EXCLUSIVE: Rodrigo Santino Barretto Santiago comes home today

IMAGE 0


"Naaawa nga ako sa kanya [Claudine] dahil nahihirapan siya, pero ang galing, ang tapang ng asawa ko. Pero kung tutuusin, masuwerte pa rin kami. Kasi pitong iri lang ata ang ginawa niya, lumabas na ang baby," narrates Raymart Santiago about Claudine Barretto's normal delivery of their son Rodrigo Santino.



Uuwi na si Rodrigo Santino Barretto Santiago ngayon araw, July 21, sa kanilang tahanan sa Quezon City. Maaga pa lang, nakausap na ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at GMA News ang excited daddy na si Raymart Santiago at mukhang naghahanda na ito.

Handang-handa na ang lahat sa pag-uwi ni Baby Santino.

Ilang linggo pa lang bago siya isilang, siniguro na nina Raymart at Claudine na handa na lahat—mula lampin, tuwalya hanggang sa kaliit-liitang detalye ng kanyang kuwarto.

Hanggang ngayon, hindi pa rin daw nakakarga ni Raymart ang bunso nila ng asawang si Claudine Barretto—they have an adopted daughter, Sabina. Aminado ang aktor na ayaw niyang humawak ng maliliit na sanggol dahil sa takot na masaktan ito.

Pero dahil hands-on parents daw sila ni Claudine sa kanilang baby, mukhang walang choice si Raymart kundi matuto.

Naghihintay na rin daw ang Ate ni Santino na si Sabina sa pagdating ng kanyang bunsong kapatid.

BIRTH PAINS. Pasado alas-dos ng madaling-araw noong Huwebes, July 19, nakatanggap kami ng tawag mula kay Claudine. Kakaligo lang daw niya at ready na siyang pumunta sa Medical City hospital.

Alas-singko, tumawag muli ang aktres at sinabi nitong nagle-labor na raw siya. Naglitanya pa ito kung gaano kasakit ang kanyang katawan dahil malapit nang lumabas ang kanyang sanggol.

Dali-dali kaming nagpunta sa Medical City.

Pasado alas-diyes, dalawang oras lang pagkatapos manganak ni Claudine—7:44 am siya nanganak—esklusibong tinanggap ang GMA News at PEP sa mismong birthing room ni Claudine.

Huli naming nakita si Claudine isang araw bago siya manganak nang i-feature namin ang nursery ni Baby Santino sa kanilang tahanan at namamanas pa ang hitsura niya noon. Pero nang kumustahin namin siya matapos manganak, parang bigla naman siyang pumayat.

Kahit kapapanganak lang, magiliw pa ring nakipagkuwentuhan si Claudine sa amin. Kitang-kita ang glow sa kanyang mata sa tuwing ikinukuwento ang first time nila na makita ang kanilang munting anghel.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ikinuwento rin ni Raymart na nasa loob siya ng delivery room nang magsilang ang asawa.

"Naaawa nga ako sa kanya [Claudine] dahil nahihirapan siya, pero ang galing, ang tapang ng asawa ko. Pero kung tutuusin, masuwerte pa rin kami. Kasi pitong iri lang ata ang ginawa niya, lumabas na ang baby," kuwento ni Raymart.

FIRST LOOK. Naluha raw ang mag-asawa nang una nilang makita si Santino. Ito raw ang isa sa pinaka-espesyal na sandali para sa kanila.

Kasama ang ilang malalapit na kamag-anak at kaibigan, including Marjorie Barretto and Direk Rowell Santiago, nakigulo kami sa viewing room ng nursery ng ospital. Walang patid na hiyawan, hagikhikan, at ang pagkuha ng larawan ni Santino.

Ibang-iba na si Raymart ngayon. Kung dati'y very reserved ang dating niya, lalo na kung sumasagot ng mga isyu, pero nang nasa nursery na siya ng kanyang baby ay halos magtatalon sa tuwa ang kanyang reaction.

Naalala namin tuloy ang aming usapan bago manganak si Claudine. Sinabi ni Raymart kung gaano siya katakot sa paglabas ng baby nila. Halos lahat daw ng ama ay dumaraan sa ganito lalo pa't hindi mo pa nakikita ang sanggol.

BREASTFEEDING. Bago mag-alas dose, dinala na ang baby sa kuwarto ni Claudine para sa kanyang breastfeeding. Plano ng first-time mommy na mag-breastfeed.

Ilang beses ibinulong ni Claudine ang pagtawag sa kanyang baby at makikita mo ang reaksiyon ni Santino sa tuwing maririnig niya ang tinig ng ina. Sa lahat ng nasaksihan naming mga showbiz events, ito ang pinaka-nakakaantig ng puso.

"Nakapikit lang siya nung una. Lahat nga kami nagkakagulo, nagpi-picture, at kung anu-ano. Pero nang tinawag na siya ni Claudine, nung sabi niya, ‘Hi, Baby!' kitang kita mo dumilat talaga siya. Tapos hinahanap niya ‘yung boses ng mommy niya. Kilala niya ‘yung boses ng mommy niya, e," pahayag ng proud tita na si Marjorie.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ala-una naman ng araw na ‘yon, nagkaroon ng isang mini-press conference si Raymart at ipinakita na sa ibang kasamahan namin sa media ang sanggol.

Bago matapos ang hapon, dumating ang nakatatandang kapatid ni Claudine na si Gretchen Barretto para bumisita. Excited daw siya sa pagdating ng kanyang bagong pamangkin.

Nabigla raw siya dahil hindi niya alam na may media sa ospital. Matipid ang kanyang mga sagot at nagmadaling pumasok sa kuwarto para kumustahin ang kapatid.

HANDS-ON PARENTS. Masuwerte raw si Santino sa mga magulang niya. Ayon kay Marjorie, nakita raw niya kasi kung paano mag-alaga ng bata ang dalawa.

"Nakita ko naman kung sila magdisiplina at paano nila mahalin at alagaan si Sabina, hands-on talaga," sabi ng Caloocan City councilor.

"At saka nang iwanan ko ang mga anak ko sa kanila nung panahon ng kampanya, ang laki talaga ng pagbabago. Biglang bumait."

Imbes na tabako ang ipinamigay ni Raymart (tradisyon na magbigay nito kapag lalaki ang bagong ipinanganak), isang chocolate bar na may espesyal na pakete ang kanyang ipinamudmod.

Sa unang tingin, aakalaing Hershey's bar ito pero kapag binasang muli, "Hereheys" pala. Kitang kita ang pagka-komedyante ni Raymart sa mga pagkakataong ito.

Nakalagay sa likod ng pakete ng chocolate ang mga nakatutuwang captions:

Delivery date: July 19
Delivery time: 7:44 a.m.
Manufactured by: Raymart and Claudine Santiago
Other fine products: Sabina Santiago
Ingredients: Lots of love and affection

THE LONG WAIT IS OVER. Madalas naming pagbiruan ni Claudine na hindi na iba sa amin si Santino.

Buwan ng Nobyembre nung isang taon, matatandaang nabalitang buntis siya. Pero false alarm pala.

Matapos ang ilang linggo, nalaman naming delayed ulit si Claudine. Hindi namin maiwasang malungkot noon dahil alam namin kung gaano kagusto ng mag-asawa ang magkaroon sila ng isa pang baby para maidagdag sa kanilang bundle of joy na adopted daughter na si Sabina.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kami rin ang isa sa unang nakaalam sa pagdadalang-tao ni Claudine nang kumpirmahin namin ito sa OB Gyne at ninong sa kasal nina Raymart at Claudine na si Dr. Greg Pastorfide.

Naisama rin kami ng mag-asawa sa unang 4-Dimensional ultrasound ni Claudine nang five months na ang kanyang ipinagbubuntis. Dito namin nalaman na lalaki pala ang kanyang isisilang na sanggol.

Hindi namin maiwasang maging emosyonal nang makita namin si Santino. Tulad kasi ng mga nagmamahal sa kanya, naging parte rin kami ng paghihintay sa kanya.

Welcome, Rodrigo Santino Barretto Santiago!


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN