For 36 years, hindi umalis sa piling ng kanyang parents sa bahay nila sa Guiguinto, Bulacan, ang Asia's Songbird na si Regine Velasquez. Until lumipat na siya sa kanyang bagong bahay sa Capitol Hills, Quezon City, last November 11, 2007.
"Actually, lumipat lang ako sa bahay dahil ‘yon daw ang last na pinakamasuwerteng araw ayon sa mga Chinese," kuwento ni Regine sa PEP (Philippine Entertainment Portal) sa formal launch ng kanyang The Best of Me, Regine Velasquez TV special last night, April 15.
Patuloy niya, "Saka dapat daw ay lumipat doon nang hindi pa tapos na tapos ang bahay para raw magtuluy-tuloy ang paggawa sa bahay. Kaya doon na ako natulog nang gabing ‘yon. Inabot din ng one year and three months ang pagtapos sa bahay. Pero ‘yong construction, inabot ng six months, ‘tapos finishing na.
"It's a modern house na inspired ng bahay doon sa Koreanovela na Full House. Kahit ‘yong infinity swimming pool, ginaya rin doon, yung may glass din ang swimming pool. First time nga raw nilang gumawa nun kaya pinag-aralan pa nila kung anong klaseng glass ang ilalagay."
Ayaw nang pag-usapan ni Regine ang nagastos niya sa pagpapagawa ng kanyang two-story house na may three rooms sa itaas plus two rooms sa ibaba.
"Huwag na nating pag-usapan kung magkano," iwas niya. "Pero mas maliit ang mga rooms ko kesa doon sa rooms ko sa Bulacan. Yung rooms ko ngayon, parang hotel room, white and green, very soothing to the eyes."
Nalungkot ba siya nang umalis siya sa bahay nila sa Bulacan?
"Yes, kasi ‘yon nga ang first time na umalis ako sa bahay namin," sagot ng Asia's Songbird. "Malungkot kasi ang parents ko na lang ang naiwanan doon, ako yung huling umalis sa aming magkakapatid. Naiiyak din ako sa gabi kapag naiisip ko sila, kaya hindi ako tumatawag sa cell phone. Tini-text ko lang sila dahil alam ko, iiyak lang si Mama kapag kinausap ko.
"Pero masaya sila para sa akin dahil after all these years, natupad na rin ‘yong dream ko na magkaroon ng sariling bahay. Alam nilang I really wanted to live alone at ngayon lang natupad. At saka sabi ng mga nakausap ko, talaga raw kapag nagkaroon na ng mga anak ang mga magulang, ang buhay nila umiikot na lang sa mga anak nila. Pero darating din ‘yong time na magiging sila na lang dalawa. At ‘yon nga ang nakikita ko ngayon sa parents ko, mas lalo silang naging close ngayon.
"Kaya ang birthday wish ko, hindi para sa sarili ko, kasi I'm blessed na nasa akin na yata ang lahat ng kailangan ko. Kaya para sa parents ko na ang wish ko, na maging healthy sila lagi, that they have longer life na magkasama together.
"Saka every Sunday naman, nandoon din silang lahat sa bahay ko—parents ko, mga kapatid ko, at mga pamangkin ko—ipinagluluto ko sila. Kung minsan, dumarating din ang mga friends ko. Kapag marami na sila, luto lang ako nang luto. Ttinatawagan ko si Ogie [Alcasid, her boyfriend], pinapapunta ko sa bahay para siya ang mag-host sa mga bisita ko. Hindi kasi ako marunong mag-entertain ng maraming tao!" natatawang kuwento ni Regine.
Ikinuwento rin ni Regine ang kanyang bagong hilig tuwing nagsa-shopping.
"Alam ba ninyo, kung pumupunta ako sa department store noon, ‘yong level lang na nandoon ang mga kailangan ko for my personal use, like shoes, bags, dresses, ang pinupuntahan ko. Ngayon, hindi na; sa fifth floor na ako pumupunta. Mga gamit sa bahay at sa kitchen ang binibili ko. Minsan kasi, may lulutuin ako, wala pala ako ng mga utensils na kailangan ko. Kaya ngayon, basta may free time ako, nagsa-shopping ako ng mga gamit ko sa kusina," masayang kuwento niya.
Hindi mai-describe ni Regine ang kanyang kitchen. Basta raw nang ipagawa niya ang bahay, may mga gamit siyang nagustuhan na nakita niya sa Internet, pero hindi pala ‘yon basta mabibili. Kailangan pang i-order, kung minsan sa abroad pa, kaya maghihintay pa siya ng ilang weeks bago mai-deliver sa kanya. Basta ngayon, happy daw siya na tapos na tapos na ang bahay niya.
Pareho silang busy ni Ogie ngayon. Ttotoo bang hindi na matutuloy ang shooting ng pelikula nilang Love is Blind...and Deaf na co-production venture ng GMA Films at Viva Films at ididirek sana ni Dominic Zapata?
"Hindi naman sa hindi matutuloy," paglilinaw ni Regine. "Dapat nga magsisimula kaming mag-shooting sa June, pero hindi talaga puwede.
"Sa aming dalawa ni Ogie, siya talaga ang busy. Alam ba ninyong Tuesday lang ang free day na ibinibigay niya? Puwede ba namang mabuo ang movie kung isang araw lang siya puwedeng mag-shooting sa isang linggo? But hopefully, pagkatapos ng Pinoy Idol at ng kanyang 20/20 concert sa September, magkakaroon na siya ng time para makapag-shooting kami at matapos 'yon before the year ends."
Bukod sa The Best of Me na mapapanood sa April 27, napapanood din regularly si Regine sa SOP. Sa May naman ay magsisimula na siyang mag-taping para sa teleserye niyang My Name is Kim Sam Soon at magisisimula na rin ang sarili niyang musical show na Songbird Sings.