"Okay naman," sagot ni Maja nang tanungin namin siya tungkol sa status ng
relasyon nila ng kanyang manager.
"Bigla na lang po kami nagkabati. Pero syempre po hindi ko naman inisip na,
‘Ay, pupunta ako ng burol para magkabati kami.' Wala naman pong ganun. Syempre
pumunta po ako roon dahil na rin sa respeto ko po kay Mamang [ina ni Tita Chit
na si Mrs. Amparo Ramos]. Kasi po noon, tuwing pumupunta ako sa bahay ni Tita
Chit, pinupuntahan ko rin po si Mamang sa kuwarto. So, kahit papa'no po
na-attach na rin po ako kay Mamang. Saka hindi rin naman po siyempre maganda na
doon sa burol ko kakausapin si Tita Chit tungkol sa nangyayari sa amin.
Siyempre po, respeto rin."
Hinalikan at niyakap daw agad ni Maja ang kanyang manager that night.
"'Tapos nung libing, may mga flowers na dala si Tita Chit. Binigyan niya ako ng
flower, yung ibibigay po kay Mamang. After ng libing may konting salu-salo sa isang restaurant. Tinapos ko po yun.
TAKING IT SLOW. "Yung pag-uusap po namin ni Tita Chit, ayaw naman naming biglain. ‘Tsaka ayoko
rin po siyang biglain na, hindi naman porke't pinakita ko sa ‘yo na okey
na tayo... Gusto ko po hinay-hinay pa rin. Pero nandun na rin yung may text ng
konti."
"Okey na rin kami nung family niya. Yung mga anak niya, nagte-text na kami,"
dagdag pa ni Maja.
Paano niya ide-describe ang relasyon niya ngayon sa kanyang manager?
"Uhm, nag-uumpisa ulit. Inaalis muna lahat ng sakit na pinagdaanan namin. Pero
ayoko lang din po syang biglain. Ayoko po na hindi porke't naging okey kami sa
libing, pipilitin, ganun."
Pero totoo ba na isa sa mga dahilan ng gap nila ni Tita Chit ay dahil sa
pagiging pasaway na talent niya?
"Actually, hindi po namin alam na dalawa...parang bigla na lang lumaki nang
lumaki. Ang daming lumabas na hindi naman kasali. Syempre, showbiz po, merong
naglabasang sabi ni ganito, sabi ni ganyan. Parang hindi naman malaki yung isyu
namin ‘tapos biglang lumaki ng hindi namin alam."
MALDITA? May version pang binastos daw niya ang sarili niyang ina.
"Naku, hindi po totoo yun! Actually, hindi po yun ang isyu. Hindi naman totoo
yun.
"Diyos ko! Baka mamaya wala nang dumating sa aking blessings kapag wala akong
respeto sa nanay ko. ‘Tsaka isa pa po, syempre kapag wala akong respeto sa
nanay ko, di dapat pati sa ibang tao wala akong respeto.
"Actually, lahat po ng tao na nakakasama ko, wala naman akong naririnig na
maldita ako. At sana nakuwento rin ng mga staff kung masama talaga ang ugali
ko."
So, tama kayang ipagpalagay na pera ang dahilan ng gap nila?
"Hindi, hindi naman. Siguro...ano ba?" Tila hinahalukay ni Maja sa utak
ang mga salitang tama.
"Yung sa kontrata lang. Yung sa pagtatanong ko ng kontrata. So, lumaki na lang
nang lumaki."
GRATITUDE. May nabago ba sa pagtingin niya sa kanyang manager?
"Nanay ko na si Tita Chit. Walang nagbago sa relasyon namin para sa akin. Kahit
na may mga lumabas na, ‘O, sabi raw ng manager mo, ganyan.' Pero sa akin, kahit
na totoo yung mga sinulat ng iba na sinabi niya raw tungkol sa akin, tatanggapin ko
pa rin siya kasi siya naman talaga ang nagbigay sa akin lahat, e. Siya ang
nag-umpisa. Siya yung isa sa mga dahilan kung nasaan ako ngayon. Siya ang
nagbukas ng pinto para sa akin."
Sa pagkakaalam ni Maja, sa August next year, bago siya mag-20 years old,
matatapos ang kontrata niya sa kanyang manager.
"Ayokong madaliin si Tita Chit kasi hindi pa finish ang kontrata ko po.
Siya pa rin ang manager ko. At kahit hindi na raw siya ang manager ko, para sa
akin siya pa rin."
Kung ayaw na siyang i-manage ni Chit?
"Respect na lang po kung yun ang decision niya. Pero sabi ko nga po kay
Tita Chit noon, kahit tapos na yung kontrata o ayaw niya sa akin, nandito pa
rin ako para sa kanya. Parang ipagpipilitan ko pa rin ang sarili ko sa kanya
kahit wala na akong kontrata sa kanya."
