Pinasok na ni Dominic Ochoa, 46, ang pagtitinda ng prutas para may ekstrang pagkakitaan ngayong panahon ng pandemya.
Sinimulan daw ni Dominic ang negosyo noong Marso at hanggang ngayon ay patuloy ang pagde-deliver niya ng prutas at iba pang food products sa kanilang lugar.
Ikinuwento ni Dominic kung paano nila naisipan ng misis niyang si Denise Go ang kanilang business.
Si Denise ay isang celebrity make-up artist.
“Around end of March, siyempre, sama-sama ang pamilya ngayon, sabay-sabay kaming nag-aalmusal.
“Gusto kong i-share sa inyo na mahilig kami ng pamilya ko sa prutas, especially my wife.
“Sometime, end of March, habang nagkakape kami, we decided, ‘Bakit hindi tayo magbenta ng prutas?’
“Because we have a village market dito sa aming lugar...kung saan nagbebenta ng ibat-ibang…kung anu-ano.”
Nagkuwento ang Kapamilya actor sa house-tour video na in-upload ng Star Magic noong August 15, Sabado.
Ang Star Magic ay ang ABS-CBN talent-management group na kinabibilangan ni Dominic.
Pagpapatuloy ni Dominic: “Dahil bawal lumabas, hindi na naggo-grocery yung mga tao. We opted to sell fruits. In fact, ‘til now, nagbebenta pa rin kami.”
Inisa-isa rin ni Dominic ang mga produktong ibinebenta nila ng misis niya: Japanese sweet potatoes, mushrooms, lemon, pomelo, strawberries, blueberries, apples, fresh figs, cherry plum, imported grapes, red at golden cherries, donut peach o flat peach, pears, at oranges.
Pagkalipas nga raw ng dalawang buwan ng pagbebenta, kinailangan nilang bumili ng extra refrigerator para mapanatiling sariwa ang mga tindang prutas.
Paliwanag ni Dominic: “Isipin niyo, ha, in a span of two months dahil meron tayong regular customers within the area, e, bumili na kami ng extra lalagyanan, para to make sure na maayos ang pinaglalagyan ng mga prutas.”
Si Dominic daw mismo ang naghahatid ng mga order ng kanilang mga customer.
PRODUCTIVE THIS PANDEMIC
Paliwanag ni Dominic, mabisang paraan ito para maging ligtas ang pamimili ng kanilang customers dahil nakakatakot lumabas habang nariyan ang killer virus.
“Kasi bawal, e, bawal pa up until now. It is not safe to go to places. Especially ngayon, ang nakukuhanan ngayon ng virus yung grocery, bangko. So iyan ang mga iiwasan nating puntahan.”
Sabi pa ng aktor, mahalaga ring makahanap ng mga paraan para hindi masayang ang oras sa ganitong panahon.
“Kaya habang ganito pa sitwasyon, kung walang trabaho, nakapag-isip kami ng misis ko na, ‘Let’s start to be productive, let’s not waste time lying down, just doing social media.’
“Pag magso-social media kami, it’s more of promoting the products that we are selling.
"And dito nga, kahit dito-dito lang sa amin namin binebenta. Kami po nagde-deliver, ako mismo nagde-deliver, actually.”
Kapag mas malayo raw ang lugar na paghahatiran, idinadaan ito sa delivery service gaya ng Grab Delivery o Lalamove.
Diin ni Dominic, sa ganitong hirap ng panahon, maghanap ng mapagkakakitaan.
“Meron kayong ginagawa…you choose to be productive, in short. Hindi yung puro na lang tayo angal, kasi hindi naman tayo tutulungan ng Diyos kung hindi naman natin tutulungan ang ating mga sarili.”
Ipinakita rin ni Dominic sa house-tour video ang mga nilalako nilang iba pang produkto, gaya ng dips-in-a-jar at tinapa-in-a-jar products.

May produkto rin silang ice cream, wagyu cubes, at steaks.
Hindi man daw kalakihan ang kita, nakatutulong pa rin ito para merong kita kahit paano.
“Maliit lang ang kita, pero at the end of the day, nakakapagbigay saya sa amin, at saka meron kaming naihahain sa aming pamilya na makakain.”
Paliwanag ni Dominic: “So yun po ang pinagkakaabalahan namin kapag wala po kaming trabaho ni misis. Especially nowadays, kailangan nating mag-isip ng mga bagay-bagay para pagkakitaan. Let’s try to be productive, guys.”
Bukod sa apektado ang trabaho ng mga artista dahil sa pandemya, malaking dagok din para sa Kapamilya stars, gaya ni Dominic, ang pagkakait ng bagong prangkisa sa home network nito.
Karamihan naman sa kliyente ng kanyang asawa, na isa sa pinaka-in-demand make-up artists, ay mga ABS-CBN stars.
Sa kasalukuyan, kabilang bilang support cast member si Dominic sa afternoon teleseryeng Love Thy Woman na pinagbibidahan ni Kim Chiu.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
