Isa si Kokoy de Santos sa mga exclusive contract artists ng Sparkle, ang dating GMA Artist Center.
"Isang karangalan po na mapansin," bungad ni Kokoy sa isang Zoom mediacon na ginanap noong Biyernes, March 4, 2022.
Paglalarawan niya tungkol sa pagiging isang Sparkle artist, "Ilang buwan pa lang pero dama ko na. Iba, iba kumbaga yung alaga din sa mga artista.
"Sabi ko, 'Tagal ko ng nagta-try dito.' Sabi ko, 'Buti na lang ngayon, nabigyan ng pagkakataon na maging parte!'
"Hindi madali, siyempre, bago ka umabot sa point na ganito."
Hindi lahat ng artista ng GMA-7 ay kinuha para maging miyembro ng Sparkle, kaya malaking achievement ito sa career ng 23-year-old actor.
Ano sa palagay niya ang dahilan kung bakit siya kinuha ng Sparkle?
“Ano ba’ng meron ako? Actually hindi ko alam, e.
“Siguro yung puso! Kaya Kapuso,” at tumawa si Kokoy.
KOKOY'S ASSETS
Present din sa naturang Zoom mediacon si Gigi Santiago-Lara, ang senior assistant vice president for Alternative Productions ng Sparkle, kaya siya na ang sumagot sa tanong kung bakit kinuha nilang artist si Kokoy.
“Tingnan mo o, ang cute o,” ang unang sinabi ni Ms. Gigi.
“He is very talented, he’s very charming, he knows how to make use of his best assets, his smile, yung personality niya, yung tingin niya, malandi… marunong lumandi sa kamera.
“It’s what I mean ha, sa kamera,” sinabi pa ni Ms. Gigi na ikinatawa nang labis ni Kokoy.
“O, di ba, kung tumawa, nakakakilig. So we’re very thankful, actually, kila Direk Perci Intalan for agreeing to entrust him to us also, so kami ang magkakahawak-kamay dito.”
Malaki naman ang pasasalamat ng binata para sa oportunidad na ibinigay sa kanya.
Aniya, “Thank you po sa lahat ng mga bumubuo, as a whole, as in sa GMA Network, sa Sparkle po.
"Salamat dahil binigyan niyo ako ng pagkakataon na mas lumawak pa kumbaga yung koneksiyon, at yung mas maipamalas pa yung talent ko sa iba’t-ibang klase ng plataporma.”
KOKOY ON WAITiNG FOR THE BIG BREAK
Napanood si Kokoy noong Sabado sa Magpakailanman, kung saan bida siya sa episode na "The Blind Runner: The Mark Joseph 'Aga' Casidsid Story.
Regular cast member rin si Kokoy ng Pepito Manaloto: Ang Unang Kuwento at ng Bubble Gang.
Mayroon ba siyang listahan ng roles na nais niyang ipagkaloob sa kanya ng Sparkle at ng GMA-7?
“Kung ano po yung naiisip nila, tingin ko kaya ko. Kahit hindi ko kaya, kakayanin ko iyan, e!
“Wala tayong choice. Ito ngang pandemic hindi natin inaasahan, pero kailangan nating mag-adjust sa new normal. At kahit papaano, ngayon, e, medyo dumadali-dali na rin ang buhay dahil nga may mga lock-in na ganyan, nakakapag-adjust na tayo.
“So in terms of roles naman, willing akong gawin ang kahit ano pa iyan.”
Nabanggit naman na baka may mga artistang naiinggit sa magandang takbo ng kanyang showbiz career ngayong nasa GMA-7 na siya. Ano ang reaksiyon niya dito?
“Naku, kung meron mang mga taong naiinggit sa akin, huwag! Kasi ito naman, talagang kahit sino kaya, basta magsumikap ka lang. At alam mo yun, magtiwala ka lang kay Lord.
“Siyempre yung talent mo, e, hindi iyan natatapos na ano iyan, kumbaga never-ending na process iyan. Talagang ako sobrang gutom pa rin ako na matuto ng mga bagay-bagay.”
May payo si Kokoy sa mga kapwa niya artista na naghihintay pa rin ng kanilang malaking break sa showbiz.
Aniya, “Kung ako sa inyo, ipagpatuloy niyo lang. Huwag kayong susuko kasi ako, may mga times talaga na muntik na akong sumuko po, e. So ayun, tiwala lang!”
SUPPORT FROM GAMEBOYS FANS
Unang nakilala si Kokoy sa Gameboys, ang BL (Boy's Love) series at movie na pinagbidahan nila ni Elijah Canlas. Doon nabuo ang mga EliKoy o CaiReel fans.
Masaya si Kokoy na kahit iba na ang mga nakakasama niya sa kanyang GMA-7 projects, todo pa rin ang suporta sa kanya ng fans.
“Naman po! Iyon nga, e, grabe, grabe yung suporta na binibigay sa akin kahit pa… ang layo e, di ba, ang layo ng tinalon ng ganap. So sobrang thankful po ako kasi nandiyan pa rin sila.
“Every time na may episode ng Pepito Manaloto, ng Bubble Gang, laging nandiyan sila sa Twitter, laging may pa-Twitter party, at, trending, di ba?
“Grabe, grabe iyan,” ang tumatawang bulalas ni Kokoy. “Mga Kolokoys ko iyan, e."
TIME FOR HIMSELF
Kahit na sobrang abala ngayon ni Kokoy, mahalaga pa rin daw na maglaan ng oras para sa kanyang sarili.
“Iyan ang importante, kahit gaano tayo ka-busy, kahit gaano tayo ka-blessed sa mga biyaya, kailangan magkaroon ka pa rin ng time sa sarili mo, sa pamilya mo. Kasi iyon ang nagre-remind palagi sa akin na, ‘Ah, eto pala ako!’
“At itong ginagawa ko, itong passion ko sa pag-arte, ito ang nagbibigay-inspirasyon sa akin, kapag kasama ko yung pamilya ko at nakakapagbigay ako ng time sa sarili ko.”
Mayroon ba siyang summer plans, ngayong nagluluwag na rin ang mga travel restrictions?
“Sana makapag-out-of-town with my family kahit hindi ganun katagal. Kasi bawat oras, bawat sandali na makakapag-bonding ka with your loved ones e importante yun.
“So ayun, kahit kumain lang sa labas. Iyan naman kapag wala akong ganap, iyon ang ginagawa ko kapag umuuwi ako sa amin, bonding talaga. So baka, makapag-out-of town.”