Robin Padilla on Angel Locsin: "Wala akong natatandaan na nagmaldita siya."

IMAGE 0


"Kung may ganoong pangyayari sa ibang tao, hindi naman siguro iyon sinasadya. Wala naman akong nakitang ganoon sa kanya. Hindi rin naman lumaki ang ulo niya," explains Robin Padilla about rumors of Angel Locsin's prima donna ways on the set of Asian Treasures.



Itinanggi ni Robin Padilla na naging pasaway si Angel Locsin sa taping ng Asian Treasures, ang teleserye na kanilang pinagtambalan sa GMA-7. Pero inamin nito na hindi siya naging masaya sa kinalabasan ng ending ng teleserye. Kaya sa halip na teleserye muli, pelikula muna ang gagawin ni Robin para sa GMA Films. Ito ang reunion movie nila ni Sharon Cuneta, under the direction of Jose Javier Reyes.



"Mayroon po kasing mga masasaklap na nangyari pagkatapos ng Asian Treasures kaya kailangan ko munang mag-isip-isip at magmuni-muni," pahayag ng action star sa panayam sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal).

Hindi raw masyadong naging masaya si Robin sa ending ng Asian Treasures na ipinalabas noong Biyernes dahil nagkaroon ito ng mga technical problems sa kamamadali.



"Kung napanood ninyo ang ending ng Asian Treasures noong Friday, at napanood ninyo ang replay noong Sunday, makikita ninyo ang malaking pagkakaiba sa dalawang palabas," sabi pa ni Robin.



Hindi kasi naging maayos ang sound ng last episode ng Asian Treasures dahil minadali raw ito. Puwede pa raw sana naremedyuhan ang technical problems tulad ng nawawalang sound sa kanilang mga linya, ayon kay Robin, pero dahil daw sa pagmamadali ay hindi na raw ito nabantayan. Kaya naman medyo disappointed ang action star. Pero nang i-replay naman ito noong Sunday ay maayos na kaya kahit paano ay nakabawas ito sa inis na naramdaman ng action superstar.



Tinanong din namin si Robin kung bahagi ba ng masaklap niyang alaala sa Asian Treasures ang napabalitang pagmamaldita ni Angel Locsin. May balita kasing naging pasaway sa set ang young actress at may mga nasigawan, bagay na naging dahilan para may mag-resign daw na dalawang makeup artists at isang wardrobe mistress.



"Wala po akong masaklap na karanasan kay Angel," sagot ni Robin. "Saka wala naman akong nakitang nagkaroon daw ng ganoong pangyayari sa set ng Asian Treasures. Alam mo, 'yung sinasabi nila na nagkaroon ng ganoong pangyayari, natural lang ‘yon sa Asian Treasures,ang sigawan, 'yung buntalan, at balibagan dahil action series iyon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



"At kung bibilangin ang mga nagsuplado roon, mas marami ako. Pag mainit na ang ulo ko, hindi sumusunod sa akin ang ibang artista. Hindi lang naman kasi ako artista roon kundi fight choreographer pa. Pag nakikita kong puyat na sila, ayaw nang kumilos, siyempre nagiging suplado ako."



Pero never ba nagkaroon ng pagkakataon na nasigawan siya ni Angel?



"Nasigawan ako? Madalas kaming magsigawan sa eksena. Siguro sa pagod ko, hindi ko na natatandaan. Si Angel kasi, tahimik lang ‘yon. Wala naman akong mairereklamo sa kanya. At kung mayroon man pangyayari na ganoon, naiintindihan ko ‘yon. Hindi naman ibig sabihin nagmaldita siya, kung mayroon man ganoon. Wala akong natatandaan na nagmaldita siya. Hindi naman ako ang laging nakatutok sa kanya.



"Ang ibig kong sabihin, kung may ganoong pangyayari sa ibang tao, hindi naman siguro iyon sinasadya. Wala naman akong nakitang ganoon sa kanya. Hindi rin naman lumaki ang ulo niya," pahayag pa ni Robin.



Idiniin din ni Robin na wala siyang tampo kay Angel.



"Bakit naman ako magtatampo sa kanya? Wala akong tampo sa kanya. Wala rin akong natatandaan na nagkaroon kami ng hidwaan. Hindi ako magtatampo sa isang magandang dalaga. At kung anuman ang maging plano niya, suportado ko siya. Sama ako sa kung anuman ang plano niya," sabi pa niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN