“Excited, yes! Threatened, no!"
Ito ang sagot ng Kapuso actor na si Gabby Eigenmann nang tanungin kung threatened ba siya sa mga artistang lumilipat sa GMA Network.
Nitong mga nakalipas na taon ay halos sunud-sunod ang paglipat ng mga artista, karamihan mula sa ABS-CBN, sa GMA-7. Kabilang sa kanila sina Bea Alonzo, Xian Lim, Albert Martinez, Beauty Gonzalez, Richard Yap, Khalil Ramos, at John Lloyd Cruz.
Pagpapatuloy ni Gabby, “It’s nice to see artists exploring new homes. Lahat naman tayo kailangang magtrabaho.
“I can’t wait to work with them in the near future, I would want to work with any of them.
“And I hope to enjoy camaraderie with the new faces in the network.”
Hindi ba natukso si Gabby na lumipat sa ibang network?
“Hindi po. I’m home and I’m grateful because inaalagaan ako ng GMA,” sabi ni Gabby sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ngayong Sabado ng umaga, January 8, 2022.
GABBY IN MAGPAKAILANMAN
Ngayong Sabado ng gabi ay mapapanood ang bagong episode ng Magpakailanman na pinamagatang "Balut Vendor Turned Inventor: The Roland Barrientos Story."
Bida rito si Gabby na gagampanan ang papel bilang si Roland, isang tindero ng balut at mangangalakal.
Misis ni Roland si Karen (gagampanan ni Rochelle Pangilinan) na hindi kuntento sa kinikita ng kanyang mister kaya nangibang-bansa ito para magtrabaho. Ang kanilang pagkakalayo ay humantong sa paghihiwalay na isinisi ni Roland sa kanyang sarili.
Nangako si Roland sa kanilang mga anak, lalo na sa kanyang panganay na si Rochelle (Ashley Ortega), na gagawin niya ang lahat upang mabuong muli ang kanilang pamilya, ngunit hindi ito nangyari.
Nagpokus si Roland sa kanyang mga anak hanggang sa nakilala niya si Jennifer (Myrtle Sarrosa), na mas bata sa kanya ng sampung taon pero nakitaan niya ng pang-unawa at pagmamahal na hindi niya nakita kay Karen.
Ngunit ang magandang relasyon nina Roland at Jennifer ay magiging sanhi ng pagkasira ng relasyon ni Roland at ng anak niyang si Rochelle, na humantong sa pag-alis ni Rochelle.
Kakailanganin ba ni Roland na mamili kina Jennifer at Rochelle?
Ang "Balut Vendor Turned Inventor: The Roland Barrientos Story" ay mula sa direksiyon ni Neal del Rosario, sa panulat ni Loi Argel Nova, at pananaliksik ni Stanley Pabilona.
Mapapanood ito sa mas maagang timeslot, 7:15 ng gabi, sa GMA-7.

Bilang isang ama at asawa, paano siya naka-relate sa role niya sa Magpakailanman?
Sagot ni Gabby, “Yung pagiging pursigido, pagiging matiyaga at maalaga sa pamilya.”
Gaano kahirap ang role niya sa Magpakailanman lalo pa't hindi niya ito naranasan sa tunay na buhay?
“Actually, I like building stuff and fixing stuff in real life. Nahirapan ako mag-cut ng bakal!
“Mahirap yung ginawa niyang invention, dun ako hirap, kahit pretend lang, kasi mahirap magkamali!” natawang sabi ni Gabby.
Gaano kahalaga kay Gabby ang pamilya?
Tugon niya, “Ang family ko ang nagbibigay sa akin ng inspirasyon… my life won’t be complete without them.
“Sila ang buhay ko. Gone are the days when you only think about yourself… you have to balance everything.”
Hanggang saan niya kayang magsakripisyo para sa pamilya?
“Lahat gagawin para sa pamilya… kung kayang ibigay ang mga kailangan, secondary na ang mga gusto nila, gagawin ko.
“I love seeing them smile and making them happy,” saad niya.
Paano niya napapangalagaan ang pamilya niya sa panahon ng pandemya?
“I only pray that healthy kami, sila," pakli ni Gabby.
"The past two years since the [pandemic] hit, madalas ako nagluluto for them, at sa awa ng Diyos nakakapag-bonding kami at nakilala namin ng husto ang isa’t isa.”
Ano ang best thing na nangyari sa buhay ni Gabby noong 2021?
Sabi niya, “Being with the family is always the best!
“And kahit papaano nakapag-resume din sa work, so I guess every little thing counts.”
