Muling nagharap-harap ang mga tatakbo para sa pagka-presidente sa pangalawang PiliPinas Debates 2016.
Ang pangalawang Pilipinas Debates 2016 ay ginanap sa University of the Philippines Cebu, ngayong Linggo, March 20, kung saan apat lamang sa limang presidentiable ang nakarating—sina Sen. Grace Poe, Sec. Mar Roxas, Mayor Rodrigo Duterte at VP Jejomar Binay.
Hindi naman nakarating si Sen. Miriam Defensor-Santiago dahil kinailangan nitong magpagamot.
Bagamat naantala ang debate dahil sa diumano’y problema sa kampo ni VP Binay kung saan ninais nitong magdala ng kanyang “notes” sa debate, na hindi naman nagustuhan ng mga kapwa niya kandidato, lalung-lalo na ang kampo ni Sec. Mar Roxas.
Naglabas naman ang TV5 ng kanilang official statement patungkol sa pagkaantala ng telecast ng pangalawang Pilipinas Debates 2016:
''On behalf of the management of TV5, the President, Mr. Noel Lorenzana and the head of News, Ms. Luchi Cruz-Valdes, would like to apologize for the inordinate delay in the 2nd Presidential debate that was brought about solely by the confusion on the rules implemented by the COMELEC on the debate.
“In the end, the management of TV5, the COMELEC and the presidential candidates, have agreed that despite the technical and procedural issues, it is more important to allow the debate to proceed and not deprive the public of their right to witness this historical, exciting and Aksyon-filled event."
Hinati ang debate sa tatlong parte. Sa unang bahagi ng debate ay bawat kandidato ay tatanungin ng mga imbitadong journalists sa mga issue ng gobyerno.
Simula pa lang ay naging mainit agad ang palitan ng sagot ng mga kandidato. Para sa unang round ang TV5 reporter Ed Lingao ang unang nagtanong para kay Sen. Grace Poe.
POE ON FOI. Itinanong ni Lingao kung bakit hindi pa rin naisasabatas ang Freedom of Information (FOI), at kung sino sa mga kasama niyang tatakbo sa pagkapresidente ang haharang at susulong ng tunay na FOI.
Sagot ni Poe, “Kaya hindi po natuloy ang Freedom of Information ay hindi po dahil sa amin sa senado.
“Sapagkat walong buwan pa lamang nung ika-16 na kongreso, napasa na namin ito.
“At matibay po ang aming Freedom of Information na ipinasa namin sa senado.
“Ka-debate po natin diyan si Sen. Miriam, si Sen. Enrile at iba pang mga beterano sa senado ngunit napasa natin ‘to.
“Nagbibigay ‘to [FOI] ng armas para sa ating mga kababayan para mabusisi ang mga dokumento ng gobyerno, para hindi na mangyari muli yung nangyari sa PDAF.
“Ngayon, kaya hindi ito nakapasa, sapagkat hindi po ito pumasa sa kongreso rin at nangyari yun.
“Sapagkat maski na sinasabi nila na ito’y prayoridad ng administrasyon, hindi po natin nararamdaman na tunay nila itong itinutulak.
“Para sa akin, ayokong na lang sabihin kung sino ang haharang, pero sigurado ako na merong haharang sa mga kasama ko.”
Nag-react naman si Mar sa sagot ni Sen. Poe, “Ako po ba yung tinutukoy niyo?
“Kabahagi po ako ng Daang Matuwid coalition at tama po yung sinabi ni Senador Grace, pumasa po ito sa senado, pero hindi ito pumasa sa kamara de representante.
“May mabibigat na dahilan kung bakit tinutulan ito ng mga kongresista, at 'yan ay pinagdebatehan sa floor ng kamara.
“May iba’t ibang bersyon na inihain subalit hindi ito naging matagumpay.
“Pag ako naging pangulo, ipapasa ko ang isang matibay na FOI para malaman ng sambayanan ang nangyayari sa kanilang gobyerno.”
Dagdag naman ni Mayor Duterte ang kuwento niya tungkol sa pinapirmahan niyang waiver kay Sen. Cayetano para sa bank secrecy law.
Saad niya, “Few days ago' I asked Sen. Cayetano to sign a waiver of bank secrecy law. You can pry into but ano pa bang ipapakita ko sa inyo?
“Freedom of Information actually is pera 'yan. Yung ninanakaw sa gobyerno kung saan napunta.”
Binay, “Alam po ninyo ang tagal ng nakabinbin sa kongreso itong FOI na ito, e.
“Ako ho, pag naging pangulo, sa lalong madaling panahon, mag-i-issue po ako ng executive order. Yun po yung Freedom of Information.”
Ngunit hindi kumbinsido si Poe sa sinabi ni VP Binay, “Maganda sana pakinggang yun, subalit, mawalang galang lang po VP Binay, marami po kaming katanungan na hindi niyo rin naman po nasasagot sa senado.
“Kaya paano naman kami maniniwala na susuportahan ninyo ang tunay na Freedom of Information?”
Sagot ni Binay, “Alam niyo po Senadora, magtiwala po kayo. Uulitin ko po, man of action, e. Kaya ako napamahal sa Makati kasi lahat ng pinapangako ko nangyayari.
“Pangako ko po, pangako ko po sa lalong madaling panahon pagkasumpa ko bilang pangulo, palalabisin ko po ang Freedom of Information.”
Si Lourd de Veyra ang nagtanong para kay VP Binay kung saan tinanong niya, kung makukulong ang anak niyang si Junjun Binay na siya ang president, ano ang gagawin niya?
Ipinaliwanag ni VP Binay ang estado ng kaso ng anak na si Junjun Binay, “Hanggang ngayon ay nasa stage pa lang ng bintang.
“Pagka na-convict, parusahan.
“E, yun ang conviction, e. Kaya lang, yung bintang, hindi po yun ang conviction.
“Para masabi na ikaw ay corrupt, kailangan may hatol ang hukuman na ikaw ay corrupt.
“Uulitin ko sa ‘yo, at ako naman ay abogado rin, sa Diyos at sa tao walang kasalanan ang anak ko.
“Pero kung ano man ang desisyon, susundin natin.
“We must be a government with the rule of law.”
Ngunit hindi kumbinsido si Poe dahil nga sa simpleng rules ng debate na hindi nasunod ni VP Binay, “Rule of law, pero meron din ayong mga rules ngayon na dapat ay sinunod.
“Siguro maganda rin ipahiwatig, ang paggalang din sa batas at paggalang din sa mga regulasyon ng pagdebate na ito.
“Bigyan na natin ng benefit of the doubt, siguro nga mali ang nasabi niyo sa kanya, pero para sa akin, importante na sana nakadalo siya sa senado para mag-eksplika ng kanyang punto kung wala naman ring tinatago.”
Para naman sa tanong kay Mayor Rodrigo Duterte na nagmula kay Amy Pamintuan ng Philippine Star: “Paano matutupad an gating commitment sa U.N. habang tumataas ang ating pag-asa sa coal power plants?”
Sagot ni Duterte, “I will answer you with this. Tayo ma’am, we are called to comply but the industrial countries can.
“We only contribute point zero something in this planet.
“Sila ang ayaw, e.
“I am not saying that coal is right. What I am saying is itong United Nations and mga industrial countries are hypocrites, gusto nila bayaran nila tayo or supply us with hydro, solar [energy], mahal ‘yan.
“Ngayon, kung idinadamay nila tayo, sila naman yung ayaw maniwala and yet itong United Nations hypocrisy because they can't involve those who are violating everyday there’s sprouting coal power plants.
“We need to industrialize, we need energy.”
Paglinaw ni Duterte, ang climate change ay nandito na, kailangan na lang mag-isip ng kung paano mas mapapangalagaan ang ating kapaligiran.
Aniya, “Sabi ko susunod tayo, but even climate change, climate change is here.
“El Niño is climate change. Kaya yung mga lupa mo kahit sa Luzon, they’re cracking off, that’s pollution.
“Yung climate change is already there, so what you can do is do preventive measures, pero wag lang tayo, kasi we have noticed, those who are into energy industries, are the first world countries.
“That is my objection to that.”
Suhestyon naman ni Roxas na buksan ang EPIRA (Electric Power Industry Reform Act) Law.
Aniya, “Napakahalaga na simulan natin ang transition towards clean energy dahil tayo isa sa pinaka tinatamaan ng epekto ng global warming.
“Lahat ‘tong mga bagyo, dalawampu, dalawapu’t lima bawat taon na humahampas sa ating bansa na naghahatid ng hirap, ng pagsalanta ng crops, mga bahay, lahat ‘yan ay dahil sa global warming.
“Kaya importante na simulan natin ang pagtungo sa clean energy.
Patuloy ni Poe, “Kailangan natin magkaroon ng mga dams, water entrapment facilities, mga flood control projects, para maligtas natin ang ating mga kababayan.”
Simple lang ang naging pagtatapos ni Duterte patungkol sa issue,“You need somebody in Malacañang to just do it.
“Yun ang kailangan dito at all cost.
“Alam mo kung anong kailangan dito sa Pilipinas is monopoly, buksan mo ang Pilipinas to all power players, tignan mo mumura ang electricity, I guarantee you.
Sumang-ayon naman si Poe, “Ang importante malinis, pero importante abot kaya sa ating mga kababayan.
“Hindi puwedeng napakataas ng kuryente. Kailangan talaga mababaan na natin ito.”
Pagdiin ni Roxas sakaling siya ang mauupong presidente, “Bilang pangulo, bubuksan ko ang EPIRA Law.
“Ang EPIRA Law ang siyang naglilimita sa kilos ng gobyerno, sa paglikha ng kuryente sa ating bansa.
“Ako pabor ako na buksan muli ang EPIRA Law para hayaang ang pamahalaan na mag-finance, hindi na bibili, hindi na mag-o-operate, pero mag-finance ng mga power plants sa ating bansa para dumami ang mga power dito.
“Bumaba sa pamamagitan ng kompetisyon ang kuryente sa ating bansa.
“'Yan malinaw na plano, malinaw na gagawin.”
Ngunit kinontra ni Poe ang EPIRA Law.
Pagtutol niya, “Maaring i-review natin ang EPIRA Law, pero kung pare-pareho pa rin ang mga pamilya na namumuhunan sa ating bansa.
“Kailangan buksan talaga natin para sa ibang mamumuhunan dito basta lamang maglilikha ito ng trabahong prodaktibo sa ating mga kababayan.
“Kaya ako, kahit buksan mo pa yang EPIRA na 'yan, kung wala namang charter change pagdating sa economic provisions, wala ring mangyayari.
Ang tanong naman kay Sec. Mar Roxas ay nagmula kay Marichu Villanueva ng Philippine Star: “Paano maiiba ang inyog pamamahala ni Presidente Aquino? Paano ang strategies niyo para hindi na maulit ang pagkakamali?”
Sagot ni Roxas, “Ang daang matuwid ay isang proseso, step by step ito, parang gumagawa tayo ng gusali.
“Sinimulan ng Pangulong PNoy ito sa pundasyon, paglinis sa pamamahala, hindi pa tapos yan, kaya kailangan ituloy ang ating laban sa kurapsyon. Meron pa ring kurapsyon, aminado tayo hindi pa nalilinis, pero malayo na ang narating natin.
“May mga napakulong na tayo, may mga kaso ng na-file, at tuluy-tuloy ang paglits sa mga kurap na ito.
“Pangalawa, tututukan ko ang pinakamahalaga sa ating mga kababayan—pagkakakitaan, trabaho, hanapbuhay—'yan ang punto ng daang matuwid.
“Tinatanggal natin ang kurapsyon para magkaroon ng trabaho ang ating mga kababayan.
“Para ang mga serbisyo ay maiparating sa kanila nang buung-buo.
“Sinimulan natin ito sa pagbibigay ng sapat ng edukasyon, napakaraming tao na dati rati ay hindi nakakatapos ng pagaaral.
“Edukasyon bilang tulay sa mas magandang trabaho para sa kinabukasan.
“Dadalhin natin ang pera ng gobyerno, sa pinakaliblib na lugar, yung ating BUB [Bottom-Up Budgeting] plans.
“Dadalhin natin sa bawat barangay, isang daang bilyong piso ito para yung frontline, ay wala sa Malacañang, wala sa Manila.
“Dadalhin natin ang front line, ang ating laban kontra sa kahirapan, sa ating kabarangayan, ang pera dadalin natin sa kabarangayan at sa mga bayan.
“All 1,490 towns, 42,000 barangays ay magkakaroon ng pondo para sila mismo ang makapagsimula ng tulong sa kanilang kapaligiran para magkaroon ng trabaho at hanapbuhay, lalo na sa ating mga magsasaka, mangingisda doon sa mga liblib at malalayong lugar.
“Itutuloy natin ang ating plano para sa imprastraktura kung saan itong mga kalyeng ito na nagdadala ng produkto ng mga kababayan natin ay magawa para makarating sa mga pamilihan, trabaho at pagkakakitaan ang ating gagawin.
Pag-alma ni Poe, “Maganda yung prinsipyo ng BUB, pero di ba sa BUB meron din menu kung ano lamang ang puwede nilang piliing proyekto?
“Pangalawa, hindi ba kaduda-duda na nagkakaroon tayo ng BUB ngayon na malapit na ang eleksyon? Na parang nagiging insentibo sa local government na maging panig sa administrasyon na yun.
Paglinaw ni Roxas,“Sen. Grace, hindi po totoo 'yan.
“2011 pa lang meron nang BUB, sinimulan natin ito dahil nais nating dalhin ang development at capital expenditure sa pinakamalayong lugar sa ating bansa.
“Bahagi ito ng empowerment na bahagi ng programang daang matuwid na kung saan ine-empower natin, binibigyan natin ang kakayahan ng mga komunidad ang mga pamayanan para sila mismo sa sarili nila ay mapaparating natin sa kanila na walang kupit, walang kickback.”