"Eat...Bulaga!" and 27 years of making the Pinoys happy!

IMAGE 0


Tito, Vic, and Joey—better known as TVJ—were first seen on Discorama and Student Canteen. It was in 1979 when Eat...Bulaga! was born, and TVJ were asked to become the main hosts!


Marso 11, noong nakaraang taon, nagkaroon ng thanksgiving party ang Eat...Bulaga! para sa press at malalapit na kaibigan nito. Ito raw ay bilang pasasalamat sa mga suporta at biyaya na patuloy na tinatanggap ng naturang show sa loob ng maraming taon.

Kaybilis ng panahon, isang taon na naman ang lumipas!

Ngunit para sa Eat...Bulaga!, hindi lang isa kundi 27 na taon ang pinag-uusapan. Maituturing na longest-running noontime TV show sa bansa, na ilang beses ng naglipat-bahay at nagpalit ng hosts at jingle, ang Bulaga! ay nananatiling bahagi ng buhay ng mga Pilipino mula Aparri hanggang Jolo.

Atin muling sariwain ang simula ng isang show na maituturing na isa nang institusyon sa larangan ng telebisyon.

Surprise at lunch time. Taong 1979 nang nabuo ang plano na magkaroon ng isang noontime show na puwedeng itapat sa Student Canteen, na nag-iisang programa sa tanghali noon at kinabibilangan ng trio na TVJ (Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon).

Ayon sa artikulo ng YES! noong Nobyembre 2002, nagkaroon ng tampuhan sa pagitan ng trio at ni Bobby Ledesma (co-host ng tatlo sa Student Canteen) dahil nabalitaan ng huli na may offer ang tatlo na gumawa ng isang show na kakalaban sa Student Canteen.

Pinabulaanan ng tatlo na tinanggap nila ang offer, ngunit tila hindi naniwala si Bobby. Nang matapos ang show, nasambit ni Bobby sa tatlo nang may pagtatampo, "So guys, I won't be seeing you next week."

Ayon sa interview kay Joey, hindi na rin sila pumasok matapos noon dahil sa pagtatampo. At matapos ang ilang araw, nakatanggap na ng offer ang trio na gumawa ng noontime show. Isa sa mga offer ay mula sa producer ng Iskul Bukol na si Boy Gatus at ang isa ay galing kina Romeo Jalosjos at Antonio Tuviera. 'Di nagtagal, tinanggap rin nina Tito, Vic at Joey ang alok nina Jalosjos at Tuviera.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Paano nabuo ang pangalang Eat...Bulaga!?

"Ako ang nakaisip ng 'Eat...Bulaga!'" sambit ni Joey. Ayon sa kanya, "Play on words lang naman 'yon, e. Naisip ko na para makuha ang class ABCD, ginawa kong kalahating English, kalahating Tagalog. So ang pumasok sa akin, ang ginagamit sa baby, 'yung ‘It...bulaga!' Banner ko n'un, ‘Basta may baby, may it...bulaga!' Ginawa kong 'Eat' 'yung 'It' para lunch time tapos 'Bulaga!' kaya naging parang 'surprise at lunch time.'"

Unang umere sa telebisyon ang Eat...Bulaga! noong July 1979 sa channel 9. At nag-umpisa ito sa limang hosts lamang: sina Tito, Vic, Joey, Chiqui Hollman at Ritchie ‘d Horsie.

Sa Channel 9 unang lumabas, nagpalipat-lipat ang Bulaga! ng kanilang bahay—mula Channel 9, napunta sila sa ABS-CBN Channel 2 hanggang sa mapadpad sila sa GMA Channel 7.

Gimmicks. Ang Eat...Bulaga! ang nagpasimuno ng pagkakaroon ng iba't ibang gimik para sa mga palaro. Sa Bulaga! rin unang na-localize ang mga pa-contest, at naging mas pang-masa ang hatak nito kumpara sa Student Canteen.

Matatandaan na sa Eat...Bulaga! sumikat ang mga patimpalak na: "Maid in the Philippines," para sa mga kasambahay sa bansa; "Sweet Sales Lady," para sa mga sales lady; "Tsuper Star," para naman sa mga driver ng jeepney at tricycle.

Iba't ibang beauty contest din ang pinauso ng Bulaga! tulad ng: "Miss Gay Philippines," ang kauna-unahang gay beauty contest sa telebisyon; "Little Miss Philippines," para sa mga bibong batang babae; at ang longest-running beauty contest na "Beautiful Girl." Ilan pa sa mga naging variation ng mga ito ay "She's Got the Looks," "Munting Miss U," "Super Sireyna" at "Flawless de Mayo."

Nagkaroon din sila ng mga tie-ups sa mga bagong labas na pelikula, kanta at teleserye. May mga challenge games din na nagbiagay-aliw sa mga manonood tulad ng "Sige, Ano, Kaya Mo? (SAK Mo?)," "Pinoy Henyo," at "SAK, Math."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Idagdag pa rito ang mga pinakaaabangan na portion na kung saan milyon ang ipinamimigay ng Eat...Bulaga! sa mga papalaring kalahok. Inilunsad ang "Meron o Wala" bilang pantapat sa "Pera o Bayong" ng kalaban nilang show na Magandang Tanghali Bayan (MTB), dahil noong panahong iyon ay bumababa ang ratings ng Bulaga!

Nang maungusan sa ratings, pinalitan ng mga tauhan ng Bulaga! ang konsepto at pinangalanang "Laban o Bawi." Pumatok naman ito ng viewers lalo pa't ginawan ito ng jingle ng mga SexBomb girls.

Sa ngayon, ang larong ito ay tinatawag ng "Taktak Mo o Tatakbo?" na hango mula sa kanta ni Joey na "Itaktak Mo."

"Dabarkads" turned celebrities. Kilala din ang Eat...Bulaga! sa pagpapakilala ng mga bagong mukha sa showbiz—kung 'di man nanalo sa isa mga contests ay naimbitahan bilang guest host. Ang mga talents na ito ay tinaguriang "dabarkads" ng Eat Bulaga!

Isa sa masasabing produkto ng Bulaga! ay si Aiza Seguerra, na minsan naging kalahok sa "Little Miss Philippines." Bagamat first runner-up lamang siya sa naturang contest, nagnining si Aiza dahil sa kagalingan niya sa pagsayaw at pagpapatawa, at nang lumaon, sa pag-awit. Sino ang makakalimot sa kanyang Aiza Walk, isang dance step para sa "Walk Like An Egyptian" ng The Bangles na pinasikat niya ng husto? Sino ang hindi makakaalala sa sa "Ache-che" na naging favorite expression ng mga Pinoy noon?

Sunud-sunod ang naging proyekto ni Aiza sa telebisyon at pelikula noon. Naging madalas na ka-tandem niya si Vic Sotto sa mga father-and-daughter roles. Hinirang din siyang Best Child Actress ng FAMAS noong 1989. Ngayon, kilala na bilang isang mahusay na komposer at mang-aawit ang dating child star.

Isa pa sa mga sumikat dahil sa Eat...Bulaga! ay ang kilalang aktor na si Jericho Rosales. Matatandaang unang nakilala si Jericho dahil sa pagkapanalo niya sa "Mr. Pogi," ang male beauty contest ng Bulaga!

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ngayon, isa na siya sa mga pinakasikat na drama actor at napabilang sa patok na patok na mga TV at movie projects gaya ng Pangako Sa 'Yo at Tanging Yaman. Kabilang din ang aktor sa dating grupong tinawag na The Hunks, at ngayon ay kasapi na siya bilang lead vocalist ng bandang Jeans.

Bukod sa mga contestants na naging celebrities, kilala din ang Bulaga! sa mga nagiging co-hosts ng TVJ na magagandang babae. Ilan sa kanila ay sina Connie Reyes, Christine Jacob, Rio Diaz, Mickey Ferriols, Toni Gonzaga, Lana Asanin, Alicia Mayer, at si Eileen Macapagal na naging asawa ni Joey.

Ngayon, kapansin-pansin na lumaki na ang pamilya ng Eat...Bulaga!—mula sa limang hosts, mayroon nang 18 na mainstay hosts na kasama ang TVJ. Sa mga female co-hosts nandiyan sina Julia Clarete, Toni Rose Gaida, Pia Guanio, Ruby Rodriguez, Cindy Kurleto, Pauleen Luna at Ciara Sotto.

Samantalang sa mga kalalakihan, makikita araw-araw sina Paolo Ballesteros, Wally Bayola, Michael V., Keempee de Leon, Teri Onor, Janno Gibbs, Francis Magalona, Jose Manalo, Allan K., Jimmy Santos at Anjo Yllana.

Kabilang din sa Bulaga! ang "dabarkads" na SexBomb Dancers at EB Babes na kilala sa kanilang paghataw sa sayaw.

Tunay ngang isa nang maituturing na institusyon ang Eat...Bulaga! dahil sa walang humpay na pagpapasaya nito sa mga Pinoy sa loob ng 27 years. Bukod pa rito, malaki rin ang naitutulong ng mga papremyo nito sa mga kalahok. Kumbaga hindi lang saya kundi pag-asa ang dulot ng Eat...Bulaga! sa mga milyon-milyong tagasubaybay nito sa loob at labas ng bansa.

Sa darating na Hulyo, eksaktong 28th anniversary ng noontime TV show na nakapagbigay na sa Pinoy ng "isang libo't isang tuwa!"


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN