2004 Elections: A Backtrack

IMAGE 0


Noong May 2004 elections, isa si Bong Revilla sa mga artistang sumabak sa pagka-senador at pinalad naman siyang manalo. Ngayong May 2007 elections naman ay si Richard Gomez ang susubok. Magiging matagumpay rin kaya si Richard kagaya ni Bong?


Katatapos lang ng filing period para sa nalalapit na May 2007 elections noong ika-12 ng Pebrero, at gaya noong nakaraang May 2004 elections, nagdagsaan muli ang mga artista sa COMELEC (Commission on Elections).

Bagama't inuulan ng batikos ang pagsabak ng showbiz personalities sa pulitika, hindi natitinag ang ating mga idolo na gustong maluklok sa puwesto.

Ating silipin muli ang mahabang listahan ng mga artistang nagnais manilbihan noong huling eleksiyon. Siyempre, ating maaalala ang pagtakbo ng yumaong Da King na si Fernando Poe, Jr., na ngayo'y idineklara na bilang isang Pambansang Alagad ng Sining.

POE FOR PRESIDENT. Nagdeklarang tatakbo sa pagka-Pangulo si FPJ noong Disyembre 2003. Naging mahigpit silang magkalaban ng noon ay incumbent at hanggang ngayon ay Pangulo pa rin ng Pilipinas na si Gloria Macapagal Arroyo.

Kilalang mailap si FPJ pagdating sa kanyang personal na buhay. Ngunit sa kanyang pagtakbo para sa pinakamataas na posisyon, lumitaw ang pagkakaroon niya ng anak sa ibang babae—si Ronian Poe, anak niya sa dating aktres na si Ana Marin (Moral).

Ipinagdiinan din na hindi siya Pilipino dahil ang kanyang mga magulang ay may dugong dayuhan—ang kanyang inang si Elizabeth Kelley ay isang American citizen at ang kanyang ama na si Fernando Poe, Sr. ay isang Spanish national.

FROM ACTORS TO SENATORS. Sa Senado, sumabak naman ang tatlong action stars na sina Bong Revilla Jr., Jinggoy Estrada, at Lito Lapid. Kumpara kay FPJ, may kanya-kanyang karanasan na sa pulitika ang tatlo.

Bago naging senador si Bong Revilla ay nanilbihan muna siya bilang bise gobernador sa lalawigan ng Cavite. Taong 1998 noong siya ay nahalal na gobernador. Subalit hindi na niya napahaba pa ang kanyang termino dahil tinalo siya ng dating congressman na si Erineo "Ayong" Maliksi noong May 2001 elections.

Taong 2002 nang pamunuan niya ang Video Regulatory Board (VRB) sa krusada ng naturang tanggapan kontra audio and video piracy.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Samantala, si Jinggoy Estrada naman ay nagsimulang manilbihan bilang vice mayor ng San Juan sa edad na 25. Taong 1992, nahalal siya bilang mayor sa edad na 29. Ayon sa official website ng Senate of the Philippines (http://www.senate.gov.ph/senators/sen_bio/jestrada_bio.asp), siya ang pinakabatang na-elect na local chief executive sa buong bansa. Natapos ang kanyang termino bilang alkalde noong 2001.

Si Lito Lapid naman ay nagsimula sa pagiging bise gobernador ng Pampanga noong 1992. Sa sumunod na eleksiyon, nahalal siya bilang gobernador ng naturang lalawigan. Hinawakan niya ang posisyong ito sa loob ng siyam na taon—mula 1995 hanggang 2004.

Nag-file din ng candidacy ang beteranang aktres na si Boots Anson-Roa at ang dating beauty queen at aktres na si Pilar Pilapil.

MORE BIG NAMES IN THE LIST. Matapos ang termino niya bilang mayor ng Parañaque ay nag-file si Joey Marquez sa pagka-Kongresista laban kay Roilo Golez.

Sumabay rin sina Rey Malonzo (bago tumakbo sa pagka-kongresista ay nanilbihan muna bilang alkalde ng Kalookan), Mikey Arroyo na tumakbo sa pangalawang distrito ng Pampanga, at Lou Veloso na sa pang-anim na distrito ng Maynila naman sumubok.

Para sa pagka-bise gobernador, lumaban naman sina Imelda Papin sa Camarines Sur at Jestoni Alarcon sa Rizal.

Sa lokal na pamahalaan, naging maingay ang pagtakbo ni Vilma Santos-Recto bilang mayor ng Lipa, Batangas. Sinabayan naman siya ni Alma Moreno sa Parañaque City.

Sa posisyong bise mayor ng Quezon City ay naging magkatunggali sina Herbert Bautista at Dingdong Avanzado. Sa Parañaque naman sumabak si Anjo Yllana.

Sina Aiko Melendez, Cita Astals, Isko Moreno, Jay Manalo, at Dennis Padilla ay tumakbo sa pagka-konsehal.

FAST FORWARD 2007. Ngayong May 2007 elections, hindi pa rin nagbabago ang ihip ng hangin—marami pa ring artista ang nagnanais na pasukin ang mundo ng pulitika.

Tatakbo bilang senador si Richard Gomez sa ilalim ng Nationalist People's Coalition. Magtatangka ring magbalik-senado si Vicente "Tito" Sotto III.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Noong ika-16 naman ng Pebrero ay nagdeklara rin si Cesar Montano ng kanyang kandidatura sa pagka-senador.

Ang sikat na singer noong dekada ‘70 na si Rico J. Puno ay nagsumite na rin ng kanyang Certificate of Candidacy noong nakaraang Miyerkules, ika-7 ng Pebrero.

Sa lokal na pamahalaan naman, bagama't sa ika-30 pa ng Marso ang deadline ng filing of candidacy, maraming artista na ang nagpahayag ng kanilang intensiyong tumakbo.

Mula sa pagiging mayor ay hindi pa tiyak kung pagiging gobernador o congressman ng Batangas ang tatakbuhin ni Vilma Santos-Recto. Si Lito Lapid naman, mula sa pagiging senador ay nagbabalak maging mayor ng Makati, ang business district ng Pilipinas.

Re-electionist naman si Herbert "Bistek" Bautista sa pagiging vice mayor ng Quezon City. Ang komedyanteng si Teri Onor ay tatakbo ring vice mayor sa isa sa mga bayan sa Bataan.

Ang Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao ay tatakbo bilang congressman sa General Santos City.

Idagdag na rin sa listahan ang multi-awarded actor na si Christopher de Leon na tatakbo bilang konsehal sa Batangas, gayundin si Yul Servo na nagnanais ding maging konsehal sa ikatlong distrito ng Maynila.

Inaasahan na sa darating pang mga araw ay hahaba pa ang listahan ng mga artistang sasabak sa mundo ng pulitika.

Gaya ng nakaraang eleksiyon, sigurado na muling magiging makulay at maaksiyon ang mangyayaring halalan ngayong Mayo. Siguradong mapupuno ng artista ang pangangampanya sa iba't-ibang sulok ng bansa. At sigurado ring aani ng matinding intriga ang mga artistang sasabak sa pulitika. Ang mga katanungan sa ngayon: sino ang tatagal? sino ang papatok? sinong idolo ang magtatagumpay bilang pulitiko? Abangan!


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN