Annabelle Rama reveals her "love affair" with jewelry

by Julie E. Bonifacio
Jun 25, 2008
"Kasi nung dalaga pa ako, puro fake ang isinusuot ko. So, pangarap ko talaga na magkaroon ako ng tunay. Kaya nung nagkakapera ako, kumikita ako ng kaunti, lagi kong binibili ng jewelry para investment," says Annabelle Rama.

Idineklara ni Annabelle Rama sa presscon ng My Monster Mom kahapon, June 24, na sa mga susunod niyang pelikula, gusto niya na ang direktor ng comeback movie niya na si Joey Reyes pa rin ang mag-handle sa kanya. Sobrang nagustuhan kasi ni Annabelle si Direk Joey sa pagiging professional nito sa set ng My Monster Mom.

"Kung si Direk Joey kasi ang maging direktor ko, parang kampante na ako sa kanya. ‘Tsaka for me, napanood ko kagabi ang pelikula, magaling siyang scriptwriter. Magaling siyang writer. Magaling siyang direktor kasi nakikita ko sa ibang mga shootings ng mga anak ko, pati sa ibang artista, kada isang take bago mag-next scene, ang tagal-tagal. Magkukuwentuhan pa, yung iba aalis pa.

"Itong kay Direk Joey, after ng isang take, ni hindi ka nga... Wala akong time makipagtsimisan o tatawag sa telepono kasi sasabihin agad sa ‘yo, ‘Next, next!' Kaunting retouch lang, mabilis talaga siya.

Continue reading below ↓

"Nakikita ko talaga ang sincerity ni Direk sa trabaho niya, talagang madisiplina rin sa trabaho niya. Kaya pati kaming mga artista tuloy, dahil nakita naming bilang direktor na ganun siya, ganun na rin kami," papuri ni Annabelle sa kanyang direktor.

SPECIAL REQUEST. Sa hirap na dinanas niya sa preparation, shooting, hanggang dubbing ng My Monster Mom, hindi ba siya nadala na gumawa ulit ng pelikula?

"Hindi naman," sagot ni Annabelle. "Sa umpisa lang ako nahirapan. ‘Tapos nung pumasok na sina Uge [Eugene Domingo], sina Khryss Adalla, si Vangie Labalan, si JC [de Vera], lahat ng mga support ng movie, napakagaling na mga artista, kaya ako nadadala sa kanila."

Speaking of Eugene, pinilit daw talaga ni Annabelle na kunin ang mahusay na aktres para makasama sa My Monster Mom.

"Yes, sinabi ko talaga sa kanila gusto ko talaga kunin nila si Eugene Domingo kasi magaling talaga siya. Gusto ko talaga siyang makasama sa movie," kumpirma ng nagbabalik-pelikulang aktres.

Continue reading below ↓

Knowing kung gaano kahusay na artista ni Eugene, hindi ba naman nagpatalbog si Annabelle sa mga eksena nila?

"Hindi naman, kasi okey naman sila."

ANNABELLE'S JEWELRY. Inamin ni Eugene na hindi siya na-intimidate sa katarayan ni Annabelle. Bagkus ay na-intimidate raw siya sa mga alahas ni Annabelle.

Sabi naman ni Annabelle, "Ah, sinabi ko naman sa kanya bago ako nakatikim ng alahas, dumaan ako sa butas ng karayom. Kasi dream ko talaga nung araw pa na magkaroon ako ng tunay na alahas. Kasi nung dalaga pa ako, puro fake ang isinusuot ko. So, pangarap ko talaga na magkaroon ako ng tunay. Kaya nung nagkakapera ako, kumikita ako ng kaunti, lagi kong binibili ng jewelry para investment.

"Yes, investment ko dahil for the future ‘pag wala ka nang trabaho, wala ka nang pera, puwede mong ibenta, puwede mong isanla. Kaya for me, for investment at nag-e-enjoy pa ako."

Ano ang unang alahas na binili niya?

Continue reading below ↓

"Siyempre ang unang-unang alahas na binili ko singsing na walang diamond. Gold lang siya. Kasi hindi ako maka-afford bumili ng alahas kaya sabi ko, one day kung ako kumita, magkaroon ng extra money, ang una kong bibilhin, alahas. Kasi isa ‘yan sa dream ko. Pero ibinenta ko rin yun. Mura lang yun, ‘Day, e. Ang benta ko doon, mga P10,000.

"Yes, mahal na yun nung araw. Nabenta ko ‘tapos bumili ako ng panibago ulit. Ganun naman ako, e. Ngayon, may bato na. Unti-unti kong iniipon para makabili ng alahas."

Umabot na ba ang halaga ng mga alahas niya sa 100 million pesos?

"Hindi naman kasi ‘pag kailangan mo ng pera, ibenta mo naman. Nag-produce ako ng pelikula, kulang ako ng puhunan. Yung Visayan film, Medalyon Nga Bulawan. Si Gina Pareño ang artista ko. Matagal na yun, nung pagkabuntis ko kay Ruffa.

"Nag-produce ako ng movie, so naubusan ako ng puhunan ko. So yung lupa ko, hindi mabenta-benta, hindi maisangla. Kasi may mga lupa raw ako sa Cebu na pamana sa akin ng tatay ko. Hindi ko mabenta-benta. Hindi ko maisangla, so ang pinaka-the best way yung alahas."

Continue reading below ↓

Magkaano na ang alahas niya ngayon?

"Alam mo nung araw, pinakamahal na yung kapag meron kang mga P80,000 na diamond. Parang milyon na rin ang halaga ngayon. Yun ang ibinenta ko."

Nabawi ba niya?

"Hindi, ang iba ibinenta ko. Yung iba isinanla ko kasi nalugi ang mga pelikula ko. Kaya yung mga lahat, pati puhunan ko, nawala."

MOTHER ANNABELLE? May possibility ba na mag-produce ulit siya ng pelikula? Or at least a co-production project with either Regal or Viva Films?

"Hindi sa Regal or Viva, sa GMA Films," sagot niya. "Kasi si Richard [Gutierrez], naka-contract ng GMA. Doon lang ako puwedeng humiram sa kanila kay Richard.

"May plano na kami ni Richard. Kaya may meeting kami ngayon, because we're planning to co-produce ng GMA Films. Ang gagamitin kong artista, lahat ng Royal Era talents na nakakontrata sa akin, except Ruffa [Gutierrez]. Hindi puwede si Ruffa dahil nga meron siyang ABS-CBN. Pero baka kasama si Ruffa, guest role puwede. Nagmi-meeting pa lang kami kaya wala pang title."

Continue reading below ↓

Iba raw ito sa binubuo ring proyekto ni Richard na isang action movie. Ang binabalak nina Annabelle at Richard na i-produce na pelikula ay may temang horror-suspense. This year daw nila gagawin, pero next year na ang showing.

"Hindi naman," sagot ni Anabelle kung masabay ang binubuo niyang proyekto sa Richard-KC Concepcion movie sa Star Cinema na For The First Time. "Iniiwasan namin ‘yon. Eto naman hindi love story. Naiiba ito kasi parang horror na suspense."

Isasali ba nila sa Metro Manila Film Fetsival sa December?

"Hindi, hindi na aabot. Supposed to be pang-festival, pero hindi aabot. Kasi tinatanong namin ang GMA, hindi raw aabot talaga," pagtatapos ni Annabelle.

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
"Kasi nung dalaga pa ako, puro fake ang isinusuot ko. So, pangarap ko talaga na magkaroon ako ng tunay. Kaya nung nagkakapera ako, kumikita ako ng kaunti, lagi kong binibili ng jewelry para investment," says Annabelle Rama.
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results