Angel Locsin shed tears of joy for being chosen to reprise Darna in movie

Angel Locsin burst into tears when she recalled how Darna catapulted her to stardom when she first portrayed the superheroine in 2005.


Napaiyak si Angel Locsin nang alalahanin niya kung paano siya natulungan ng Darna noong ginampanan niya ang nasabing karakter noong 2005.

“Yes, puwede ko na siguro sabihin. It’s official. Nasa akin na ulit ang bato. I’m very excited. Ang laki ng respeto ko kay Darna.”

Ito ang pahayag ni Angel Locsin pagkatapos ng ginanap na story pitching para sa pelikulang Darna sa ilalim ng Star Cinema.

OVERJOYED. Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ABS-CBN reporters, ngayong gabi, June 26, napaluha si Angel sa sobrang tuwa, dahil muli niyang magagampanan ang komiks superhero na una niyang ginawa sa GMA Network noong 2005.

Iningatan daw niya ng husto ang pagganap bilang Darna, at kahit pagkatapos ng naturang teleserye ay nanatiling malapit sa puso niya ito.

“Nagpapasalamat ako sa pamilya ng Ravelos for trusting me again especially sa pinakamamahal ko na Star Cinema at ABS-CBN.

“Hindi ko akalain na magagbabalik ulit ako. Naiiyak naman ako. Emosyunal naman ako dito.

“Pero maraming salamat kasi ang laking part ng career ko ‘to.

“Parang, pasasalamat ko na rin sa mga tao dahil dito nag-boom yung career ko.

“Tapos nakilala ako, nagkaroon ako ng magandang trabaho.

“Nabubuhay ko ng kumportable yung pamilya ko. So, pasasalamat ko talaga,” maluha-luhang saad ni Angel.

Ayon pa kay Angel, kagabi lang niya nalaman na pinapatawag siya ng Star Cinema para sa isang story pitching para sa pelikulang Darna.

Agad daw niyang pina-clear ang kanyang schedule at bigla siyang napa-workout bilang paghahanda sa sexy costume ng naturang role.

“Ay! Nag-work out ako nung nalaman ko. Kasi siyempre may bago kang ipapakita.

“Tapos na kasi yung mga ibang roles na ginawa ko. It’s about time na mag-prepare ako para rito.

“Kasi weird naman kung medyo bato-bato yung [hitsura ng katawan] ko sa The Legal Wife bilang nanay ang role ko na walang time sa sarili masyado,” natatawang kuwento ng 29-year-old aktres.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Mayroon pang kulang-kulang isang taon para paghahandaan ni Angel ang naturang role dahil sa 2015 pa nakatakdang ipalabas ng Star Cinema ang Darna.

BIG BUDGET. Base sa naganap na pakikipag-meeting niya sa top executives at creative team ng Star Cinema, ipinagmalaki ni Angel na pagkakagastusan ng husto ang special effects at iba pang aspeto ng pelikula.

“Lagi nila sinasabi ‘pag fantasy movie, medyo nahihirapan tayo sa budget at effects. Pero dito all in talaga.”

Malaki rin ang tiwala ni Angel sa mga bigating pangalan ang makakatrabaho niya kabilang na si Direk Erik Matti at Dondon Monteverde ng Reality Entertainment.

“He’s the best pagdating dito sa mga fantasy movies. May special effects talaga. Si Kuya Don, si Direk Erik Matti… I’m just so happy na sila yung nalagay sa proyektong ito.

“Nakita n’yo naman yung ibang pelikula nila, as in mapapapangaga ka talaga.

“Pero sinasabi nila, ‘Ay, wala pa ‘yan. Wait and see. Ito yung mga gagawin namin.’

“Kinukuwento pa lang nila parang nalulula na ako.

“Dream come true for me talaga na meron na tayong ganitong kagandang technology para sa mga ganitong klaseng project, yung mga lipad-lipad.”

ON VILMA SANTOS. Ano ang masasabi niya na tulad ng kanyang “future mother-in-law” na si Vilma Santos ay isasapelikula rin niya ang character na Darna?

Sagot ni Angel, “Actually, nung first Darna ko siya ang nagsabi sa akin na, ‘Congrats, ikaw ang magiging Darna.’ Katrabaho ko siya before, e [Mano Po 3: My Love, 2004]. Siya yung nagsabi sa akin in person.

“Parang nahiya naman ako i-compare kasi sobrang kahit dumi sa kuko niya wala akong binatbat talaga.

Mataas daw ang respeto ni Angel kay Vilma kaya’t malaking karangalan umano na sundan ang yapak ng beteranang aktres.

“Ibang klase. Sobrang tinitingala ko talaga si Tita [Vilma]. Wala ako sa kalingkingan ng mga ginawa niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pero bilang nakababatang artista, gusto ko tularan kung ano man ang naging example niya sa mas bagong artista.

“So, kung nagawa mo yung mga bagay na nagagawa nila before, malaking achievement na para sa akin.”

DARNA AS ABS-CBN’S NEXT TELESERYE? Matagal nang usap-usapan kung sino sa mga leading ladies ng Kapamilya network ang gaganap na Darna para sa isang primetime soap.

Iba’t ibang pangalan ang lumitaw kabilang na si Jessy Mendiola.

READ: Jessy Mendiola: Is she the next Darna?

Kaya’t tinanong si Angel kung siya rin ba ang napiling gumanap ng much-coveted role sa TV.

Sagot ni Angel, “Naku! Hindi pa namin napag-uusapan. Ito pa ngang movie ang laki-laking bagay na sa akin nito.

“At actually, ito naman talaga yung ginusto ko. Pelikula muna talaga para sa Darna kasi hindi ko pa nagagawa. Nagawa ko na yung sa TV, e.

“Gusto ko rin makatago ng DVD para remembrance pagtanda ko.

“Who knows? Tignan natin kung ano’ng magiging resulta, kung ano’ng mangyayari.”

Sa kabilang banda, wala umanong problema kay Angel kung saka-sakaling ibigay man sa ibang Kapamilya actress ang naturang TV project.

“Kung ibibigay nila sa younger generation, ok lang din naman sa akin kasi nabigyan naman na ako ng chance.

“Itong movie pa lang, kung magdadamot pa ako sa ibang tao, parang ang sama-sama ko naman.

“Kung ibibigay sa akin, thank you so much. Kung hindi, magiging happy ako kung kanino man,” pagtatapos ni Angel.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN