Last Friday, January 19, ay ginanap ang grand launch ng Celebration of Youth painting exhibit ng beauty doctor na si Dr. Joel Mendez sa Big & Small Art Gallery, SM Megamall. Isa sa mga dumalo sa nasabing pagtitipon ay ang 2nd runner-up sa Pinoy Dream Academy (PDA) na si Ronnie Liang, na celebrity endorser ng Body and Face clinic ni Dr. Mendez.
Sinamantala ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang pagkakataon upang hingan ng pahayag si Ronnie tungkol sa kumakalat na balita na malaki na ang ipinagbago ng PDA Grand Star Dreamer na si Yeng Constantino.
"Hindi naman po. Wala po akong nakikitang pagbabago kay Yeng," agad na pagtatanggol ni Ronnie sa 18-year-old na si Yeng. "May mga times po na sumisigaw siya, pero yun po ay dahil medyo bata pa siya. Dala yun ng kabataan niya. May mga times lang na kapag magkakasama kami, nagsisisigaw siya. Pero wala naman po siyang kaaway, basta minsan parang katuwaan lang, sumisigaw siya."
Ayon pa kay Ronnie, malamang ay nami-misinterpret lang ng mga nang-iintriga si Yeng. Ang totoo raw kasi ay mabait si Yeng at hanggang ngayon ay humble pa rin ito sa kabila ng newfound success nito.
Si Ronnie man ay malaki rin ang ipinagbago sa buhay.
"Nakikilala na po ako ng mga tao. Like, kapag nasa mall ako or sa mga public places, nakikilala na nila ako. Nilalapitan nila ako, nagpapa-autograph at nagpapakuha ng picture," nakangiting kuwento ni Ronnie.
Habang kausap ng PEP si Ronnie, napansin namin na malaki na ang ipinagbago ng kanyang katawan. He lost excess pounds at hunk na hunk na ang dating niya ngayon. Biniro nga namin siya na baka magpapaseksi na siya kapag pinasok na rin niya ang pag-aartista.
"Hindi po, kailangan lang po talagang mag-gym ako. Sabi kasi ni Direk Lauren Dyogi [director of Pinoy Dream Academy], kapag nasa TV po kasi ako, medyo mataba ako. Kaya regular po akong nagdyi-gym," paliwanag ni Ronnie.
Masayang-masaya raw si Ronnie sa tinatamasa niyang popularidad ngayon at gusto niyang gayahin ang mga idolo niyang sina Martin Nievera, Gary Valenciano, at Christian Bautista.
"Lahat kasi sila mga singers and at the same time, artista rin sila," pagwawakas niya.
