Dolphy's daughter-in-law makes plea to ex-husband Dolphy Jr.

IMAGE 0


Regina Pryor Quizon complains about the alleged testimonials of her ex-husband Dolphy Jr. as a member of Jesus is Lord (JIL) Fellowship. The son of the Comedy King allegedly accuses her of infidelity and has filed for annulment of their marriage. Regina says that Dolphy Jr. married a fellow member of JIL.


Hindi naman kaila sa kaalaman ng karamihan na ilang taon ding nakulong sa bilangguan ang junior ng Hari ng Comedy na si Dolphy, si Rodolfo Quizon Jr. Nakilala rin sa sarili niyang kakayahan bilang artista si Dolphy Jr. sa ilang mga pelikulang nilabasan niya noon, lalo na sa bakuran ng film company ng ama niya na RVQ Productions.



Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang maybahay ni Dolphy Jr. na si Regina Pryor Quizon, na nag-aartista rin nang makilala ng anak ng Comedy King. Nagpakasal sila noong April 1993. Sixteen-years-old pa lang noon si Regina.



Pero dahil nga sa mga gulong kinasangkutan ni Dolphy Jr., ilang taon din itong namalagi sa kulungan. Magkaganunman, sinamahan pa rin siya ng kanyang misis. Habang nasa kulungan ang anak ni Dolphy ay dalawa ang naging bunga ng kanilang pagmamahalan—ang panganay na si Roco, na 25 years old na ngayon, at si Rodolfo III, na 24 na ngayon.



Nakalabas naman si Junior at nasundan pa ang dalawa nilang anak ng dalawa pa, sina Richmond, 20, at ang special child na si Ruffa Carla, na 18 years old na ngayon.



Naghain ng kanyang saloobin sa PEP si Regina dahil hindi na raw nila matiis na mag-iina ang nakakarating sa kanilang masasamang salita o patotoo diumano ni Dolphy Jr. sa kanyang mga testimonya, na paulit-ulit na ibinabahagi sa mga miyembro ng Jesus is Lord (JIL) Fellowship sa iba't ibang panig ng Pilipinas hanggang sa ibang bansa.



"Ang mismong girlfriend ng anak kong si Roco ang nakarinig sa mga kasiraang sinasabi niya sa amin, lalo na sa akin. Kaya ang tanong nga sa akin ng girlfriend ng anak ko, e, kung totoo ba 'yung mga sinabi raw ni Junior na nanlalake ako, na pinabayaan ko ang mga anak ko, na iniwan ko siya," himutok ni Regina.



"Matagal kaming nagsama bilang mag-asawa kahit na nasa kulungan siya. At ako ang umako ng lahat ng responsibilidad na dapat ay siya ang gumagawa. Pero dahil nga nakakulong siya, dahil mahal ko siya, may mga anak kami, tiniis ko ‘yon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



"Hanggang two years ago," patuloy niya, "ako na ang sumuko at ako na rin ang nagsabi sa kanya na maghiwalay na lang kami. Ang masakit pa diyan, may ibang asawa na pala siya at sa JIL sila nagpakasal samantalang hindi pa naman naa-annul ang kasal namin. Ngayon lang niya inaasikaso ang annulment, na ipinaurong ko rin muna dahil nga mahal.



"Hindi lang magustuhan ng mga anak namin ang mga kasiraang patuloy na ibinabahagi niya na salita ng Diyos pa ang isinasangkalan niya. Ang sa akin, bakit hindi ang naging problema niya sa drugs ang ikutan niya ng mga patotoo niya sa mga kasama niya? Bakit ako at ang mga anak ko ang isinasangkalan niya? Nasasaktan ako para sa mga anak ko. Na hindi na nga niya nasubaybayan ang paglaki, inaaway pa niya kapag tinatawagan siya."



Nanghihingi ba sila ng sustento kaya sila nagsasalita?



Ayon kay Regina, "Noong nakakulong siya, tumatanggap kami ng sustento from RVQ Productions na six thousand [pesos]. Pero nang ma-by-pass si Daddy [Dolphy], siyempre maraming gastos si Daddy kaya natigil na ‘yon. At kami naman, hindi naman kami 'yung maya't maya na lang na lalapit sa Lolo ng mga bata.



"Sabi nga ng panganay ko, sa lugar namin sa Sta. Cruz, Laguna, ang alam ng mga tao, mga apo sila ni Dolphy. Pero hindi maiaalis na maging usap-usapan kami dahil sa kalagayan namin. Pero nagsikap naman nga ako, kaya meron naman akong maliit na negosyo—skin care—sa aming lugar.



"Matagal na naming ipinanawagan ito. Para lang tumahimik na si Junior sa kakasalita niya ng hindi magagandang mga bagay tungkol sa akin at sa mga anak niya, na wala naman siyang basehan at wala namang katotohanan. Ang gusto lang ng mga bata, mag-usap sila nang maayos. Pero siya, may abogado na agad na dinudulugan. Ang gusto lang namin, e, makarating sa kanya na tigilan na niya ang pagsasalita niya ng masasama sa akin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sa mga patotoo niya, lagi niyang sinasabing iniwan ko siya dahil nanlalaki ako. Kaya pati ang bunso naming anak, pinagdudahan niyang hindi sa kanya. Kaya nga DNA test naman ang hamon ko sa kanya.

"Wala kaming anumang hinihingi sa kanya. Ang sa amin lang, maging totoo siya sa mga sinasabi niya dahil gusto ko pa ring magkaroon ng magandang kinabukasan ang mga anak namin. Hindi 'yung ganitong kahit saan na lang siya tumayong entablado ng JIL, dito man o sa ibang bansa, kasiraan namin ang ipinupuhunan niya para kaawaan siya ng mga tao.

"Nagso-sorry ang mga bata sa Lolo [Dolphy] nila. Hindi rin nila ito gusto dahil marami na ring iniisip ang Lolo nila para madamay pa rito. Hindi namin siya idinadamay sa gulong ito. Inaayos nga namin. At maaayos lang ito kung iiwasan na lang ni Junior na kami ang isangkalan sa mga patotoo niya na paninira sa amin ang kinauuwian," mahabang paliwanag ng manugang ni Dolphy.

Naiyak daw ang panganay ni Regina na si Roco habang nagso-sorry sa kanilang Lolo. Siya raw kasi ang nakasaksi sa lahat ng paghihirap na ginampanan ng kanyang ina para maging ama't ina sa kanilang magkakapatid. Kaya masakit daw para sa kanya na malamang masasamang mga bagay pa ang nagiging sukli sa kanyang ina ng ama.

"Ilang panahon pong lugaw lang ang kinakain namin araw-araw," kuwento ni Roco. "Tiniis namin ‘yon. Hindi rin naman po kami 'yung kailangang managhili dahil ang ibang mga kamag-anak namin, e, mas angat ang buhay sa amin. Kahit na naghihirap kami, maayos naman po ang pagpapalaki sa amin ng nanay namin.

"Kaya ang pakiusap ko lang kay Daddy, pag-usapan na lang ang mga bagay na noon pa naman dapat na naging maayos. 'Yun lang po ang idinudulog namin. At kahit naman nag-iisa ang nanay namin sa pagtataguyod sa amin, lahat kaming mga anak niya, e, pilit niyang iginagapang.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kung gusto niya pong magpatotoo bilang miyembro ng JIL, yung karanasan na lang po niya sa pagiging durugista ang i-share niya, na siya naman talagang naging puno't dulo para maging magulo at masira ang buhay niya. Hindi kami ang sumira nun!" mariing sabi ng panganay na anak ni Dolphy Jr.

Sa kasalukuyan ay sinusubukan ng PEP na kunin ang panig ni Dolphy Jr. sa mga akusasyon sa kanya ng dating asawa at ng kanilang anak.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN