Labing-walong taon nang Kapuso si Yasmien Kurdi, pero ni minsan daw ay hindi niya naisip na lumipat ng network.
Kuwento ng aktres sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), “Hindi ko po naisip as long as inaalagaan naman nila ako nang maayos. Napi-feel ko naman sa kanila na family, sa mga nanay-nanayan ko. Sila Ms. Gigi [Santiago-Lara], sina Ms. Lilybeth [Rasonable], nandiyan sila lagi for me. Isang tawag ko lang, nandiyan na sila for me.
“So ano pa ba ang mahihiling ko? Maganda ang trato nila sa akin. Maganda naman ang roles na binibigay nila sa akin. Wala na rin po akong mahihiling pa, bakit pa ako mag-iisip na lilipat?”
Masasabi ba niyang mananatili siyang Kapuso hanggang sa dulo ng kanyang career, tulad na lang ng nasabi ni Alden Richards sa kanyang contract signing?
“Opo, kaya naman,” nakangiting sagot ni Yasmien.
WORKING WITH BEA ALONZO
Excited naman si Yasmien na makatrabaho ang mga bagong Kapuso stars na pumirma ng kontrata sa GMA-7.
“The more the merrier,” ang masayang sabi niya.
“Ang dami kasing mga Kapuso shows na upcoming 'tapos nagbukas pa ang GTV, so ang dami talagang mga slot na kailangan ng mga artista.
“Sana makatrabaho ko silang lahat.”
Isa sa mga bagong Kapuso ay si Bea Alonzo, na naging classmate pa niya noong high school.
Looking forward ba siya na makatrabaho si Bea?
“Gusto ko, gusto ko po siyang maka-work, lalo na sa drama, pero kung kaya niyang tumambay sa hapon. Tambay po ako ng hapon, e,” natawang sabi ni Yasmien.
Ang tinutukoy niyang hapon ay ang GMA Afternoon Prime, kung saan karamihan ng serye niya sa GMA ay pang-hapon talaga.
Malamang ang iniisip ni Yasmien ay sa prime time ilalagay ang mga series ni Bea.
Dugtong pa niya, “Gusto ko rin maka-work si Kuya Kim [Atienza] kasi, ang daming niyang alam. Parang marami akong pwedeng itanong sa kanya.”
ON LAS HERMANAS CHARACTER
Madalas nabibigyan si Yasmien ng role na mabait, naaapi, at responsable, tulad na lang ng role niya ngayon sa Las Hermanas, na mapapanood sa GMA Afternoon Prime. Kasama niya sa series sina Thea Tolentino at Faith da Silva.
May challenge pa ba sa kanya ang ginagampanang character?
Napaisip ang aktres bago siya sumagot, “Si Dorothy Manansala po kasi, meron siyang negative traits. Ang maganda rito sa Las Hermanas, yung characters naming tatlo, kaming magkakapatid, iyon ang magiging conflict.
“Because of our personalities. Bawat isa may positive at may negative traits. So may linggo po na kakainisan ninyo ang character ko. Parang pinapakita lang po ang personality ng tao na hindi naman tayong lahat ay anghel.
“Akala mo responsible siya, pero hindi mo alam, controlling na siya.”
Malapit din daw sa puso ni Yasmien ang bagong serye dahil naiisip niya ang kanyang asawang si Rey Soldevilla Jr. at ang kanyang pamilya.
Ayon dito, “Malapit din siya sa puso ko kasi ang Las Hermanas po, ang Lola namin dito, taga-Zamboanga City sila. Si Rey, taga-Zamboanga.
"'Tapos, shinoot namin sa Pampanga, e, yung mom ko, Kapampangan. Parang both sides ko, nando’n sa Las Hermanas. Ang pagiging Zabakano at pagiging Kapampangan.”
Pero hindi naging madali para kay Yasmien na sumabak sa lock-in taping. Inamin niya na sobra ang naging pag-iyak niya sa unang lock-in taping.
Kuwento ng Kapuso actress, “Noong hinatid ako ni Pangga, sobrang umiiyak ako, hindi na ako makapag-vlog kasi, nanginginig ako. Parang ako, 'Hala, hindi ko kayo makikita ng isang buwan,'” lahad niya.
Pero sa ikalawang lock-in taping daw nila, okay na siya.
“Noong ikalawa, parang wala na akong naramdaman. Parang nasanay na ang puso ko. Parang sabi ko, 'Not so bad naman.' Pagdating doon, nakakausap ko naman sila sa phone. Busy rin ako.
“At sa sobrang busy po, hindi ko na rin naman naiisip yung homesick. Araw-araw po kasi kayong magwo-work so, hindi niyo na po maiisip yung mga gano’ng bagay.
"Kailangan lang work, work, work. Yun lang po ang ginagawa namin doon at pagdating ng day-off, gusto mo na lang na magpahinga, matulog o kaya mag-exercise kasama ng mga cast. Masaya naman po sa lock-in.”
May advantages din daw ang lock-in taping.
Saad niya, “Ang maganda rin kapag lock-in, mas nakaka-focus ka sa role mo. Hindi mo naiisip yung mga bagay outside taping at dahil tuloy-tuloy ang work, yung character mo, hindi ka bumibitaw."