Rochelle Barrameda clears Nadia Montenegro of mix-up in her marital woes

Dec 17, 2007
"Sa dami ng mga pinagdadaanan ko, hindi ko na alam kung ano yung uunahin ko," says Rochelle Barrameda who still worries about her long missing sister, Ruby Rose Jimenez, and admits having a problem with her husband Jimwell Stevens. For starters, Rochelle defends her friend Nadia Montenegro (inset) who got entangled in the rumor of a marital split. Rochelle was last seen on her regular ABS-CBN show Bituin in 2002. Nadia played Judy Ann Santos'


Halos isang linggo matapos magbigay ng pahayag si Nadia Montenegro, ipinaliwanag na rin ni Rochelle Barrameda ang mga isyung naglabasan. Isa-isang sinagot ni Rochelle ang hiwalayan diumano nila ng asawa niyang si Jimwell Stevens at ang pagkakadawit nina Nadia at Ara Mina dito.

Matatandaan na dalawang linggo na ang nakararaan nang kumalat ang balitang nagkaroon diumano ng kumprontasyon sina Rochelle at Nadia sa JR's Bar sa Parañaque. Bunsod diumano ito ng text message na kumakalat at nagsasabing may namumuong relasyon sa pagitan nina Nadia at asawa ni Rochelle na si Jimwell.

Naunang nilinaw ni Nadia sa Showbiz Central na, "Bakit ako mang-aagaw ng asawa? May sarili akong asawa. Nineteen years na kami ni Boy [Asistio]. Inaanak ni Jimwell ang bunso ko. Rochelle was in the house the other day apologizing to Boy dahil nadadamay kami."

At bilang patunay, ipinagtanggol ni Rochelle ang kaibigang si Nadia sa taped interview ng StarTalk noong Sabado, December 15. Aniya, "With Nadia, napatunayan ko rin naman yung sincerity niya noong napanood ko siya sa Showbiz Central. Hindi niya nabanggit kung anuman talaga yung nangyari, pero prinotektahan niya kaming dalawa. At doon ko [nalaman] na kaibigan talaga siya. Nalinawan din ang lahat na hindi ko siya kinumpronta."

Continue reading below ↓

JEALOUSY. Sa kanyang interview, inilahad ni Rochelle ang buong pangyayari sa kanilang mag-asawa noong December 4 kung kailan naganap diumano ang kumprontasyon. Ayon kay Rochelle nandoon noong gabing iyon sina Ara Mina, Rufa Mae Quinto, at Rustom Padilla.

Kuwento ni Rochelle, "Biglang nagsalita yung isa naming kaibigan na tinanong niya ako kung may problema ako sa asawa ko. Sinabi ko, ‘Wala.' Sinabi niya sa akin, kilala niya ako, ‘Alam ko meron.' 'Tapos bigla niyang sinabi, ‘Bakit naghihinala ka na ba sa kanilang dalawa?' Ako: ‘Sinong dalawa?' So lalo akong naguluhan. ‘Sino pa, ang asawa mo at si Nads.' Kasi kapag nakakarinig ako ng ganyan, talagang nanginginig ako lalo na may iniisip pa akong iba.

"So pumasok ako ng office, ng trailer, tinext ko si Ara, sabi ko, 'Papahatid na ako pauwi.' Hindi ako nanggulo or walang kumprontasyon na naganap, hindi ko inaway si Nadia

"Si Nadia, pinuntahan ako sa office dahil sinabihan naman siya na kung puwede huwag na lang siyang pumunta ng JR [bar kasi] 'matinding selos yung nararamdaman ni Rochelle', kaya siya pumunta ng office, pero hindi para mag-away kaming dalawa."

Continue reading below ↓

Sa kuwentong ito, hindi itinanggi ni Rochelle na pumasok sa isip niya ang pagseselos. Paliwanag ng aktres, "Hindi ko naman idine-deny na nakapag-isip ako. Bilang asawa, makarinig ka ng ganun, 'tapos kaibigan mo pa yung babaeng tinutukoy nila, nag-isip ako. Maraming nag-flashback. For how many years na magkakaibigan kami, ni minsan hindi ko sila pinagdudahan and napatunayan ko naman yung ngayon na talagang wala.

"Noong nangyari yun, hindi ako pinabayaan ni Nadia. Nandoon na nag-uusap kami, lagi niya akong tsine-check kung okay lang ako. And sinasabi niya sa akin, kung kinakailangan magpahinga muna ako para sa ikagaganda ng pakiramdam ko, yun ang gawin ko. Naging supportive din siya sa akin."

Sa pangyayaring ito, naniniwala sina Rochelle at Nadia na may naninira sa kanilang pagkakaibigan. Sa katunayan, apektado na rin pati ang mga anak nina Rochelle at Jimwell dahil sa mga naglalabasang isyu.

Gayunman, tiniyak ni Rochelle na hindi magtatagumpay ang taong ito sa pagsira ng pagkakaibigan nila ni Nadia. "Sana lang masaya na siya dahil napag-usapan ito... Pero ito lang ang masasabi ko sa kanya, hindi siya magtatagumpay na sirain kami, ang pagiging magkaibigan namin [ni Nadia]."

Continue reading below ↓



DEFENDING ARA MINA. Mula sa interview ni Nadia noong nakaraang linggo, marami ang naghinala na si Ara ang tinutukoy ni Nadia na "she" na diumano'y nagkalat ng text messages.

Ngunit mariin naman itong tinanggi ni Rochelle. "Out si Ara dito kasi yung insidente noong araw na yun, lalaki naman yung nagsabi sa akin," depensa ni Rochelle.

Dagdag pa niya, "Ara Mina is a good friend of mine. Hindi nila alam kung ano yung naging contribution ni Ara sa buhay naming mag-asawa, lalo na sa akin. Noong nawala na yung kapatid ko, yung role ni Ara parang naging kapatid para sa akin. Pagkagising niya, magte-text siya kaagad sa akin, tatawagan niya ako. Kumbaga, kung ano ang ginagawa ng kapatid ko sa akin, si Ara yung gumagawa nun."

Kusang-loob din si Rochelle na lumabas sa publiko upang ipagtanggol ang kaibigan at hindi dahil sa nakiusap si Ara. Aniya, "Alam ko nasasaktan siya kaya nga sabi ko, hindi man niya sabihin na, ‘Ipagtanggol mo ako' or kung anuman. Bilang kaibigan, kailangan kong gawin yun. Kasi sa akin, kung sa akin mangyari yung ganun, ang feeling ko lahat ng kaibigan ko nawala, masakit, masakit yun para sa akin."

Continue reading below ↓

WHO SENT THE TEXT MESSAGE? Ngayong nalinawan na ang lahat sa mga pangyayari, tinanong ng StarTalk kung maaari nang ibigay ni Nadia ang pangalan ng pinaghihinalaan nilang nagkalat ng text messages.

Ang sagot ni Nadia, "Pasensiya na po, pero sa tingin ko hindi makakatulong kasi siguradong kapag nakasakit ka ng isang tao pa ulit lalaki pa ito, e. I'm still giving this person the benefit of the doubt na sana tawagan ako at i-explain din yung side [niya] kasi puro hearsay naman, hindi naman talaga... Mahirap talaga, mahirap gumawa ng kaaway, puro pagkakaibigan lang po."

REAL SCORE BETWEEN ROCHELLE AND JIMWELL. Bagama't pinabulaanan ni Rochelle ang isyung hiwalay na sila ng asawang si Jimwell, hindi naman niya naitanggi na may problemang namumuo sa kanilang mag-asawa.

Ayon kay Rochelle, magkasama pa rin silang mag-asawa ngunit hindi sila nakakapag-usap—bagay na kahit si Rochelle ay hindi maintindihan. Ngunit umaasa naman si Rochelle na hindi ito mauuwi sa isang hiwalayan. Aniya, "I'm hoping and praying na hindi umabot sa ganun. Masasaktan ako kasi mahal ko ang asawa ko. Kung wala akong pakialam sa kanya, hindi ako masasaktan."

Continue reading below ↓

Tumanggi rin si Rochelle na magbigay pa ng detalye sa posibleng dahilan ng kanilang problemang mag-asawa. "Kung hindi ko man nasabi sa inyo ang dahilan ng di namin pagkakasunduan, naniniwala ako na parang hindi namin kailangang masiraan or magsalita ako ng masasakit or masama na nangyari sa amin kasi nangingibabaw po sa akin yung magandang nagawa sa akin ng asawa ko," paliwanag ng aktres.

Dagdag pa niya, "Ayaw ko pong magsalita ng mga bagay-bagay na bandang huli pagsisisihan ko 'tapos naging masama ang tingin sa kanya ng mga tao. Kahit naman po papaano, alam ko na marami naman po akong pagkukulang bilang asawa. Hindi ko naman sinasabi na perfect wife ako sa kanya. Kaya nagkakaproblema, naniniwala ako na ‘It takes two to tango.'"

Sa ngayon, iniiwasan na lang daw nilang mag-asawa na maapektuhan ng isyu ang kanilang mga anak.

Hiniling din ni Rochelle na hayaan muna sila ni Jimwell na lutasin ang kanilang problema.

Continue reading below ↓

"Medyo may gulo na nangyayari sa aming mag-asawa. Kasi po, kami ni Jimwell, pagdating sa ganyang bagay, napakapribado po namin. Hangga't maaari, ayaw naming pinag-uusapan. Kami lang pong dalawa ang makakalutas nito," pakiusap ni Rochelle.

Read Next
Recommended Videos
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
"Sa dami ng mga pinagdadaanan ko, hindi ko na alam kung ano yung uunahin ko," says Rochelle Barrameda who still worries about her long missing sister, Ruby Rose Jimenez, and admits having a problem with her husband Jimwell Stevens. For starters, Rochelle defends her friend Nadia Montenegro (inset) who got entangled in the rumor of a marital split. Rochelle was last seen on her regular ABS-CBN show Bituin in 2002. Nadia played Judy Ann Santos'
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results