Bago pa man ang finale ng Artikulo 247 ngayon Biyernes ng hapon, June 3, 2022, ay nauna nang “nag-finale” si Mark Herras sa Kapuso drama series.
Ito ay nang mamatay ang karakter niyang si Elijah tatlong linggo bago ang pagtatapos ng teleserye.
Sa PEP Live, kung saan nag-guest si Mark kasama si Benjamin Alves noong May 24, maraming fans ng Artikulo 247 ang nagkomentong nanghihinayang sila dahil maagang nawala ang role ni Mark.
Natatawang sambit ng aktor, “Oo nga, e, nauna na ako.”
Isang viewer pa ang nagtanong kung bakit kinailangang patayin ang karakter niya sa show.
Sagot ni Mark, “Si Kris kasi, si Klaire kasi,” banggit niya sa karakter ni Klaire portrayed by Kris Bernal, na asawa ni Mark sa serye.
“Tinuluyan niya ako talaga para raw hindi na magkaroon ng next show,” pagbibiro pa ng aktor.
Sa eksena, kinorner ni Klaire ang kaaway nitong sina Jane (Rhian) at Elijah, at pinaghubad si Elijah para palabasing magkalaguyo sila.
Pagkatapos nito ay binaril ni Klaire si Elijah at para makatakas sa kanyang krimen, binalak niyang gamitin ang batas na Artikulo 247.
Base sa Revised Penal Code, sinasabi sa Artikulo 247 na “any legally married person who having surprised his spouse in the act of committing sexual intercourse with another person, shall kill any of them or both of them in the act or immediately thereafter, or shall inflict upon them any serious physical injury, shall suffer the penalty of destierro (banishment).”
Ang episode kung saan namatay ang karakter ni Mark ay nagtala ng 7.6% na rating base sa AGB Nielsen NUTAM ratings. Ito ang isa sa pinakamataas na rating sa takbo ng Artikulo 247.
Bilang isang mister at ama, may natutunan ba si Mark mula sa journey niya sa Artikulo 247?
Sagot ni Mark, “Hindi naman sa natutunan, pero siguro, huwag ka na lang pumasok sa isang gulo na alam mong hindi magiging maganda ang kalalabasan.
"Kasi, hindi ko naman puwedeng sabihin kung anong aral ba yung napulot ko sa Artikulo 247, o aral ba doon yung huwag kang mambabae, huwag kang mangaliwa, siyempre ang pangit naman nun!
“So, might as well, di ba, parang, huwag ka na lang gumawa ng isang bagay na alam mong hindi maganda yung kalalabasan o yung ending.”
FIRST LOCK-IN TAPING
Naging malaki raw ang adjustment ni Mark para sa Artikulo 247 dahil ito ang unang beses na nag-lock-in taping siya.
“At the same time, medyo hirap ako kasi this is the first time na nalayo ako sa asawa’t anak ko,” saad ng StarStruck winner.
Asawa ni Mark ang Kapuso actress na si Nicole Donesa. Ikinasal sila noong September 8, 2021 at may isa silang anak, si Corky, na ipinanganak noong February 2021.
Patuloy ni Mark, “Kasama ko sina Corky at Nicole for the longest time ‘tapos biglang kailangan kong mag-lock-in for like a month.
“Sabihin na nating hindi naman siya ganun kahaba, pero para sa amin, mahaba na yun.”
Nang magbalik-tanaw si Mark sa mga panahong iyon, bigla niyang na-realize na ang bilis ng panahon at patapos na ngayon sa ere ang kanilang serye.
“Siyempre, nakakalungkot lang na it’s almost over na ulit, na parang ang bilis, sobrang bilis talaga ng panahon.
“Parang kailan lang, nag-a-adjust pa lang ang katawan namin sa lock-in taping, nag-a-adjust pa lang ako na hindi ko nakakasama yung pamilya ko, ‘tapos ngayon, matatapos na yung soap namin, di ba?
“Pero I’m really thankful for this soap. Siyempre nagpapasalamat ako sa buong team na bumubuo ng Artikulo 247 at siyempre, sa GMA at sa Sparkle for giving me this opportunity para magampanan yung role ni Elijah.
“At looking forward ulit sa mga ganitong klase ng mga experiences sa trabaho siyempre.”
