"TV war is officially over."
Ito ang deklarasyon ni GMA Chairman and CEO Atty. Felipe L. Gozon kaugnay ng pag-ere ng Kapamilya noontime show na It's Showtime sa GTV simula sa Sabado, July 1, 2023.
Maituturing na mahalagang kasaysayan sa Philippine noontime television ang pagsasanib-puwersa ng rival networks na GMA-7 at ABS-CBN para sa pagpapalabas ng It's Showtime sa GTV.
Ang GTV ay ang free-to-air TV network na pagmamay-ari ng GMA-7.
Naganap ang contract signing sa pagitan ng top executives ng GMA-7 at ABS-CBN sa Seda Vertis North Hotel, sa may Quezon City, ngayong Miyerkules ng hapon, June 28.
Sa panig ng GMA-7, dumalo sina Atty. Gozon; Gilberto "Jimmy" Duavit, President and COO; Felipe Yalong, EVP and Chief Financial Officer; at Atty. Annette Gozon-Valdes, SVP for Programming, Talent Management, Worldwide, and Support Group and President and CEO of GMA Films.
Kinatawan naman ng ABS-CBN sina Mark Lopez, Chairman; Carlo Katigbak, President and CEO; Cory Vidanes, Chief Operating Officer for Broadcast; at Paul Piedad, OIC - Finance Group.

Siyempre, present din ang halos lahat ng It's Showtime hosts na kinabibilangan nina Vice Ganda, Anne Curtis, Ogie Alcasid, Kim Chiu, Jhong Hilario, Amy Perez, Jugs Jugueta, Teddy Corpus, Ryan Bang, Jacqui Gonzaga, Ion Perez, Cianne Dominguez, MC Muah, at Lassy. Wala sina Vhong Navarro at Karylle.
Read: Vice Ganda holds no grudge against TVJ, TV5; thanks GTV for accepting ‘It’s Showtime’
Hosts naman ng contract signing ang Kapuso host na si Iya Villania-Arellano at ang Kapamilya host na si Robi Domingo.
Damang-dama ang excitement sa loob ng venue dahil sa historic moment na ito, lalo na pagkatapos ng contract signing nang isigaw ni Iya, "Welcome to your new home!"

"THANK YOU FOR YOU KINDNESS, GMA"
Naging emosyunal naman ang halos lahat dahil sa mga binitawang pananalita nina ABS-CBN President Carlo Katigbak at GMA Chairman and CEO Felipe L. Gozon.
Hindi raw akalain ni Katigbak na pagkatapos nilang ilunsad ang primetime series na Unbreak My Heart na masusundan agad ang "partnership" nila ng GMA-7.
Lahad ng ABS-CBN executive, "Nung nabalitaan namin na gustong ilipat ang timeslot ng Showtime, tinawagan namin si Annette para pag-usapan ang posibilidad na mabigyan ng bagong tahanan ang aming programa.
"And after that, in just less than two weeks, we were again welcomed into your network."
Kasunod nito ay nagpasalamat si Katigbak sa lahat ng GMA-7 executives at sa lahat ng mga Kapuso "sa pagtanggap niyo sa Showtime at sa pagyakap niyo muli sa ABS-CBN. Thank you for your kindness, GMA."
Pinasalamatan din ni Katigbak ang mga host at staff ng It's Showtime dahil sa kabila ng marami nilang pinagdaanan, "hindi kayo bumitaw at sumuko sa pagbibigay ng saya at serbisyo."
Mensahe pa niya, "Lahat po ito ay para sa inyo, Madlang People. Natutuwa kami na tuloy ang saya tuwing tanghali, na magkakasama muli ang mga Kapuso at Kapamilya sa Showtime."
Bago ang kasunduan ng ABS-CBN at GTV, napapanood ang It's Showtime sa TV5. Ngunit hindi na na-renew ang blocktime agreement sa pagitan ng Kapamilya noontime show at ng TV5 na mapapaso sa Biyernes, June 30.
Nag-offer ang TV5 na ilipat sa 4:30 p.m. timeslot ang It's Showtime dahil ibibigay na nila ang noontime slot sa programa nina Tito Sotto, Vic Sotto, Joey de Leon, at legit Dabarkads matapos kumalas ng mga ito sa TAPE, producer ng longest-running noontime show na umeere sa GMA-7.
Read: MVP on choosing between It’s Showtime and TVJ: “It was just a purely business decision.”
Hindi tinanggap ng ABS-CBN ang offer kaya nilapitan nila ang GMA-7, na pumayag na ipalabas ang It's Showtime sa GTV.
Read: CONFIRMED: 'It’s Showtime' to transfer from TV5 to GTV

"TV WAR IS FINALLY OVER"
Kasunod na nagbigay ng pananalita ang Chairman at si CEO ng GMA-7 na si Atty. Gozon, na binigyan ng masiglang pagbati ng It's Showtime hosts.
Kaya biro ng Kapuso executive, "Magandang hapon pa lang yun, ha."
Dahil sa magkakasunod na partnership ng GMA-7 at ABS-CBN—co-production ng Unbreak My Heart, joint venture sa mga pelikula, pagpapalabas ng mga lumang pelikula ng Star Cinema sa GMA-7, pagpapalabas ng Kapuso shows sa iWant TFC, at ngayong pag-ere ng It's Showtime sa GTV—ay may mahalagang deklarasyon si Atty. Gozon.
Aniya: "Lahat ng yan, siguro puwede na nating sabihin ngayon, without fear of contradiction, na yung kumpetisyon, yung tinatawag ng mga media practitioner na TV war is finally over."
Ang talagang makikinabang daw nito ay ang mga manonood, pati na ang parehong ABS-CBN at GMA-7.
Sabi pa ni Atty. Gozon, "Malugod naming tinatanggap ang popular program na It's Showtime at ang magaganda at maraming talents na bumubuo nito, na pinangungunahan ni Vice Ganda.
"At hindi lamang iyon, nagagalak din kami na pinili ng ABS-CBN na ilipat ang programang ito sa GTV."
Dagdag niya, "Ang pinagsamang skills, expertise, experience, and reseources ng ABS-CBN and GMA can be characterized as very formidable."
Dahil malawak ang analog at digital reach, at malinaw ang signal at reception ng GTV, malamang daw ay hindi lamang ma-maintain ang mataas na rating ng It's Showtime "kundi baka tumaas pa."
Nagpahiwatig din si Atty. Gozon na masusundan pa ang collaboration ng GMA-7 at ABS-CBN sa mga darating na panahon.
