Franzen Fajardo files for legal separation from his wife

Apr 27, 2007
"Sa ngayon, gusto ko na lang gawin kung ano ang dapat. Makuha ang dapat na para sa akin dahil ako ang agrabyado dito," says PBB ex-housemate Franzen Fajardo about the legal separation case he filed against his wife.


Madamdamin ang naging panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa dating Pinoy Big Brother Season 1 housemate na si Franzen Fajardo, na naganap sa press con na ipinatawag ng ABS-CBN para sa kanilang mga talents na nagse-celebrate ng kaarawan sa April.

Finally, binasag na rin ni Franzen ang kanyang katahimikan kaugnay sa ilang linggo na ring napapabalita na problema nila ng kanyang asawa.

"Nag-file na po ako ng legal separation nung April 10," malungkot na bungad ni Franzen.

How true na pera ang pinag-ugatan ng problema nilang mag-asawa?

"Siguro kung yun lang po, baka maayos pa. Kasi pera lang 'yan, puwede mo pang kitain," tipid na sagot niya.

Ang sabi-sabi, hindi nagustuhan ni Franzen nang malaman niya na yung perang kinikita niya sa showbiz ay ipinapautang ng asawa niya sa mga kamag-anak nito. Totoo ba ito?

"Gaya po ng sinabi ko, kung yun lang, maiintindihan ko pa. Masyado naman po yatang mababaw kung dahil lang doon ay maghihiwalay kami," aniya.

Continue reading below ↓

Kaugnay nito, inamin ni Franzen na joint account ang savings nila ng asawa. Pero hindi raw niya inakala na uubra palang makapag-withdraw ang misis niya nang hindi niya nalalaman.

"Hindi ko po alam na puwede 'yon," sabi niya. "Hindi naman kasi ako yung tipo ng lalaki na nagtse-check ng pass book. O kung magkano na ba ang pera namin sa banko. Siyempre, pangit naman 'yon dahil baka isipin pa niya na wala akong tiwala sa kanya."

Bukod sa pera, may lumulutang ding anggulo na may third party involved kaya naging matabang ang pagsasama nilang mag-asawa.

"Sa ngayon po, ayoko munang magsalita kung may third party involved. Kasi nag-file na po ako ng kaso. Pero sa tamang panahon, malalaman niyo rin. Basta sa ngayon, isa lang ang masasabi ko—ako ang agrabyado dito at hindi ako ang umalis ng bahay," makahulugang bulalas pa ng komedyante.

Hindi ba niya tinangkang ayusin muna ang problema bago siya nagsampa ng legal separation?

"Actually, lahat ng puwedeng gawin, ginawa ko na," sabi niya. "Kinausap ko siya nang maayos. Akala ko okay na.

"Sa katunayan, magkasama pa kami nung Holy Week. Dumalaw kami sa parents ko kasama ang anak namin. Iniwan ko sila doon dahil may show ako sa Batanes. Tapos, from Batanes tumuloy ako sa Kamuning para naman sa taping ng Flor De Luna. Pagbalik ko ng bahay, yun na. Ang mas masakit, isinama pa niya ang anak namin," kuwento pa ni Franzen.

Hindi man lang ba siya kinausap ng asawa niya para sabihin kung bakit nito nagawang mag-alsa balutan?

"Nag-text naman siya. Pero sorry kung hindi ko puwedeng sabihin yung laman ng message niya dahil naka-file na yung kaso. Kahit paano, medyo nabigla rin ako, although medyo napaghandaan ko na. Masakit, kasi hindi ko ma-take yung problema. Tapos, sa halip magpakumbaba, parang binabaligtad pa ako," kuwento ni Franzen.

Sinusuportahan ba ng mga magulang niya ang kanyang desisyon na magsampa ng legal separation laban sa asawa?

Continue reading below ↓

"Nung una ayaw nila. Tutol sila. Siyempre, pamilya, gusto nilang maayos. Pero nung kinausap ko yung tatay ko, at sinabi ko na hindi ko na kaya yung problema, napaiyak siya. Pulis ang tatay ko, at sa tanang buhay ko, noon ko lang siya nakitang umiyak. Masamang-masama rin ang loob niya habang sinusuntok yung dingding ng bahay namin. Nag-alala rin ako para sa tatay ko kaya ako na ang nagsabi na okay lang ako. Sa huli, sinuportahan na rin nila ang desisyon ko na makipaghiwalay sa asawa ko," lahad pa ni Franzen.

Hindi kaya masyado siyang naging busy sa career kaya nawalan siya ng time sa pamilya niya?

"I don't think so," tugon niya. "Kasi yung trabaho, alam naman nila na para sa kanila kaya ko ginagawa 'yon. Saka pag walang taping, nilalabas ko naman ang pamilya ko. Kaya kong sabihin nang nakataas ang noo na wala akong naging pagkukulang."

Paano kung humingi ng tawad ang asawa niya, babawiin ba niya ang isinampa niyang legal separation at willing ba siyang makipagbalikan dito?

Continue reading below ↓

"Ayokong sabihing may kasalanan siya dahil baka sabihin naman niya na sinisiraan ko siya, at baka makaapekto pa sa isinampa kong legal separation. Ayokong mabutasan kaya bahala na ang batas na humusga. Pero siguro kung nagpakumbaba agad siya, baka hindi na humantong sa ganito ang lahat. Sa ngayon, sa palagay ko, hindi na ako puwedeng makipagbalikan sa kanya," walang gatol na pahayag pa ng 25-year-old na komedyante.

Wala na bang pagmamahal na nalalabi sa kanyang puso para sa asawa?

"Wala na," mabilis niyang pakli. "Sa ngayon, gusto ko na lang gawin kung ano ang dapat. Makuha ang dapat na para sa akin dahil ako ang agrabyado dito," diin iya.

Nasabi rin ni Franzen na dahil sa nangyari, ito na ang pinakamalungkot na birthday niya. Noong April 18 ang kanyang kaarawan

"Nung birthday ko, mag-isa lang ako. Iyak ako nang iyak. Lalo na nung tumawag yung anak ko para batiin ako. Sabi niya, 'Daddy, nami-miss na kita. Bakit mo kami iniwan?' Sabi ko, 'Anak, hindi ko kayo iniwan. May problema lang na inaayos ang Daddy. Mahal na mahal kita. Hindi kita pababayaan.' After that, hindi ko na kinaya. Pinatay ko yung cellphone. Umiyak na ako nang umiyak," malungkot na kuwento ni Franzen.

Continue reading below ↓

Pangako nga ni Franzen na gagawin niya ang lahat para makuha ang custody ng kanilang anak.

"Alam kong mas mapapabuti siya sa akin. Hindi ko sinasabing hindi siya mapapabuti sa kanyang ina, ang sa akin lang, sa tingin ko, mas mapapabuti siya sa piling ko," aniya.

Inamin din ni Franzen sa PEP na medyo hirap siyang magpatawa ngayong may mabigat siyang dinadala sa dibdib.

"Mahirap pero kailangan. The show must go on, sabi nga," aniya.

Sa huli, sinabi ni Franzen na bagama't malungkot ay may leksyon siyang natutunan sa nangyari, na gusto niyang ibahagi sa iba at baka sakaling kapulutan ito ng aral.

"Puwede kang magmahal, pero huwag mo ibigay lahat. Magtira ka rin ng para sa iyong sarili. Kasi kung hindi, aapak-apakan ka lang," pagtatapos niya.

Read Next
Read More Stories About
Franzen Fajardo
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
"Sa ngayon, gusto ko na lang gawin kung ano ang dapat. Makuha ang dapat na para sa akin dahil ako ang agrabyado dito," says PBB ex-housemate Franzen Fajardo about the legal separation case he filed against his wife.
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results