Sa kauna-unahang pagkakataon ay mapapanood ang Sparkle male artist na si Kokoy de Santos sa bagong episode ng Magpakailanman na pinamagatang "The Blind Runner: The Mark Joseph 'Aga' Casidsid Story."

Ano ang unang naging reaksiyon ni Kokoy nang nalaman niya na magbibida siya sa isa sa mga top-rating na programa ng GMA-7?
Tugon ni Kokoy, “Siyempre, gulat! As in surprised na, ‘Wow, talaga?! Ipagkakatiwala niyo sa akin ang lead sa isang episode ng Magpakailanman?’"
Sabi pa niya, “At first time ko mag-ano para sa Magpakailanman. Siyempre, very happy tayo, very happy,” sabay-taas ni Kokoy ng dalawa niyang kamay.
Pero nakaramdam daw ng pressure si Kokoy nung nabasa niya yung script.
Aniya, "'Hindi ito biro,’ sabi ko. Mahirap ito."
Ano ang pinakamahirap na eksenang ginawa niya para sa naturang episode?
“As a whole, yung buong episode, wala akong specific na sobrang…lahat mahirap!"
PLAYING A BLIND MAN
Unang beses gumanap ni Kokoy bilang bulag, at sa mga eksenang kinunan siya ay wala talaga siyang nakikita.
"...hindi madali. Kumbaga para sa akin, isa sa pinaghuhugutan ko palagi, drama man iyan, comedy man iyan, is yung visuals.
“So nung tinanggal sa akin iyon, kasi yung contacts na nilagay sa akin doon wala talaga akong nakikita, as in.
“So parang tinanggalan [ako] ng buhay bilang aktor. Pero sabi ko, e, gusto ko nga yung mga challenges, e, so sabi ko laban, kahit mahirap!”
Paano naitawid ni Kokoy ang kanyang pag-arte sa bawat eksena?
“Ayun, kailangan nating i-memorize yung script hangga’t maaari, hindi lang sa isasa-puso at babasahin, kailangang memorized din.
"Äko kasi minsan, aminado naman ako mahilig akong mag-adlib. So dito medyo bawas.
"Kasi nga yung cueing nung ibang kasama ko na actors kailangan ko ring malaman sa pandinig lang kasi nga wala akong nakikita.”
Isa sa mga kasama ni Kokoy sa naturang Magpakailanman episode ay ang aktres na si Snooky Serna.
Kumusta ang mga naging eksena nila ni Snooky na gumaganap bilang ina ni Aga Casidsid na si Judith?
Bulalas ni Kokoy, “Ang sarap ka-eksena ni Ms. Snooky kasi, ewan ko, feel na feel ko na nanay ko siya dun, e.
"At least kahit dun man lang na-experience kong maging anak ng isang, di ba, Ms. Snooky Serna!
"Kasi alalay, e, alaga siya kapagka, kahit pag 'Cut!' 'O dito ka.’ Ganyan kasi nga wala akong nakikita."
Natatawang kuwento pa ni Kokoy, “Nagkakandapa-dapa na nga ako, e, natatapilok na kasi wala talaga akong nakikita so gabay sila sa akin sa mga eksena.”
Unfortunately ay hindi na nagkaroon si Kokoy ng pagkakataon na makilala nang personal si Aga, ang personalidad na pinortray niya sa Magpakailanman.
Nag-research raw si Kokoy at may mga pinanood tungkol kay Aga.
“Nakatulong po yung pag-send sa akin ng production at nila direk Neal del Rosario ng mga clips and mga videos po ni Aga.
"May mga interview siya, e, so doon pa lang may hugot ka na, yung hirap na dinadanas niya at dinanas niya noon, so ayun, isa rin po sa mga pinag-aralan ko rin po yun.”
Nasa naturang episode rin ng Magpakailanman sina Kristoffer Martin bilang si Darryl, William Lorenzo bilang si Eddie, at Marx Topacio bilang si Coach Gado.
Ito ay sa pananaliksik ni Angel Launo, sa panulat ni John Roque, at sa direksiyon ni Nel del Rosario.
HIS LIFE STORY ON MAGPAKAILANMAN
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Kokoy sa Zoom mediacon na ipinatawag ng GMA-7 para kay Kokoy at para sa Magpakailanman Biyernes ng tanghali, March 4, 2022.
Kung gagawin ng Magpakailanman ang life story niya, papayag ba si Kokoy?
“Aba, bakit hindi? Unang-una ho sa lahat, papayag ako! Ang GMA kung papayag sila, payag tayong lahat, gawin natin iyan,” ang tumatawang sagot ni Kokoy.
Makulay ba ang buhay niya para maipakita sa Magpakailanman?
“Makulay, sobrang kulay! Ang daming nangyari sa akin, nandiyan ang hirap, nandiyan ang ginhawa, as in halu-halo, e.
"Kumbaga feeling ko naman kahit papaano makaka-inspire po sa mga Kapuso natin kapag napanood nila.”
Papayag daw si Kokoy na ipakita ang lahat-lahat nang naganap sa buhay niya, pangit man o maganda.
Bukod sa Magpakailanman na isa sa mga importanteng programa ng GMA network ay regular cast member si Kokoy ng Pepito Manaloto: Ang Unang Kuwento at Bubble Gang.
