marcos.
Pahayag ni PNoy tungkol sa ama ni Bongbong, “Sibilyan siyang inihabla sa military tribunal.
“Si Marcos mismo ang nag-akusa, si Marcos ang nagtalaga sa miyembro ng prosecution at defense, si Marcos ang nagtalaga ng husgado sa Military Commission, at si Marcos din ang final reviewing authority.
“Ang nag-iisang abugadong law member na hindi sang-ayon sa nangyayari sa tribunal, pinasibak pa.
“Sa mga ganitong kadahilanan nga po nauso ang katagang 'Lutong Macoy.'
“Hindi patas ang laban, at kung hindi man mailap ay talagang walang-wala kang paraang maghabol ng katarungan.”
MARTIAL-LAW BRUTALITY. Ayon pa kay PNoy, masuwerte pa ang kanilang pamilya kumpara sa mga kuwento ng mga dinampot nang biglaan, pinahirapan.
“May isang diktador, kasama ng kanyang pamilya at mga crony, na nagpakasasa sa puwesto, at ang naging kapalit nito, mismong buhay at kalayaan ng Pilipino.
”Pinatay o di kaya’y biglang naglaho lang at hanggang ngayon ay hindi pa nakikita ang mga bangkay.”
Maliban pa rito umano ang pagkakaroon ng curfew, pagsikil sa karapatan ng malayang pamamahayag, “absurdong batas ng gobyerno laban sa rumor-mongering,” kawalan ng proseso para mag-apela kapag kinalaban ang batas militar.
Sabi pa ng Pangulo, “Gusto ko nga pong idiin: Hindi kathang-isip ang lahat ng ito.
“Hindi ito teorya o pananaw ng iilan lang.
“Totoong naganap ang Martial Law.”
Read: CARMMA: True stories of martial-law brutality still fresh
DARK YEARS, NOT GOLDEN AGE. Pahayag pa ni PNoy, sa ilalim ng pamumuno ni Presidente Marcos ay lumobo ang utang ng pambansang gobyerno mula P2.4 billion noong 1965 hanggang sa umabot ng P192.2 billion noong 1985.
“Napapailing na nga lang po ako, dahil may mga nagsasabi raw na ang panahon ni Ginoong Marcos ang siyang golden age ng Pilipinas.
“Siguro nga, golden days para sa kanya, na matapos na masagad ang dalawang termino bilang Pangulo, na katumbas ng walong taon, gumawa pa siya ng paraan na kumapit sa kapangyarihan.”
Dalawampu't isang taong umupo bilang Presidente ng Pilipinas si Ferdinand Marcos, mula 1965 hanggang 1986.
Kung mayroon daw umanong nakinabang dito ay walang iba kundi ang pamilya Marcos at ang mga taong dikit sa diktador o mas kilala bilang Marcos cronies.
Patuloy pa ni PNoy sa kanyang mesahe ngayong ika-30 anibersaryo ng EDSA People Power, “Idiin pa po natin: Golden age ng tinatawag na brain drain.
“Golden age ng paglisan ng mga OFW papuntang Gitnang Silangan.
“Ngayon sa atin ay golden age na ng pagbabalik ng mga OFW.”
Paglalarawan naman ni PNoy tungkol sa oposisyon laban sa administrasyong Marcos, “Noon, golden age ng mga New People’s Army.
“Na dahil sa pagkadismaya ng taumbayan ay sinasabing lumobo mula sa 60 katao tungo sa 25,000 ang hanay noong pagkatapos ng batas Mmlitar.
“Umabot nga sa puntong ginagamit na ang Davao bilang urban laboratory ng NPA, bilang paghahanda sa paglusob nila sa iba’t ibang siyudad.
“Hanggang sa ngayon, batid pa rin natin ang panggugulo nila sa mga pinakaliblib na pamayanan ng bansa.”
Sa isang bahagi ng kanyang talumpati, sinabi ni PNoy na ang mga kalayaang halos hindi napapansin sa kasalukuyan ay malayo sa sitwasyon sa ilalim ng rehimeng Marcos.
PNOY: BEWARE OF REVISIONING OF MARTIAL LAW YEARS. Kasabay nito ay kinondena ni Pnoy ang pagtatakip at pagrerebisa sa mga katiwalian at pang-aabuso sanhi ng batas militar.
Tahasan ding binatikos ni PNoy si Senador Bongbong Marcos at ang kandidatura nito bilang bise presidente sa 2016 elections.
Read: PNoy hits Bongbong Marcos vice presidential bid
Hindi man tuwirang nabanggit ng pangulo, bahagi ng kampanya ni Bongbong ang mga madamdaming patalastas sa social media na nagsasabing “Hindi ako ang aking nakaraan.”
Sabi ni PNoy patungkol sa mga taong “binubura” ang katotohanan tungkol sa batas militar at nagsasabing “golden age” ang rehimeng Marcos, “May kaunting tagumpay ang mga nagrerebisa sa ating kasaysayan, at may nabolang iilan sa ating kabataan.
“Makikita nga po ninyo ang estilo ng mga loyalista sa traditional at social media; pilit nilang idinidikta ang isang kuwento para mamanipula ang opinyon ng taumbayan.”
Sa huli, nag-iwan ng paalala si PNoy sa taong-bayan na may iba't ibang mukha ng diktadurya at may mga personalidad umano na nais magbalik nito.
Dagdag pa niya, “Naaalala ko nga po ang sabi ng manunulat na si George Santayana, 'Those who cannot remember the past are condemned to repeat it.'”