Nagsampa ng reklamo ang AGB Nielsen Media Research sa korte kahapon, Janaury 9, ukol sa umano'y maling pag-uulat ng ABS-CBN kaugnay ng manipulasyon diumano ng TV ratings.
Ayon sa petisyon ng AGB Nielsen na iniulat ng GMA News, sinadya raw ng ABS-CBN na bigyan ng ibang interpretasyon ang Temporary Restraining Order (TRO) na inilabas ng korte noong December 20, 2007. Sa mga ulat ng ABS-CBN, lumalabas na sinuway raw ng AGB Nielsen ang TRO dahil patuloy itong nagpapalabas ng TV ratings.
Nakasulat pa sa petisyon, "Not content with its misinterpretation, respondent went on to accuse the petitioner [AGB Nielsen] of having violated the terms of the Order. The accusation was made in its programs Bandila and The Buzz which aired on 21 December 2007 and 23 December 2007, respectively."
Sinabi ng AGB Nielsen na mali ang iniulat ng ABS-CBN na pinahihinto raw ng korte ang pangangalap nila ng ratings sa buong bansa. Bagkus, ang pinahihinto lamang ng korte ay ang pangangalap ng data mula sa mga "corrupted home panels" sa Bacolod.
Ayon sa petisyon ng AGB Nielsen, "Respondent's [ABS-CBN] graphics omitted the key qualifying phrase 'from corrupted home panels' from the Order."
Dahil dito, hiniling ng AGB Nielsen na i-contempt ng korte ang ABS-CBN at patawan ng kaukulang parusa.
"Instead of being accurate in its reporting, respondent [ABS-CBN] abused its clout as a broadcaster to engage in an intense media campaign to vilify petitioner [AGB Nielsen] and gain public sympathy for its cause, evidently to advance its private interest as a litigant," saad ng AGB Nielsen sa kanilang petisyon.
Sa huli, sinabi rin ng AGB Nielsen na tulad ng mga mamamahayag ng ABS-CBN, hindi dapat itago ng network ang mahahalagang impormasyon at hindi rin dapat baluktutin ang katotohanan.
Sa ngayon, hindi pa rin nagbibigay ng pahayag ang ABS-CBN network hinggil sa naturang reklamo ng AGB Nielsen.