Bubusisiin ng National Telecommunications Commission (NTC) ang landmark deal sa pagitan ng ABS-CBN at TV5.
Ito ay ayon sa ulat ng Radyo Pilipinas na ibinahagi sa Facebook page ng PTV ngayong araw, August 11, 2022.
Kasunod ito ng anunsiyo ng dalawang network giants na selyado na ang kanilang kasunduan sa pamumuhunan ng ABS-CBN sa TV5.
Read: TV5 and ABS-CBN landmark deal is now official
Sa panayam ng Radyo Pilipinas, sinabi ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba na kailangang isumite ng TV5 ang commercial agreement nito sa ABS-CBN.
Pati na ang pahintulot o clearance mula sa mga ahensiya ng gobyerno gaya ng Bureau of Internal Revenue (BIR), Bureau of Customs (BOC), NTC, at Securites and Exchange Commission (SEC).
Alinsunod daw ito sa Memorandum Order 3-06-2022 ng NTC na nag-uutos na kinakailangang ang makakatransaksyon ng kumpanyang nabigyan ng legislative franchise para makapag-operate ay walang outstanding obligation sa gobyerno.
Dagdag pa sa ulat, may kapangyarihan daw ang NTC na magbusisi ng anumang kasunduan basta may kinalaman sa prangkisa dahil ito ay pribilehiyong ibinigay ng gobyerno kaya kailangang matiyak na ito ay nagagamit nang tama.
Pahayag ni Cordoba, “Yun kasing prangkisa is a privilege given by the government sa mga pribado na entities para magnegosyo sa atin, sa Pilipinas, at ang gamit po nito ay mga frequencies na airwaves na pagmamay-ari ng estado.
“Kaya kailangan nating i-check at busisiin kung tama ba ang paggamit nila ng pribilehiyo na binigay ng gobyerno sa kanila pati yung frequency na pinagagamit sa kanila ng gobyerno.”
Ang TV5 ay may bagong legislative franchise—na nag-lapse into law noong April 2019—samantalang tinanggalan ng prangkisa ang ABS-CBN noong May 2020.
Read: ABS-CBN went off the air 7:52 tonight, May 5, 2020
OTHER GOVERNMENT AGENCIES
Ayon pa kay Cordoba, hindi lang ang ang NTC ang bubusisi sa mga nilabag diumano ng ABS-CBN sa kanilang prangkisa na lumutang sa hearing ng Kongreso noong 2020.
Kasama rin daw nila ang Department of Justice, Land Registration Authority, at Philippine Competition Commission.
Iginiit ni Cordoba na hindi panggigipit ang ginagawa ng ahensiya dahil ang kanilang kapangyarihan sa ilalim ng inilabas nilang Memorandum Circular ay ipinapatupad din daw sa iba pang franchise holder.
Saad niya, “’Di po ba tama naman na ang gobyerno ay siguraduhin na lahat ng mga private sector na binibigyan ng privilege ay ayon po sa batas ang ginagawa?
“Dahil sabi ko nga sa inyo, kapag may violation, mas maganda na iayos muna nila.
“Ang ibibigay ko sa inyong halimbawa ay ganito, if for example bumili po kayo ng lupa, bago po ninyo mai-transfer ang lupa sa inyong pangalan ay kailangan pong bayaran ang lahat ng real property taxes dito, otherwise, at hindi muna mare-register ng Register of Deeds ang pag-transfer ng isang lupa.”
Dumalo sa investment signing agreement ng TV5 at ABS-CBN sina MediaQuest Holdings Chairman Manny Pangilinan, ABS-CBN Corporation President and CEO Carlo Katigbak, ABS-CBN Corporation Chairman Mark Lopez, at ang ibang mga opisyal ng mga nabanggit na kompanya.
Nakasaad sa kasunduang nilagdaan ng magkabilang panig na makakakuha ang ABS-CBN ng 34.99 shares ng TV5, at madaragdagan o mas marami na ang mga programa ng Kapamilya Network na ipalalabas at mapapanood sa Kapatid Network.
Namuhunan na rin ang MediaQuest sa SkyCable, ang pay television at broadband arm ng ABS-CBN.
Read: ABS-CBN, TV5 "35/65" joint venture "in closing stages," says Manny Pangilinan
