Tumawag sa PEP (Philippine Entertainment Portal) kanina ang manager ng Baywalk Bodies na si Lito de Guzman para ipahayag ang galit sa aktor na si Rustom Padilla. Nagpahayag kasi ang aktor sa radio program ni DJ Mo Twister noong January 3 na ang mga alaga ni Lito ang worst-dressed sa showbiz.
Gustong ipaabot ni Lito kay Rustom ang kanyang galit dahil wala raw sa posisyon ang aktor para husgahan ang pananamit ng Baywalk Bodies.
Ani Lito: "Ano ang kasalanan ng mga alaga ko para pintasan niya? Kung gusto ni Rustom na magpakontrobersiyal, huwag niyang gamitin ang aking mga alaga.
"Galit ako kay Rustom dahil sa pamimintas niya. Pareho kaming bakla kaya kami ang dapat magharap!
"Natatakot ang mga alaga ko na awayin si Rustom dahil baka raw magalit ang ibang kapatid niya. Sinabi ko sa kanila na huwag silang matakot dahil hindi makikialam ang mga kapatid ni Rustom sa away ng mga babae o bakla.
"Si Rustom ang nag-umpisa ng gulo. Sumasagot lang ako dahil ako lamang ang puwedeng magtanggol sa mga alaga ko."
Nagagalit na tanong ni Lito, "Galit ako kay Rustom dahil pinipilit ng mga alaga ko na linisin ang kanilang pangalan pagkatapos nilang makulong sa Guam—pero ano ang ginawa niya?"
Tiyak na masasaktan si Rustom kapag narinig nito ang iba pang pahayag ni Lito laban sa kanya. Public apology ang hinihingi ni Lito mula kay Rustom para matapos ang isyu.