Humantong na sa 13 taon ang pagiging Kapuso si Andrea Torres.
At madadagdagan ito ng lima pang taon pagkatapos niyang mag-renew ng kontrata sa GMA-7 at GMA Artist Center kahapon, July 16, 2021.
Nang mabanggit ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Andrea sa kanyang PEP Exclusives interview na 13 years na siyang Kapuso, nagulat ang aktres.
Alam daw niyang more than 10 years na siya sa GMA-7 pero di raw niya inakalang yun ang eksaktong bilang.
Nakangiti niyang sinabi, “Oh my goodness, 13 years na pala. Alam ko, more than 10 years pero 13 years pala! Iyon pala iyong exact number.”
Masaya raw siya dahil madadagdagan pa ito ng limang taon pagkatapos niyang mag-renew ng kontrata.
Bulalas ni Andrea, “Sobrang happy, I think for the next five years, GMA pa rin ako.
“Very happy ako kasi siyempre, dito na ako lumaki. Parang lahat ng firsts ko, nandito na rin, and sila rin naman talaga iyong nagbigay ng malalaking projects ko at ng opportunity para makilala ako ng tao.”
Malaki raw ang kanyang pasasalamat sa pagbibigay daan ng network para matupad ang kanyang pangarap na maging artista.
Sa pagpasok ni Andrea sa showbiz ay panandalian siyang naging miyembro ng Star Magic ng ABS-CBN at nakasali sa 2005 reality show na Qpids.
Pagkatapos nito ay matagal siyang nabakante.
Naging Kapuso si Andrea noong 2008, at n agpapasalamat si Andrea na sinugalan siya ng GMA-7 para gawing bida at kalaunan, maging isa sa mga premiere actresses ng network.
Pagbabalik-tanaw niya, “Siyempre, naalala ko iyong mga times na nag-i-start pa lang ako, parang struggling ka na iyong gusto mo lang talaga, to be seen.
“Sila iyon, sila talaga iyong sumugal sa akin kahit wala pa naman akong background, wala pa akong napapatunayan, and kadalasan nga ganun iyong ginagawa nila, e.
“Nagbibigay sila sa akin ng project na, ‘Hala kaya ko ba iyan?’ Parang nag-aalangan akong gawin kasi feeling ko, hindi ko kaya.
“Sila talaga iyong may vision na feeling mo, magagawa mo and it turns out, makakabuti nga talaga sa iyo, minsan lang talaga, you need someone to push you.”
Kasama sa bilang ang una niyang sabak sa GMA-7, ang pagiging host ng weekly daytime lifestyle show na Ka-Blog, na umere mula August 2008 hanggang October 2010.

Noong 2011, nabigyan ng pagkakataon si Andrea na maging bahagi ng mga teleserye ng GMA-7 hanggang sa noong 2012, nabigyan siya ng big break para magbida sa remake ng Kapuso teleseryeng Sana Ay Ikaw Na Nga.
Simula noon ay sunud-sunod na ang pinagbidahang teleserye ni Andrea.

Kasama sa unang proyekto ni Andrea sa kanyang bagong kontrata ang upcoming GMA Telebabad series na Legal Wives, na eere na sa July 26, 2021.
Kasama rito sina Alice Dixson, Bianca Umali, at Dennis Trillo.
