Nag-agawan sina Cairo (Elijah Canlas) at Terrence (Kyle Velino) sa puso ni Gavreel (Kokoy de Santos) sa first season ng Pinoy BL series na Gameboys.
Sa teleserye ng TV5 na Paano Ang Pangako?, magkaagaw naman sina Noel (Elijah) at Drake (Kyle) sa pag-ibig ni Isabel (Miles Ocampo).
“Ibang-iba po talaga ito sa Gameboys, e. Ibang-iba pong mga karakter,” sambit ni Elijah sa virtual mediacon ng Paano Ang Pangako? nitong Enero 24, Linggo, via Zoom.
“Iba si Drake from Terrence. Iba si Noel from Cairo. At iba rin po ang atake ni Drake dito. At tina-try po naming mas ibahin ang dynamics para lang ma-differentiate, para may versatility.
“Alam ko namang capable si Kyle, capable si Miles, and ang saya pong makatrabaho nitong dalawang ito.”
Kumusta si Miles na first time niyang naka-work?
Napangiti si Elijah, “Si Miles po, nakaka-pressure katrabaho. Kasi, mahusay po. Grabe!
”Saka masaya pong kausapin, kasi may lalim po talaga. And nakakatawa because we have a lot of similarities when it comes to food, or kung ano man ang pinapanood namin, or ano ang pinapakinggan.
“Pag nag-uusap po kami, kung ano ang gusto naming kainin today, ganyan.”
Ano ang paborito nilang kainin sa lock-in shooting sa San Pablo City, Laguna?
“Noong nakaraan po kasi, nabanggit ni Miles na nagke-crave siya sa Potato Corner fries. 'Tapos, ako rin, na-trigger ako bigla na... ako rin, na-miss ko rin bigla na mag-Potato Corner.
“Nagpa-order po ako online. Galing pa po Manila, pero OK lang po.”
Bata pa lang si Miles, nag-aartista na. Beterana na sa showbiz!
“Iyon po ang masaya about this. And nakaka-pressure, kasi you’re challenged to do better lalo na po kapag ka-eksena ko kunwari si Miles,” pag-ayon ni Elijah.
“And nakakatawa nga po minsan, ramdam na ramdam ko talaga yung emosyon. Iyong kahit tapos na... madali namang ipagpag, e, hindi naman sobrang bigat.
“Kunwari, landian, kilig scene, or iyakan scene. Minsan, ang hirap mag-detach. Kasi, buung-buo po yung pagkakagawa ni Miles.
“So, apektado ako bilang Noel. Minsan nga, hindi ko alam kung bilang ako na rin. Grabe, e!”
KILIG SCENES
Reaksiyon ni Miles, “Kinikilig na rin ako! Hindi ko na rin po alam minsan kung si Isabel o ako na iyong kinikilig.
“Kasi, ganoon kami sa set. Si Elijah, si Kyle, everybody, 100 percent lagi ang ibinibigay. Minsan, kahit cut na, iyong 50 percent, maiiwan pa nang very light bago mag-back to zero. Ganoon.”
Ang tamis ng ngiti ni Miles, “Nakakakilig din naman po na kinikilig pala siya, pero hindi... ahhmm...
“Sobrang swerte ko sa mga nakaka-partner ko, kasi hindi ako nahihirapan.
“And with Elijah, never po kaming nagkaroon ng ano, di ba, usually, kapag magpa-partner kayo, meron silang workshop para i-build iyong chemistry.
“Sa amin po ni Elijah kasi, wala, e. Talagang first time naming nag-meet sa set na. Talagang brineyk agad namin yung wall.
“Walang ilangan at all, kaya parang matagal na kaming magkakilala talaga. Para pong ganun.
“Sobrang maalaga rin po ni Elijah. Bago mag-‘action’ si Direk Perci [Intalan] or si Direk Eric [Quizon], si Elijah po ang hairstylist ko.
“Dahil iyong mga tutchang ko, talagang siya ang super-OC kapag nakita niya iyong shot ko, tapos, may mga tutchang, talagang siya po ang nag-aayos,” pagmuwestra ni Miles sa bumbunan.
“And I really appreciate it, kasi kita mo yung alaga niya sa set. So, thank you.”
NBSB (no boyfriend since birth) si Miles. 'Tapos, sa serye, pinag-aagawan siya nina Elijah at Kyle.
“Feeling ko, wala akong double chin, kasi pinag-aagawan nila akong dalawa,” masayang lahad ni Miles.
“Feeling ko, ang payat ko! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Pero hindi... very thankful ako. Kasi, ang ganda po ng mga project na naibibigay sa akin ng IdeaFirst.
“I’m very thankful na sina Elijah po at Kyle ang mga kaeksena ko. Kasi, hindi naman all the time, kailangang i-take mo iyong credit sa magandang performance mo. Lagi at lagi kang kukuha doon sa mga kaeksena mo.
“Ang sarap na ganito po iyong mga katrabaho ko, sina Elijah at Kyle and everybody po sa cast namin, very supportive po sila sa bawat eksena.”
Wala pa siyang boyfriend, 'tapos, pinag-aagawan siya ngayon ng dalawang lalaki. Hindi ba weird iyon? Hindi pa niya iyon nararamdaman sa totoong buhay...
“Sabi po ni Lord sa akin, ‘Hindi mo siya mararanasan sa totoong buhay, pero sige, sa teleserye mong ito, ibibigay Ko!’ Ha! Ha! Ha! Ha!” mabining pagtawa ni Miles.
“So, maganda rin pong experiment ito for me. Kasi, hindi ako ganoon kasanay sa mga sweet-sweet na eksena.
“OK naman po. Nae-enjoy ko naman po iyong mga scenes namin.”
KILIG SCENES
Iyang mga natitirang emosyon, baka iba na ang matira later on. Puwede kayang mauwi iyon sa something?
Sagot ni Elijah, “Basta all I know, we all get along really well. As in masaya po talaga silang kasama.
“And they really challenge me to be better. And ewan ko, sobrang good vibes lang po talaga. Ang tagal na po naming magkasama, e.
“Tagal na naming nandito sa San Pablo. Taga-San Pablo na nga po ‘yung address ko sa Facebook, e.”
Paano nila pinapalabas ang kilig, lalo na sa landian scenes?
“The way it was written, nakakakilig na po talaga,” mabilis na tugon ni Elijah.
“Dahil nga po iyong mga kilig scenes ko with Miles ngayon, sobrang open po si Miles. And mag-a-adlib na lang po iyan minsan.
“Kaya minsan, mawawala ako... na para bang... bakit may kilig? Bakit may ganun bigla? Tapos, kanya-kanya na lang po kaming batuhan.
“Nag-e-enjoy lang po kami on set. Pinaglalaruan po namin yung characters, yung eksena. Kaya sobrang saya talaga.”
GAMEBOYS 2 TEASER
Mahigit 362K views na ang official teaser ng Gameboys 2 na nag-premiere noong Enero 22, Biyernes ng gabi, sa YouTube channel ng The IdeaFirst Company.
Iyong kilig na naramdaman ni Elijah kay Miles na “nawawala” siya, naramdaman din ba niya kay Kokoy sa Gameboys lalo na’t season na ang sinu-shoot nila?
“Different po, siyempre. Kasi, different po yung character ni Miles at character ni Kokoy sa Gameboys,” paliwanag ni Elijah.
“And different po iyong dynamics ng paglalandian, at iyong pagbato ng mga punchlines. Mga pick-up lines, ganyan.
“Sobrang iba po ng dynamics. So, feeling ko, it’s the same kind of kilig but different levels — kung nagme-make sense ho iyon.”
Level-up sila sa Gameboys 2, huh? Kumandong siya kay Kokoy. Si Miles ba, kakandong din sa kanya sa Paano Ang Pangako?
Napahagalpak ng tawa si Elijah, “Ha! Ha! Ha! Hindi po. Very pure po iyong love na ipapakita po namin sa isa’t isa dito sa serye na ito, e.
“Pure din naman po iyong sa Gameboys, pero ito po, mas innocent pa po.”
KANDUNGAN
OK ba kay Miles na kumandong kay Elijah? O mas bet niyang mag-stay na innocent?
“Naku, baka mga ano pa po natin pwedeng gawin... mga Book 6. Gano’n! Ha! Ha! Ha! Ha!” halakhak ni Miles.
Book Six, hindi Book Sex! Itong Paano Ang Pangako? ay Book 2 ng Christmaseryeng Paano Ang Pasko?.
Nagbiro si Direk Perci na bibilisan ang Book 3 hanggang Book 5 para umabot agad sa Book 6... Paano Ang Pagkandong?
Pero kakayanin ba ni Miles ang kandung-kandong in due time?
Natatawang sagot ng dalaga, “Why not naman po kung talagang kinakailangan po ng mga kandungan sa eksena, bakit naman po hindi natin gagawin kung talagang part siya ng kuwento, di ba po?”
Kanino niya mas bet kumandong, kay Elijah o kay Kyle?
“Baka kay Tita Bing (Loyzaga) na lang! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha!” tawang-tawang sagot ni Miles.
Co-star nila si Bing Loyzaga sa Paano Ang Pangako?
Aware ba si Miles na sobrang possessive ng fans ng EliKoy/CaiReel? Baka awayin o i-bash siya ng fans dahil sa mga harutan nila ni Elijah.
“Nakakatawa, kasi siyempre, yung mga fans, talagang grabe iyong emotions nila sa mga sinusuportahan nila,” malumanay na pahayag ni Miles.
“So, OK lang po iyon. Trabaho lang naman tayo.”
Nagpasalamat naman si Elijah sa Gameboys fans na naiintindihan na nagpo-portray lang sila ng karakter.
Thankful din si Elijah sa suporta ni Kokoy, kaya pinapanood din ni Elijah ang Stay-In Love kung saan ka-partner ni Kokoy si Maris Racal.
“Nakaka-proud din iyong mga moments niya doon!” bulalas ni Elijah.
“Alam niyo, mas malandi pa sila ni Diding [karakter ni Maris] doon, e! Pero sobrang nakaka-proud po talaga si Kokoy.
“Alam ko po yung paghihirap na ginawa niya, pagsisikap na ginawa niya. And he deserves everything that he has right now.”