Rosanna Roces: "Kung mamatay ako, walang makapagsasabi sa ataul ko na naging masamang tao ako."

Sep 4, 2008
"Hindi nila matanggap na hindi ka nila maitumba. Yung gusto nila, hindi naman mangyari. E, kaso wala naman akong atraso. At least, makakalakad ako nang nakataas ang noo ko. Kayong mga loko kayo na nakasalubong ko, kayo ang yumuko! Wala kayong mukhang ihaharap sa akin!" says Rosanna Roces to her detractors.

Maraming maiinit na pagsisiwalat at patutsada na sinabi si Rosanna Roces sa controversial interview sa kanya ng Juicy, ang showbiz talk show ng TV5. Nasagot na niya ang isyu ng pagiging pasaway, pagkakaroon umano ng karelasyong tomboy, at nakapagbigay na siya ng mensahe para sa ilang taong nakabanggaan niya. (Click here to read related article.)

Pero hindi lahat ng isyung ipinupukol sa kanya ay naitanong sa Juicy interview na ito. Kaya naman sa hiwalay na interview ng PEP (Philippine Entertaiment Portal) kay Osang ay hiningan namin siya ng pahayag tungkol sa iba pang mga kontrobersiya at mga taong inuugnay sa kanya.

Marami pang isiniwalat si Osang sa PEP.

"POOR" OSANG. Nagpaliwanag si Osang sa isyung naghihirap na raw siya at marami na raw siyang pinagkakautangan ngayon.

"Umuutang man ako, sa trust fund ko ‘yon galing," sabi niya. "Pero sa tao, sasabihin ko nang diretso sa inyo, wala akong utang kahit kanino. Magharap sila ng tao na may utang ako. Ayoko kasi ng may utang na loob. Lalo na utang sa pera, ayoko. Kaya nga tayo nagtatrabaho nang maayos, e."

Dahil daw sa "poor" na siya kaya ibinebenta na niya ang kanyang mga ari-arian gaya ng farm at lupain sa Antipolo. Totoo ba ito?

"Paano ko ibebenta, e, yung farm na malaki kay Nanay yun? Meron ako, pero conjugal property namin ni Tito [Molina, her former live-in partner] yun. Gusto ko man ibenta, siyempre hati kami, kailangan may pirma niya. At saka investment yun, e. Kahit i-check pa nila sa Antipolo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"E, hindi rin naman ako ganun katanga para hindi naman ako mag-ipon noong araw, di ba? Alangan naman i-broadcast mo ang mga kayamanan mo? E, di na-kidnap ang mga anak ko! Siyempre, meron ka rin namang itinatago na pati asawa mo hindi niya alam yun.

"Akala mo kasi yung ibang tao, Diyos sila, e. Na parang sila lang ang malinis. Dyusko, yung malalaking kumpanya nga nagkakaganun! Ang importante, yung kinakain mo galing sa malinis. Hindi ka nananalbahe ng tao. Kung mamatay ako, walang makapagsasabi sa ataul ko na naging masamang tao ako," dire-diretso niyang pahayag.

DRUG ISSUE. Hindi rin mawala-wala ang isyu ng pagda-drugs umano niya.

"Lagi nilang sinasabi ‘yan. Kung ginagawa ko ‘yan, sa bibig ko na mismo maririnig ‘yan. Ako mismo ang aamin. Baka sila yung naka-drugs? Ano ba ang drugs sa kanila? Di ba, mas drugs ‘yong tinuturok nila sa noo nila para magmukha silang bata? Mas masahol yun, direkta yun, e. Kailan nila ako nagkitang nagganun? Huwag silang magsabi nang hindi nila nakikita. Nakita ba nila yung mata ko na nakadilat nang ganun? Tigilan ako!

"Madaling mambintang, madaling manira ng isang tao. Pero isipin naman nila yung taong sinisira nila, may pamilya yun, may anak yun, na masasaktan. At isipin din nila yung mga nagsusulat, kayo ba wala kayong naging utang? Hindi ba nagka-estafa pa nga kayo? Huwag naman nating kalimutan yung nakaraan natin. Mas masahol pa yung nakaraan mo, e.

"Saka yung mga tumitirang ‘yan, lalo na yung mga nangba-blind item, mga kasamahan nila sa network tinitira nila. Naaawa rin ako dun sa iba pang tinitira, e. Katulad ni Sam Milby, sabi nagda-drugs daw kaya tuyot na. E, nagwo-workout naman yung tao. Bakit naman ganun? Parang may mga taong nagma-manipulate behind the scene. Ako, alam ko kung sinu-sino sila."

CONTINUE READING BELOW ↓
NOOD KA MUNA!

CAR FROM THE REVILLAS. May lumabas din na isyu na yung kotse raw na binigay para sa apo niyang si Gab o Budoy ni Senator Bong Revilla ay siya raw ang gumagamit. Si Gab ay anak ng panaganay na anak ni Osang na si Grace Adriano sa anak naman nina Sen. Revilla at Lani Mercado na si Jolo Revilla.

"Wait, sasagutin kita," sambit niya. "Pajero ‘yan, di ba? Paano ko gagamitin, e, sira? Noong minsang ginamit ni Grace, napara. Bakit, kaduda-duda ang plate number. Paano ko gagamitin? Ayoko na lang palakihin kasi ‘pag sinabi ko yung totoong dahilan, may mapapahiya, e. Ako, kung ako ang nasa ganung estado, hindi ko bibigyan ang apo ko ng ganun. Bago dapat!"

ELUSIVE OSANG. Kapag may mainit na isyu, parang tago siya nang tago kaya hindi siya mahingan ng pahayag.

"E, natuto na rin akong mang-dedma. Hindi naman totoo. Minsan nga, nag-uusap kami ng kaibigan kong si Rei Nicandro. Sabi niya, ituring ko na lang daw yung mga nangyayari sa akin na humbling experience. Sabi ko, ‘Paano magiging humbling experience, e, never ko namang sinamba ang pera?'

"Sabi ko nga, mas masarap ang ganitong buhay. Walang nagma-manipulate sa iyo. Tahimik. Ang buhay mo, dapat hindi lahat ibo-broadcast mo, e. Tingnan mo yung isyu kay Bong, yung anak [Inah Revilla] niyang ikinasal, ako ba narinig n'yong nagsalita? Although yung iba, kinu-quote ako. Ano ang sasabihin ko tungkol dun? Problema nila yun, labas na ako dun.

"‘Tapos, paano ako iku-quote, e, hindi nga ako nai-interview? Paano nga ako magkakaroon ng ganung salita? E, aanuhin ko ang kasal, kung hindi naman nagpapansinan? Okay na yung ganun ang nangyari, at least in goods terms na kami, wala nang gulo. Ayoko kasing magpilit."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Ano ba ang sinasagot ng mga Revilla para sa apo niyang si Budoy?

"Lahat. Pero siyempre, halimbawa bigyan mo ng sandamakmak na yaya ‘yan, ako pa rin ang nagpapakain diyan. Ako pa rin ang nagbabahay diyan. E, kasi hindi naman ako nagtatrabaho kagaya dati. Pero paano ko nabubuhay nang marangal itong mga ito without asking help? Paano ko nabubuhay yung mga tao sa bahay ko, di ba?" rason ni Osang.

Ang matagal ba niyang pananahimik ay nangangahulugang ayaw na niyang madagdagan ang kanyang mga nakaaway, o nagtitimpi lang siya?

"E, kasi ‘pag nagsalita ka, mapapansin ka naman dun, di ba? Kagaya niyan, may ginawa tayong movie kay Piolo Pascual [Manila], may mapag-uusapan tayong maayos. Pero kung wala rin namang pag-uusapang maayos, e, wala na lang. Kasi parang walang mabuting naidudulot sa iyo. Kasi ‘pag ikaw ang nagsalita, ikaw pa ang masama.

"E, tingnan mo noong ano ng mga Revilla, kung anu-ano ang natanggap ko. Nandung pina-DNA pa yung bata. Pero nung lumabas yung resulta, ako ba nadinig n'yo na nagsabing, ‘O, e, di napahiya kayo?'

"Ang sakit-sakit sa akin noon. Parang hindi nga gumagaling yung sakit, parang nandun lang siya, ganun. Kahit sabihin mong na-forgive mo na, pero dahil hindi naman dapat danasin ng bata yun. Paano paglaki niya at nalaman niya yun? Paano mo ie-explain yun? Pero at least, paglaki niya, malalaman niya na ang lola niya walang kasalanan dahil ipinagtanggol ko siya."

LOYALTY. Kung sakaling magbabalik-telebisyon siya, alin kaya sa mga pinanggalingan niyang network ang babalikan niya?

"Alam mo, ang pagtutuunan ko na lang ng pansin yung loyalty, yung magtitiwala sa akin, yung tatanggapin ako nang hindi naniniwala sa kahit na anong tsismis. Kagaya niyan kay Piolo, napatunayan nila na ‘pag ganito ang call time, ang aga kong dumating.

"Yung sinasabi ng isang istasyon na binabantayan ako, ginigising ako... Nung ginigising ako, alam ko ba na may shooting ako? Pero nag-schedule kayo ng shooting, ‘tapos ibabangon n'yo ako? Gusto kong magpahinga kasi tatlong araw na akong nag-shooting. Alam kaya ng mga tao yun?

"E, kaya ka nga natutulog kasi alam mo wala kang trabaho. Yun pala, nag-schedule sila dahil ayaw nilang mapahiya dun sa mga nasa taas. ‘Tapos ang idadahilan, ikaw. E, kung idemanda ko kayo? Nasa taas kayo ng kama ko, pilit n'yo akong binabangon! Iko-call time n'yo ako nang maaga, ‘tapos ipa-pack up n'yo! Iko-call time ka ng alas nuebe, naka-make up ka, ‘tapos alas onse na. Pupunta ka dun, Makati ka pa galing, ‘tapos madaling-araw ka pa pala kukunan!

"Ako, sasabihin nilang nag-walk out ako. Natural, kaya ako umalis three days lang ang pakiusap n'yo! E, nung matapos na ang three days, iipitin pa yung suweldo mo! Ibibigay ‘pag tapos na yung shooting para tapos na yung three days mo! Umaamot pa ng isang day! Teka muna, ang mga bata wala nang kinakain. Saka three days lang ang usapan, di ba?

"True enough, e, di uuwi ka ‘tapos sasabihin nag-walk out ka. ‘Tapos sa loob ng pamamahay mo, ginigising ka. Uutusan pa yung mga tao sa bahay na ibangon ako. E, kung idemanda ko kayo? Nagkalkal pa kaya sa gamit ko, sa CR! At saka parang mangyayari pa lang, alam ko na, na ikaw ang palalabasing masama."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

ON BEING "LAOS." Ano ang comment niya ‘pag sinasabihan siyang laos na siya?

"Lalo akong gumagaling," sagot niya. "At saka natatanong ko, bakit ganun, parang down ka na lalo ka pang dina-down? Kasi nga, hindi nila matanggap na hindi ka nada-down. Hindi nila matanggap na hindi ka nila maitumba. Yung gusto nila, hindi naman mangyari. E, kaso wala naman akong atraso. At least, makakalakad ako nang nakataas ang noo ko. Kayong mga loko kayo na nakasalubong ko, kayo ang yumuko! Wala kayong mukhang ihaharap sa akin!

"Bakit sila naninikluhod sa akin nung end part? Bakit ako sumusuweldo? Hindi puwedeng gagawan n'yo ako ng isyu, ‘tapos walang suweldo. E, yung kontrata ko, ‘eto. E, hindi nga totoo lahat ng tsismis. Dinaan ko sa abugado. Kaya namamahinga na ako, sumusuweldo pa ako."

Kung sinasabi niyang "sila" ang may kasalanan sa kanyang, mapapatawad ba niya "sila"?

"Ang pagpapatawad kasi, kusang dumarating yun, at saka everything will fall at the right place in the right time. Hindi ‘yan puwedeng pilitin. Pero kung halimbawa yung sa taas ang nagsabi ng cut, 'Teka muna, ito ang dapat mangyari,' e, di wala silang magagawa. Ako, ganun lang, e, sabay nang sabay sa agos, hindi ako kumukontra. Kung ito lang ang kaya ko, ito lang. Ang mga taong pinapahalagahan ko, yung mga tao lang na nagpapahalaga sa akin.

"Mas madaling patawarin yung mga taong nagkasala sa iyo. Pero yung mga gumawa ng kasalanan sa mga anak ko, parang hindi naman sa hindi mo mapatawad, pero parang mahirap mo nang pagkatiwalaan ulit," pagtatapos ni Rosanna.

Read Next
PEP Live
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
"Hindi nila matanggap na hindi ka nila maitumba. Yung gusto nila, hindi naman mangyari. E, kaso wala naman akong atraso. At least, makakalakad ako nang nakataas ang noo ko. Kayong mga loko kayo na nakasalubong ko, kayo ang yumuko! Wala kayong mukhang ihaharap sa akin!" says Rosanna Roces to her detractors.
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results