Sina Mikee Quintos at Kelvin Miranda ang pinakabagong love team ng GMA News TV.
Kahit na ilang taon na sila sa Kapuso network at nagkatrabaho na sa dating serye na Sirkus, ngayon pa lang talaga sila nagkasama at nagkakilala sa seryeng The Lost Recipe.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Mikee sa Zoom conference ng The Lost Recipe noong January 12, 2021.
Dito ay nasabi ni Mikee na iba ang unang impresiyon niya kay Kelvin sa naging pagkakakilala niya rito nang magkasama na sila sa lock-in taping.
Ayon kay Mikee, “Before po na mag-start ang taping, I think iyong unang-unang mabe-base ko na impression, iyong nagsama kami na whole day na with workshop, before kami sumalang sa lock-in taping.
“Ang una kong impression kay Kelvin, akala ko masungit siya. Akala ko, mataas iyong walls niya. Automatically, itataas ko rin iyong walls ko pag gano’n, di ba? Pag tagal-tagal, habang nakikilala ko siya, parang na-misunderstand ko lang siya.”
Magkaiba lang daw siguro ang paraan nila ni Kelvin ng pakikipag-communicate.
“In real life, makulit akong tao, madaldal ako sa lahat. Siguro, hindi lang ganun si Kelvin. Pero minsan, may mga pitik siyang ganun, may mga mood siyang ganun.
“So, noong nakita ko for the first time iyong side niya na ganun, ah okay, may ganun din pala siya. So, okay naman, malayo ang first impression ko sa kanya at iyong after ng lock-in kung sino ang pagkakakilala ko sa kanya ngayon.”
IS KELVIN miranda THE NEXT ALDEN?
Ang huling serye ni Mikee bago ang pandemic ay ang The Gift, kasama si Alden Richards. Marami ang nagsasabing posibleng sundan ni Kelvin ang mga yapak ni Alden, na ngayon ay kinikilala bilang Asia's Multimedia Star.
Nakikita ba ni Mikee ang potential na ito sa kanyang leading man?
“In real life, malayo ang personality nilang dalawa, sa opinyon ko,” saad naman ni Mikee.
“They have their own niche. Parang magkaiba ang charm nila. Iyong attractive kay Alden, iyong pagka-boy next door niya. Si Kelvin, he’s very deep. Malalim siyang tao and it kinda makes him interesting.
“So, gano’ng type of leading man ang nakikita ko kay Kelvin. Magkaiba sila ng charm, magkaiba ang hatak nila. I think, it both works. Pareho namang effective.”
MIKEE quintos ON HER CAREER PATH
Karamihan sa mga projects ni Mikee noon ay mga seryosong serye. Ngayon lang siya gagawa ng series na romcom ang tema.
Sa The Lost Recipe, na nasa direksiyon ni Monti Parungao, gagampanan ni Mikee ang karakter ni Apples sa bagong formula na ito ng serye.
Pero ayon sa Kapuso star, hindi raw siya makakapamili kung ano sa mga genre ang mas gusto talaga niyang gawin.
“If I’m really going to be honest, noong pinasok ko ang showbiz, akala ko ang magiging path ng career ko, iyong mga shows na parang ganito,” lahad niya.
“Actually, ito ang inexpect ko sa first few meetings ko with the management, akala ko dito ako papunta. Na-e-excite ako roon kasi, mas malapit iyon sa totoong buhay na personality ko.
"Pero, lahat nga ng naging projects ko, nandoon siya sa serious side. Natuto ako... feeling ko, baka plinano na rin ni God na pagdaanan ko muna iyon para mas ready akong mag-deliver for projects like this one.
“It’s exciting na iba siya, but wala akong preferred na mas gusto ko ito or mas gusto ko iyon. I think, every project, lahat iyon nandiyan para sa iyo for a reason.”
Natutuwa naman si Mikee dahil halos iisa ang komento sa kanya ng entertainment press sa naging Zoom conference ng The Lost Recipe.
Maganda at blooming siya ngayon.
“Babae na po ako!” natatawang sagot naman niya.
Marami nga raw ang nakakapansin sa tila pagbabago niya.
“Iyong mga kaibigan ko, inaasar ako, kahit mga high-school friends. Na-e-enjoy ko naman po at ang saya rin naman palang mag-ayos.”
Ang The Lost Recipe ay magsisimula na ngayong Lunes, January 18 sa GMA News TV.
