Kahit na bahagyang nahuli si Roxanne Ginoo sa press conference ng Palos kahapon, January 17, hinintay pa rin siya ng entertainment media upang humingi ng paglilinaw sa ilang isyung nakadikit sa kanya. Ginanap ang presscon sa 9501 Restaurant, ABS-CBN compound, Quezon City.
Unang-una na rito ang tunay na status ngayon ng relasyon nila ng boyfriend niyang si Jake Cuenca. Ngunit bigo ang press na makuha ang totoong status dahil tanging, "Okay lang kami," ang laging sinasagot ng dalagang aktres.
Sa ngayon daw napag-usapan na nilang magkasintahan na mag-focus muna sila sa kani-kanilang mga trabaho.
Bida si Jake sa action-teleserye na Palos habang si Roxanne ay sa pilot episode lang mapapanood. Kinakailangan daw siyang i-pull-out ng ABS-CBN Management upang maging parte ng sine serye na Susan Roces Cinema Collection titled Florinda at isa pang teleserye kasama si Claudine Barretto.
"Gaya nga ng sabi niya [Jake], ‘Okay na okay kami.' Ayaw naming masayang 'tong opportunity sa amin, e. Nagbida na siya sa Palos so talagang make or break na ito sa kanya. And ito nga, kapalit ng Palos sa akin yung soap with Ms. Claudine dahil fan talaga ako ni Claudine."
ATTITUDE PROBLEM. Isa sa mga lumabas na isyu noon ay ang paghihiwalay nila ni Jake at isang dahilan daw nito ay sobrang pagiging selosa ni Roxanne.
Ngunit agad itong nilinaw ni Roxanne. Aniya, "Lahat naman ng tao marunong magselos, di ba? Lahat ng mga bagay na nangyayari, may rason 'yan and hindi naman ako magseselos nang walang rason. Siguro kung talagang ganun ang situwasyon baka talagang hindi kami okay ni Jake ngayon, di ba?"
Dagdag pa ni Roxanne, "Masaya kami, e. Ang gulo naman, nandiyan lang yan everyday, nasa nagha-handle na lang yan."
Gayunman, hindi itinanggi ng Palos actress na kahit papaano ay nakaapekto din sa kanilang relasyon ang trabaho nila. Aniya, "Kasi ang sa amin naman everyday naman din kaming nag-uusap so yun lang talaga malaking factor lang din kasi heto na kami, e, may kanya-kanyang career na kami. Hindi naman maiwasan na nakaapekto yun. Naha-handle naming dalawa, basta okay kaming pareho."
LIVING INDEPENDENTLY. Sa interview ng press, naikuwento rin ni Roxanne na living independently na siya ngayon. Kamakailan ay lumipat na siya sa isang condo unit sa Quezon City kasama ang kanyang best friend.
Bunsod diumano ito ng pagka-hectic ng kanyang schedule sa trabaho. Paliwanag ni Roxanne, "Kailangan ko rin kasi mag-uwian [sa Cavite] kung segue-segue ka. Hindi naman ako nag-solo nang walang nagbabantay sa akin."
Si Mr. Johnny Manahan, pinuno ng StarMagic, diumano ang tumulong sa kanya sa paghahanap ng matitirhan. Closely monitored din daw siya ni Mr. Manahan at ng ilang taong namamahala sa kanya. Sa katunayan, malapit lang daw ang kanyang tirahan sa handler niya.
Masaya naman daw si Roxanne ngayong nakapagsarili na siya. Ani Roxanne, "At least now, 22 [years old] na ako, alam ko na kung paano i-handle yung mga finances, alam ko na yung goal ko this time."
Gayundin, mas pag-iigihan daw ni Roxanne ang kanyang trabaho ngayong taong 2008. Kuwento niya, "Focus ako kasi gusto ko nang mag-invest, e. I mean, parang for me, nag-start ako 17 years old pero parang, for me, ito yung start ng career ko. Tumigil ako sa pag-aaral pero ito yung blessings.
"Talagang hahatawin ko kasi ako na lang bumubuhay sa sarili ko, expenses, sa lahat, binabayaran ko, galing talaga sa trabaho ko."
Sa kanyang pagsasarili at paglipat ng bahay, hindi ba natatakot si Roxanne na baka lumabas naman ang issue ng "live-in" sa kanila ni Jake?
"Ay, hindi. Hindi naman," sagot ni Roxanne. "Noong time kasi na lumipat ako doon, si Jake naman dumadalaw din, e. Open naman, may right naman siya na pumunta doon.
"Boyfriend ko yun so yung mga tao na lang naman ang nag-iisip ng [iba]. At saka as long as [we're] happy. Masaya kami basta hindi na lang namin pinapabayaan ang trabaho namin."
ISSUES WITH MOM. May mga lumabas din noon na minsang nagrereklamo na diumano si Roxanne sa pagtatrabaho para sa kanyang pamilya. Naging sanhi pa daw ito ng hindi pagkakaunawaan nila ng kanyang ina.
Ngunit mariin naman itong pinabulaanan ng dalagang aktres. Ayon kay Roxanne, hindi naman siya breadwinner ng pamilya. "Kasi tatay ko sa airline nagwo-work and may business kami sa Cavite and ako naman, yung kinikita ko para sa akin na yun, e," pahayag ni Roxanne.
Dagdag pa niya, "Kahit hindi naman ako mag-artista mabubuhay kami kasi marunong sa buhay ang mga magulang ko. Yun lang talaga na dito ako napunta, ito yung path na napuntahan ko. Minahal ko yung trabaho ko.
"Okay kami ni Mama. Once in a while nauwi naman ako doon [Cavite], kapag may time ako, doon ako nag-i-stay."
Sa kabila ng mga isyung ipinupukol kay Roxanne, matapang pa rin niyang hinaharap ang press at laging handang sumagot sa mga tanong. Isa lang ang malinaw sa kanya ngayong taon, "Alam ko na yung mga priorities ko. Ang goal ko nga dapat this year ipu-push ko na yung sarili ko kasi twenty-two na ako."