Alma Moreno and son Mark Anthony Fernandez remember Daboy

Jun 9, 2008
"Mark, nakausap ko si Papa mo bago sila pumunta sa States, sinabi niya na proud na proud siya sa ‘yo ngayon, sa career mo. At palagi ka niyang ipinagmamalaki na ang pogi-pogi mo raw, kamukha niya at kayang-kaya mo na raw dahil ibang-iba ka na raw," says Alma Moreno to son Mark Anthony Fernandez.

Naging live guest ng Showbiz Central ang actress-politician na si Alma Moreno sa pagbibigay-pugay nila sa namayapang aktor na si Rudy Fernandez kahapon, June 8. Naging live-in partner noon ni Rudy si Alma na nagbunga ng isang anak na lalaki, si Mark Anthony Fernandez.

Humarap si Alma sa Showbiz Central co-host na si John "Sweet" Lapus. Binanggit ni John na nang mamatay ang kanyang ama na si Jojo Lapus, dating screenwriter, noong 2006 ay isa raw si Rudy sa mga nagbigay sa kanya ng suporta—emotionally and financially.

Unang tanong na ibinato ni John kay Alma ay kung ano ang naging reaction niya nang malaman niyang namayapa na si Daboy.

Ayon kay Alma, late na raw niya itong nalaman. "Nalaman ko, mag-i-8 or 9 a.m. ng umaga. Kasi alam mo, usapan namin ng wife ni Mark, si Melissa, pupunta kami bukas din ng umaga. Six o'clock, hindi ako makatulog. Siguro magsi-seven na, may araw na, hindi ako makatulog. Pumipirma ako ng papers, paulit-ulit ako. Yun pala, five o'clock, naghihingalo na si Daboy."

Continue reading below ↓

Nakaugalian na raw ni Alma na mag-silent mode ng kanyang cell phone. Nang magising daw siya at basahin ang mga text messages, ang mga nakalagay na ay ang mga mensahe na condolence, nagtatanong kung totoong wala na si Rudy. At first, hindi raw makapaniwala si Alma sa mga natanggap na text messages.

"Tinawagan ko agad si Mark," lahad niya. "Sabi ko, ‘Mark, ano ba ‘to? Totoo ba ‘to?' Sabi ng anak ko...ang tagal, ‘Wala na si Papa.' Ganoon lang. Siyempre si Mark, hindi ko ipapakita na ano ako... Sabi ko sa kanya, ‘Mark, okay ka ba?' E, si Mark, si 'okay' ‘yan, e, kahit hindi okay.

"Sinabi ko lang, ‘Iiyak mo ‘yan, ilabas mo ‘yan.' Sabi ko, ‘Magbibihis lang ako. Magkita tayo.' ‘Tapos sabi niya, ‘Sige Ma, mauna ka na. Kailangan ko lang ng driver dahil hindi ko kayang mag-drive.' So, pinapunta ko kaagad ang driver ko. Pero maya't maya, tinatawagan ko siya dahil kinakabahan ako sa anak ko."

Continue reading below ↓

MARK'S LAST TALK WITH DABOY. Ayon kay John, nakarating daw sa kanila na bago mamatay si Daboy ay kinausap nito ang tatlong anak na sina Mark, Ralph, at Renz. Pero sa kanilang tatlo, si Mark daw ang pinakamatagal na kinausap ng ama.

Tinanong ni John si Alma kung may idea siya sa pinag-usapan ng mag-ama.

"Tinanong ko rin sa kanya yun. Sabi ko, ‘Mark, nakausap mo ba si Papa mo bago yung...I mean, mawala si Papa mo?' ‘Tapos sabi niya, ‘Opo Ma, kinausap kami ni Papa.' I'm sure hindi na niya ikinuwento lahat. Pero sabi raw ng papa niya kung sino ang mga taong puwedeng niyang lapitan kung magkakaroon ng problema si Mark," lahad ni Alma.

ALMA'S VISIT. Bago mamatay si Daboy, may isyung lumabas na may ilang malalapit kay Daboy ang tila may ibang interpretasyon o nagtataka kung bakit hindi dumadalaw si Alma sa dating nakarelasyon sa mga huling linggo na buhay pa ito.

Continue reading below ↓

"No...yung birthday talaga ni Daboy [last March 3, 2008], hindi ako nagpunta noon. Gusto kong makita si Daboy kung sino yung Daboy na kilala ko. E, nakita ko sa TV, puro sila nag-iiyakan. Finally, nagkausap kami sa phone. ‘Nagtatampo ako sa ‘yo...' Sabi ko, ‘E, buti nga hindi ako nagpunta sa birthday mo. Nag-iiyakan na kayo, hindi ka pa man mamamatay.' So ganun, joke namin," paglilinaw niya.

Nagsisimula nang mag-crack ang boses ni Ness sa bahaging ito ng kuwento niya. "Nang ma-hospital na si Daboy sa Cardinal [Santos], nang magpunta ako, alam n'yo, noong pagpasok ko sa kuwarto niya, medyo na-shock ako. Pero hindi ko na pinahalata. Kasi payat siya...yung nagye-yellow na siya, ‘tapos ‘yung mata niya... Pero siyempre, pogi pa rin," nakangiti niyang biro.

Dagdag niya, nasa tabi na raw siya ng kama ni Daboy at nakatitig dito, pero maagap daw si Daboy na nagsabing ‘O, huwag kang iiyak! Huwag kang iiyak!' At sinabi kay Lorna [Tolentino, Rudy's ife] na, ‘Babes, iiyak si Mama Ness [palayaw ni Alma].'

Continue reading below ↓

"Alam n'yo ang ginawa ko," sabi ni Alma, "tumalikod ako at huminga lang at sinabi ko, ‘Hmp, bakit ako iiyak?' Pero alam n'yo, hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko sa kanya."

Tinanong ni John si Alma kung ano ang naramdaman niya sa pagkakataong yun para sa dating karelasyon, kung saan three years din sila nagsama at naging bunga nga si Mark Anthony.

"Actually, awa," sagot niya. "Yung totoo, bakit siya pa? Bakit siya pa ang nagkaganoon? Unang-una, mabait...mabait na kaibigan, mabait na anak. Maalaga sa katawan, walang bisyo... So, paano naman...? Parang, nagulat ako na hindi totoo ‘to."

Nailabas lang daw ni Alma ang pag-iyak niya nang makauwi na siya. "Actually, sa kotse pa lang, naiiyak na ako. Nagpa-offer ako ng mass sa Redemptorist [Baclaran] at Sta. Rita Church, ilang beses akong nagpa-offer ng mass. Ang dasal ko lang, sana naman, huwag na siyang makaramdam ng pain dahil nagtanong ako sa mga kaibigan kong doctor, yung pancreas daw ang pinaka-masakit."

Continue reading below ↓

Nagkausap daw sila ni Daboy bago ito umalis papuntang Amerika. Nagkuwento raw siya sa kung ano ang nagaganap sa buhay niya. Pero nang si Daboy daw ang kumustahin niya, napansin daw niyang hindi na ito yung Daboy na mahilig siyang biru-biruin, since paborito raw nitong inaasar siya.

ACCEPTANCE. Dahil alam daw ni Daboy na may sakit din si Alma, binilinan daw siya nitong ingatan niya ang kalusugan niya. Hanggang sa magawi ang kuwentuhan nila sa anak na si Mark. Doon nga raw sinabi ni Daboy kung gaano ito ka-proud sa panganay na anak.

Tuluyan nang napaiyak si Ness nang mapag-usapan si Mark. Ayon sa kanya, kung may inaalala man daw siya ay ang anak nga na si Mark dahil alam daw niya kung anong klaseng bonding meron ang mag-ama. Pakiramdam daw niya, hindi pa rin lubusang natatanggap ni Mark ang lahat dahil sa salitang binitiwan nito na, "Bakit si Papa pa?"

Continue reading below ↓

Tinanong ni John si Alma kung anong klaseng suporta ang ibinibigay niya sa anak sa ganitong sitwasyon para malampasan ni Mark ang pain na nararamdaman niya?

Kuwento niya, "Noong una nga, di ba, magkatabi kami [sa burol ni Rudy]? I'm sure, nakita yun sa TV. Hinila ko si Mark, ‘tapos pinakiusapan namin na kung puwedeng walang press. Kasi si Mark yung hindi niya inilalabas.

"So, hinila ko siya tabi ng coffin ni Rudy. At sabi ko lang sa kanya, ‘Mark, ano ang mas gusto mo, nahihirapan ang papa mo at hindi mo matulungan or ngayon na nandiyan siya at naka-smile sa atin?'"

Dagdag niya, noong namatay raw si Daboy ay nakahabol pa siya habang mine-meyk-apan ito sa morgue. Nahawakan at nasabihan pa rin daw niya na pakialalayan pa rin si Mark at huwag pababayaan. Pero si Mark daw, nagpahuli ng dating at hindi talaga nakayang makita ang kanyang papa sa ganoong sitwasyon

Continue reading below ↓

Pinasalamatan ni Alma si Rudy sa pagmamahal na ibinigay nito sa kanilang anak at maging sa kanya raw. Ayon kay Ness, "Naging magkaibigan kami. Best friend nga ang tawagan namin. Noong mga time na down din ako, isa ‘yan sa tumulong sa akin at nagsasabing, ‘Kaya mo ‘yan."

Muli, hindi na napigilan ni Alma ang mapaluha. "Ngayon, nabawasan ang totoong kaibigan ko."

MARK POURS HIS HEART OUT. Bago matapos ang interview ni John kay Alma ay nakausap din ng una sa pamamagitan ng telepono si Mark. Tinanong ni John si Mark kung ano ang tunay na saloobin nito ngayon dahil ang kanyang ina ay very emotional at inaalala ang kanyang nararamdaman.

May ilang segundo rin bago nakasagot si Mark, na halatang basag na agad ang boses. Aniya, "Bago mangyari ito, medyo inihanda na rin kami ni Tita Lorna [Tolentino, his stepmom]. Pero ako, ang realidad ko ngayon, parang hindi pa rin ako makapaniwala na, ‘Totoo ba ito? Nangyayari ba talaga ito?' Nang mangyari yun, okay, ready kami. Pero tulad ng sinabi ni Tito Bong [Revilla], sana may sumigaw ng cut. Yun, parang sa pelikula na, okey na, tapos na yun."

Continue reading below ↓

Sabi pa niya, "Although alam namin na sa ngayon, nasa somewhat better na lugar siya. Pero hindi namin siya kasama. Hindi ko siya kasama. Hindi pa rin ako makapaniwala. Kapag tinitingnan ko kung saan siya nakahiga, alam ko na nangyayari yun. Pero parang yung mag-sink in, hindi pa ako naniniwala. Alam mo yung bukas, wala nang tatawag sa akin. Hindi na kami magkikita. "

Sinegundahan naman ni John ang naging pahayag ni Mark na alam daw niya, especially sa mga last days ni Daboy, ay mas lalo pang naging malapit sa isa't isa ang mag-ama. Ano naman ang mami-miss niya sa ama during their happy times?

"Lahat...lahat, malalaki, maliliit na bagay mami-miss ko. Lalo na yung patingin-tingin lang siya, parang nangangamusta," naiiyak na sabi ni Mark.

Sumunod na tanong ni Sweet kay Mark, habang si Alma ay nakikinig at napapaluha naman sa studio ng Broadway Centrum, kung ano ang mga partikular na sinabi sa kanya ng papa niya na maaari rin niyang gamitin at sabihin sa mga anak niya.

Continue reading below ↓

"Maraming-marami siyang sinabi," ani Mark. "Pero yung huling sinabi niya, magpakabait ako, alagaan ko ang mga anak ko, magpakabuti akong artista. Basta gawin kong mabuti ang trabaho ko. Sasagutin ko raw ang mga tawag...basta, huwag raw akong hindi sasagot ng tawag. Kung hindi ko masasagot agad, sagutin ko pa rin daw. Basta ilan yun sa mga huling sinabi niya. Pero actually, mas marami pang mas malalim doon."

Ipinaalaala rin ni John kay Mark nang minsang magkasabay silang maging guest sa programang SiS ng GMA-7 ay nasabi ng young actor na ang papa niya ang isa sa mga naging sandigan niya at sandalan noong mga panahong nagkaroon siya ng problema noong araw. How does he feel na nawala na ngayon ang sinasabi niyang sandigan noon?

"Parang ano ‘yan, e...sa nakikita ko, parang butterfly. Noong panahon na yun, alam niyang kakailanganin ko siya. Ngayong iniwan niya ako sa oras na ‘to, kung may haharapin man ako or kung anuman ang bukas ko, alam niyang handa na ko para ro'n. O kung meron man, sinabi na niya sa akin kung sino ang mga taong hihingan ko ng advice," pahayag ni Mark.

Continue reading below ↓

DABOY IS VERY PROUD OF MARK. Dahil live at nakaupo pa rin si Alma sa pagkakataong nasa kabilang linya nga si Mark, si Ness naman ang tinanong ni John kung may mensahe ba siyang gustong sabihin sa kanyang nangungulilang anak.

Ayon kay Alma, "Meron akong sasabihin sa kanya na hindi ko alam kung nasabi ng papa niya sa kanya. Mark, nakausap ko si Papa mo bago sila pumunta sa States, sinabi niya na proud na proud siya sa ‘yo ngayon, sa career mo. At palagi ka niyang ipinagmamalaki na ang pogi-pogi mo raw, kamukha niya at kayang-kaya mo na raw dahil ibang-iba ka na raw."

Pahabol ni Ness, kung saan nagtawanan daw sila ni Daboy, "Mas makunat ka raw sa kanya!"

Ipinaalaala rin ni Ness na mahal na mahal ng papa niya si Mark at ngayon, dalawa na raw ang angels na nagga-guide sa kanya. "Di ba, sabi ko, una na, ang lola mo [Alma 's mother]. Pangalawa ngayon yung papa mo. Nandiyan lang siya sa tabi mo, kahit na ano'ng mangyari."

Continue reading below ↓

Sa puntong ito, si Mark naman ang tinanong ni John kung ano ang masasabi niya na mahal na mahal daw siya ng papa niya?

"Gusto kong sabihin sa kanya," na halatang hindi na napigilang mapaiyak, "kung mahal na mahal niya ako, mas mahal na mahal ko siya. At saka, salamat sa lahat."

Sa huli, binigyan din ng assurance ni Mark ang ina na huwag daw itong mag-alala sa kanya. Aniya, tulog lang daw ang katapat ng anumang nararamdaman. Naaalala pa raw niya na kahit si Rudy ay yun ang advice sa kanya, na itulog lang ang problema.

Pinasalamatan din ni Mark ang mga taong patuloy na sumusuporta sa kanila at dumadalaw sa burol ng papa niya sa Heritage Park . Aniya, "Isa po kayo talaga sa joy ng buhay ng papa ko. Maraming-maraming salamat sa lahat ng ibinibigay ninyong ligaya sa papa ko. Dumaan lang po kayo diyan...welcome din po kayo. Pumunta lang po kayo."
Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
"Mark, nakausap ko si Papa mo bago sila pumunta sa States, sinabi niya na proud na proud siya sa ‘yo ngayon, sa career mo. At palagi ka niyang ipinagmamalaki na ang pogi-pogi mo raw, kamukha niya at kayang-kaya mo na raw dahil ibang-iba ka na raw," says Alma Moreno to son Mark Anthony Fernandez.
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results