Hindi napigilan ni Dion Ignacio ang mapaluha sa face-to-face mediacon ng 2022 Gintong Parangal nang natanong tungkol sa pagkukumpara sa kanya kay Dingdong Dantes.
Nagsimula ito noong nag-double siya kay Dingdong sa "Alternate" episode ng programang I Can See You ng GMA nitong January.
Umpisang sinabi ni Dion, “Unang-una si Kuya Dingdong, isa sa mga idol ko rin talaga, e! Kaya natutuwa ako kapag sinasabihang, ‘Uy, para kang si Dingdong, ah!’
“Parang medyo kinikilig ako.”
Pero hindi raw sumasagi sa isip niyang mapapantayan niya ang Kapuso Primetime King.
Dugtong ng StarStruck alumnus, "...kasi si Kuya Dingdong 'tsaka si Dion ano e, magkaiba talaga sila, e.
"Mataas si Kuya Dong, e, ako eto lang [sabay muwestra ng kanyang kamay sa bandang ibaba].
“Pero iyon na nga, thankful pa rin..."
Nangyari ang mediacon nitong Sabado ng gabi, July 16, sa LAFPS Diner sa Judge Jimenez St. corner E. Rodriguez Avenue sa Quezon City.
At sa August 13, si Dion ay pagkakalooban ng Natatanging Gintong Parangal para sa Mahusay ng Aktor sa Telebisyon sa gaganaping awards night ng 3rd Gintong Parangal 2022 sa Okada Manila Grand Ballroom.
Ito ang first award ni Dion smula noong pumasok siya sa showbiz taong 2003.

Katabi niya during presscon si Professor Jonathan Velustria Sta. Ana, na chairman ng Gintong Parangal at school administrator ng St. Dominic College Of Asia.
Nung nagbigay ng maikling mensahe si Sta. Ana, binanggit niya ang kahalagahan ng support roles.
Banggit ni Dion, "Mas napapansin yung taas, di ba? Hindi niyo alam na yung mga nasa baba, supporting actors, sila yung nagpapaangat sa bida.
“So parang, kanina nung sinabi niya yun, kasi nag-double nga ako kay Kuya Dingdong, parang nag-effort talaga ako, parang ako yung, tumama sa akin na ako yung…”
Dito na naging emosyonal si Dion at nahinto sa pagsasalita.
Umiyak ang 36-year-old actor kaya kinuha ni Ricky Davao, na awardee rin at present sa mediacon, ang mikropono mula sa hindi na makapagsalitang si Dion.
Kuwento ni Ricky, “Idadagdag ko lang kasi magkasama kami dun sa 'Alternate,' e, double siya. Pero double siya na umaarte para tuloy si Dingdong nakaka-react sa kanya.
"At talagang malaking tulong nun, nakikita namin hindi lang sa bihis, lahat, pati sa acting.”
Pagpapatuloy naman ni Dion na naka-recover na mula sa pag-iyak…
“Hindi ako makapagsalita, basta yun, na-overwhelm lang po ako dahil kahit nasa ilalim napansin.
"Yung effort, parang, napansin po yung effort ko, bilang artista, supporting, nakakapagpaangat, mas napapansin po yung nasa taas.
“Even nga yung sinabi rin ni direk [Ricky], todo-arte talaga ako dun para may magandang expression, magandang maramdaman si Kuya Dingdong.
"Para mapaganda yung shot niya, yung anggulo niya, yung emosyon niya, makaarte siya nang maganda, kailangan ko ring umarte nang one hundred plus percent para sa kanya."
At dito na tuluyang nabasag ang boses ni Dion, "Para mapaganda yung pag-arte niya, paglabas niya sa TV. Overwhelmed ako dito sa award na ito."
BAKIT UMIYAK SI DION IGNACIO?
Isa si Dion sa mga artists ng Sparkle ng GMA-7 kaya tanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa one-on-one interview pagkatapos ng panel interview, bakit siya napaiyak?
Aniya, “Kasi yung alam mo yun, yung effort mo napapansin. Kasi support lang lagi ako, hindi naman ako nagbibida, e.
"Pero yung effort na ginagawa ko sa pag-arte ko, sa mga characters ko, sunog-kilay ako. Pagka may script ako talagang pinag-aaralan ko.
“Ito yung way ko, ginagalingan ko, pinaghuhusayan ko kasi ito yung way ko na parang ini-imagine ko na nag-o-audition ako.
“Di ba pag nag-o-audition ka binibigay mo yung one hundred percent mo?
“So ginagalingan ko para kunin ulit ako, maalala nila ako na, ‘Si Dion, okay umarte ito, walang attitude problem ito, 'tapos mabait ito.’
“So iyon yung ginagawa ko sa set para mapansin, 'tapos ito nga, makakuha ako ng award, hindi ko inasahan talaga ito. Nagulat ako, e.
“'Tapos tinamaan pa ako sa sinabi ni Sir Jonathan, di ba, laging napapansin yung mataas, yung star.
"Pero yung mga, hindi mo alam, di ba, yung ibang artista kaya siya nag-top kasi parang naangat din ng ibang supporting actors.
“So parang sapul ako dun na nagsu-support ako, na ginagalingan ko, para gumaling din yung mga kaeksena ko.”
Samantala, head ng jury ng Gintong Parangal ang actor/director/producer na si Perry Escaño (ng MPJ Entertainment Productions.
Paliwanag ni Perry, "I only submitted recommendation to the committee, mostly juries are professors with masteral and doctorate degree from different colleges and universities, young professionals, student leaders and businessmen.”
